Update from Liza Maza:
back
Dateline Seattle 2 December, 1999 3:00 a.m.
Dear friends,
Parang pelikulang "Z" ni Costa Gavras ang eksena sa downtown ng Seattle. Muling dineklara sa pangalawang beses kagabi ang state of civil emergency dito sa downtown. Sa ilalim ng sitwasyong ito, pinapatupad ang curfew mula 7 ng gabi hanggang madaling araw; walang pwedeng magdemonstrasyon at magpakalatkalat sa lugar na sakop ng curfew at kung may lalabag ay agad na aarestuhin. Noong isang gabi pa (Nob. 30), sa unang araw ng state of civil emergency ay pinatawag na ang National Police para palakasin ang pwersang panupil sa Seattle. Ngayon ay mas pinalawak ang sakop ng emergency at mas mabangis ang pasistang represyon na ginagamit ng gobyerno laban sa pag-aalsa ng mamamayan laban sa WTO at sa paglapastangan sa karapatang sibil at pulitikal ng mamamayan.
Mga naganap:
30 Nob. umaga - Nagsimula ang mga protesta laban WTO sa iba't ibang panig ng downtown Seattle. Nagsimulang barikadahan ng mga ptotestador ang mga mayor na kalye at mismong lugar na pagdadausan ng 3rd WTO Ministerial Meeting. Ang mga demonstrador ay mula sa mga grupong environmentalist at mga tinatawag ditong direct action groups o mga grupong tahasang hinahamon ang batas at estado para dramatikong iparating ang kanilang mensahe. Bago mag-ala 9:00 ng umaga ay nagsimula nang buwagin ng Seattle police ang mga barikada. Nagpasabog sila ng tear gas, namaril ng plastic bullets at gumamit ng pepper spray . Pero parang bale wala sa mga demonstrador , patuloy silang bumabalik sa mga barikada at nagpatuloy ang pag-tear gas ng police. May maliit na grupong anarkista na nagbasag ng mga salamin ng mga department stores pero kalakhan ay mapayapa ang demonstrasyon.
Inanunsyo na na-delay ang pagbubukas ng sesyon ng WTO at iniatras ang iskedyul sa ika-10:00 ng umaga.
10:30 n.u. - nagdatingan ang mga delegado ng Pople's Assembly sa kanto ng Chinatown 4th & Jackson St. para sa march/rally na inorganisa ng SENTENARYO NG BAYAN at iba pang alyadong grupo sa Seattle. Mahigit 200 delegado ng asembliya mula sa Korea, Japan, Taiwan, Thailand, Canada, Iraq, Mexico, at iba't ibang panig ng Amerika. Lima ang dumating mula sa Pilipinas- si Ka Paeng ng BAYAN at KMP, si Carol Araullo ng Bayan, si Jojo ng HEAD, SI RoseVee ng Ibon at ako para sa GABRIELA. Nagsimula ang aming martsa ng 11:30 ng umaga patungong lugar ng kumbensyon para sumanib sa iba pang mga grupo. Sa lahat ng nagmartsa, ang grupo lang namin ang hindi binigyan ng permit. Ang grupo ring ito ang karamihang galing sa mahihirap na bansa ng ikatlong daigdig at mula sa organisasyon ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, estudyante at minorya. Kahapon pa ay inihanda na namin ang pulang tela na may nakalagay na "people's permit" at pinirmahan ng mga delegado. Sabi ko nga sa kumperensya kahapon " We Have the right to march down those streets because the streets of America are paved by the sweat and blood of the poor and oppressed peoples of the Third World extracted by the United States through its years of plunder of colonies and neo-colonies like the Philippines."
11:30 n.u. - nagsimula na kaming magmartsa. Naglagay muna kami ng toothpaste sa ilalim ng mata at sa bibig dahil pangkontra daw ito sa epekto ng pepper spray. Umabot sa mahigit 500 ang aming grupo. Umaalingawngaw ang mga Korean drums at ang islogang "Junk WTO! Down with imperialist globalization!" "Down with imperialism! Long live international solidarity!" "Ang tao, ang bayan ,ngayon ay lumalaban!" na isinigaw din sa Ingles at Espanol. Nang dumating kami sa converging point ng mga protestador ay amoy pa namin ang tear gas. Nakabarikada na ang mga pulis na nakasuot ng itim na uniporme, itim na helmet at itim na boots, Matatangkad sila at malalaking tao, parang robocop
Nagprograma kami at nagbigay ng mensahe ang mga delegado. Malaking planter lang ang aming stage. Dumating ang mga manggagawa sa ilalim ng AFL-CIO. Maramin pang samut-saring grupo at may isang grupo ng mga anarkista na naghubad ng pang-itaas para iladlad ang mga nakapintang islogan sa kanilang dibdid. Sabi ng media, mga 20,000 ang lumahok sa protesta. Samantala, napansin naming bukas ang ordinaryong mamamayan ng Seattle sa mga demontrador; hindi antagonistiko at mukhang nagsisimpatiya.
Mag-aalas kwatro na ng matapos ang martsa namin sa harap ng Paramount Theater kung saan kasalukuyang pinapalabas ang Miss Saigon. Organisado kaming nag-disperse matapos kumanta ng Internationale samantalang naiwan pa ang ibang grupo.
Tuluyan nang naantala ang pulong ng WTO na nakapagsimula na lamang ng ganap na ika-3:00 ng hapon. Tagumpay ang kilos protesta sa pag-shutdown sa WTO ng may 5 o 6 na oras!
Nang dumating kami sa opisina ng secretariat ay nabalitaan naming dineklara na and state of civil emergency sa downtown Seattle mula 7:00 ng gabi hanggang madaling araw. Pinakita sa TV ang ginawang dispersal sa mga demonstrador noong matapos kaming umalis sa downtown. Maraming nasaktan at maraming hinuli. Pinapalo ng mga pulis ng stick ang ilang demonstrador na wala namang armas kahit ano. Ang iba ay nakasubsob na sa lupa ay tinatapakan pa ng pulis ang ulo para hindi makagalaw. Sobrang brutal ang ginawang pagsupil ng mga pulis sa mga demonstrador.
Dis. 1 umaga - binuksan na namin ang TV para manood ng balita. Dumating na si Clinton noong madaling araw. Nagpatupad ng no protest zone ang pulis at sinumang lumampas sa linya at pumasok sa no protest zone ay huhulihin. Hindi ininda ng mga protestador ang limitasyong ito at patuloy silang nagprotesta. Grupu -grupo, minsa'y isa-isa silang lumalampas sa linya at pagkatapos ay kapit bisig na umuupo sa no protest zone. Hinuhuli naman sila at kinakaladkad o di kaya'y binibitbit sa mga naghihintay na bus na magdadala sa kanila sa kulungan. Sa bandang hapon ay umabot na sa 500 ang nahuli. Ang akala ay liliit na ang bilang pero patuloy na dumadami ang protestador. Ang iba ay di naman kasama sa mga naunang protestang naganap laban sa WTO pero sumama na rin sila dahil sa nakitang police brutality . "Shame on you! We have the right to protest! " ang sigaw nila sa pulis.
3:00 n.h. - nasa downtown ako dahil naka-iskedyul akong magsalita sa isang porum na inorganisa ng mga women's groups sa U.S. Ang porum namin ay tungkol sa estratehiya at aksyong ginagawa ng mga kababaihan sa lokal bilang pag-angkop sa epekto ng /paglaban sa WTO. Naglakadlakad muna kami sa Pike Public Market at sa may waterfront. nagtitipon-tipon na dito ang mga demonstrador at pagalagala. Halos mamumukaan mo na sila.
Nagsimula ng alas-kwatro ng hapon ang aming porum sa 1st United Methodist Church sa 5th Ave., downtown Seattle. Bandang alas-singko, hindi pa natatapos ang open forum ay may babaing tumakbo sa washroom mula sa labas. May mga steelworkers din at ilan pang manggagawa na pumasok sa session hall. Binalita nila na nagpakawala na naman ang mga pulis ng teargas, rubber bullets at pepper spray. Ang mga steel workers na nagmamartsa ay tinirgas din at pinalawak na ang no protest zone na sumasakop na sa public market na pinuntahan namin kanina hanggang sa 3rd St & Pine at sa lugar na pinagdadausan ng aming porum. May sign na "sanctuary" sa labas ng simbahan at nagpasukan na dito ang mga tinirgas. Pati mga inosenteng shoppers ay inatake na rin. May isang babaeng kasama pa ang batang anak na na-tear gas din. Mas masinsin ang pagpapakawala ng teargas at parang Nazi army na nagmartsa ang mga pulis na mukhang robocop sa kalye ng downtown. May mga gumagala na ring armed personnel carrier. Lalung nagalit ang mamamayan at dumarami ang lumalabas ng kanilang bahay para magprotesta.
Ang kapulungan ng aming porum, mga 70 lahat ay nagpasa ng resolusyon na nagkokondena sa naganap na karahasan ng pulis, humingi ng public apology mula sa Seattle pulis, sa Seattle federal govt. at sa US government. Ang presidente ng Women & Environment Development Organization (WEDO) na siyang nag-chair ng aming porum ang nagbuo ng resolusyon. Ang WEDO ay isang mainstream org ng kababaihan sa US.
Mag-aala- siyete na ng lumabas kami sa simbahan. Nagmamadali ang mga taong naglalakad. Nagkalat pa rin ang mga pulis. Sa TV ay binalita ang standoff na naganap sa public market at marahas na dispersal. Sa katunayan ay lugar na ng atrasan ang public market pero arbitraryong pinalawak ng pulis ang no protest zone. Parang nag-uulol na sinundan pa ng mga pulis ang mga demonstrador na umaatras na nga at patuloy pa silang tinirgas. Alas 8:00 ng gabi nang maitaboy ang mga protestador sa may Broadway St., halos tatlong bloke ang layo sa lugar na tinitirhan ko sa East Republican St. Bago dito ay tinangka nilang itaboy ang mga ptoestador mula sa downtown sa pamamagitan ng pag-field ng mga police cars na nagbantang sagasaan ang mga naka-barikada sa kalye. Pero hindi natinag ang mga demontrador na mga kabataan hangang sa umatras ang mga police cars.
Nagkaroon na naman ng standoff sa Broadway St. Kung tutuusin ay hindi na ito sakop ng no protest zone dahil residential area na ito at malayo na sa lugar ng miting ng WTO. Pero determinado ang pasistang gobyerno ng US na pagilin ang lumalawak na ngayon pag-aalsa. May mga residente ng Capitol Hills na sumasakop sa Broadway Street ang lumabas at nagprotesta na rin dahi ang sabi nila ay walang karapatang itaboy ng mga pulis ang demontrador sa residential area. Ang ilan ay nagbigay ng mga pagkain at kumot sa mga demonstrador. Tinangka ng mga opisyal ng organisasyon ng mga residente sa Capitol Hills na makipagnegosasyon, maging ng county mayor pero hindi rin napigil ang mga pulis sa kanilang pasistang atake. Dinig na dinig ko na ang mga helicopters na lumilipad ng mababa at nagpapaikut-ikot. Alas dos ng madaling araw nang sunud-sunod na namang nagpakawala ng tear gas. Sa malayo ay parang putok ng automatic machine guns ang tunog, minsan ay parang putok ng bomba. Naalala ko ang pag-aalsa sa EDSA.
Samantala, natanggap ko ang mga e-mails mula sa Pilipinas at nalaman ko ang ginawang dispersal ng pasistang si Ping Lacson sa mapayapang demonstrasyon ng mga lola ng Lila Pilipina. Dahil dito meron daw isang lolang dinala sa ICU. Sa buong daigdig sunud-sunod at marahas ang pasistang atake laban sa lumalawak na protesta ng mamamayan sa imperyalistang globalisasyon. May namatay na sa marahas na demolisyon sa komunidad ng Dabu-dabu sa may PICC para lamang mapaganda ang lugar ng Asian Ministers meeting noong nakaraang linggo. Maraming nasaktan sa marahas na dispersal sa piket sa pagbubukas ng miting na ito. Mula Nob. 13 ay halos araw-araw na inaatake at marahas na binubuwag ng sanlaksang security guards at mga bayarang goons ang piketlines na itinayo ng mga manggagawang nagwewelga sa 6 na branches ng SM para igiiit ang dagdag na sahod at para labanan ang kontraktwalisasyon.
Isa ang mensaheng nag-uugnay sa mga nagaganap na ito - Lumalakas ang mamamayan kaya lalung bumabangis ang imperyalismong US at lubos na nalalantad ang lantay na pasistang karakter nito. Sa harap nito, mas lalu pa tayong dapat magpalakas.
Alas-kwatro na ng umaga at naghahanda na ako para tumungo sa Los Angeles. Ang sabi sa TV ay magpapatuloy ang state of civil emergency hanggang sa buong araw ng Dis. 2. Sa pagpunta sa airport ay nagdaan kami sa Broadway St. May mga police cars pa rin at mga TV networks na nakaabang sa harap ng State City College sa Broadway St. May mga kabataang naglalakad-lakad at may mga nagtitipon na naman . Balita ko ay may mga pulong sa araw na ito ang iba't ibang grupo para pag-usapan kung ano ang gagawin.