Ang ating bansang
Pilipinas ay matagal nang naghihirap dahil sa pagkakautang nito sa IMF-World
Bank. Sa katunayan, ang ating pagkakautang sa ngayon ay umaabot na ng $52 BILYON.
Ibig sabihin ang bawat Pilipino, pati na ang mga kapapanganak na mga
sanggol, ay may utang na $700.
Paano papasanin ng
mga Pilipino ang utang na ito? Ang isang pamilyang may anim na katao ay
nangangailangan ng $11 bawat araw upang mabuhay nang desente sa Pilipinas.
Ngunit ang karaniwang pasahod sa manggagawa ay $5 dolyar kada araw, at ang mga
magsasaka ay kumikita lamang ng 90 cents sa isang araw. Kung tutuusin, ang mga
dollar remittances ng mga Filipino migrant workers (na umabot sa $5.7B nooong
1998) ay nauuwi rin sa pambayad-utang (na umabot sa $5.9B ).
Gayunman, sinusunod
pa rin ng gobyerno ang Presidential Decree 1177 na nilikha sa panahon ng
diktadurang Marcos. Isinasaad ng PD 1177 na prayoridad ng gobyerno na bayaran
ang utang panlabas kaysa sa mga serbisyong panlipunan. Katunayan, 40% ng
pambansang badyet ay ginagamit pambayad sa utang at sa interes nito, habang 10%
lamang ang badyet na nilalaan sa edukasyon. One cent kada Pilipino kada araw
lamang ang inilalaan para sa serbisyong pangkalusugan.
Kailanman ay hindi
mapagkakatiwalaan ang IMF at ang World Bank. Habang sa isang banda ay
nagpapautang sila, mas malaki naman ang nahuhuthot nilang kayamanan at
pribilehiyo dahil sa mga ipinapataw nila sa ating mga Structural Adjustment
Programs (SAPs). Noong 1996 ang IMF Highly Indebted Poor Country Initiative
(HIPC) ay nagharap ng mga bogus na pangakong patatawarin nila ang utang ng 41
bansa. Sa ngayon, 15 bansa na lamang ang sinasabi nilang posibleng mawalan ng
utang, at iisang bansa (Mauritania) ang aktuwal na nakatanggap ng kanselasyon
ng ilang utang.
Sa Pilipinas, ang
IMF-WB ay laging may ipinapataw na mga Structural Adjustment Program (SAP)
bilang kondisyon sa bagong pautang. Sa partikular, ang ipinataw ng IMF-WB ay
ang sumusunod:
§
Patuloy na liberalisasyon
sa kalakalan na nagbubunga ng pagbaha ng imported
products sa lokal na pamilihan, habang ang
ani ng mga magsasaka ay nabubulok o nababarat at ang mga lokal na
negosyo ay nalulugi.
§
Programa ng
pribatisasyon kung saan napapasakamay ng mga pribadong korporasyon ang mga
ospital (tulad ng Lung Center at Jose Reyes Memorial Hospital), planta ng elektrisidad (NAPOCOR) at planta
ng tubig-inumin (MWSS).
§
Re-engineering
o pagpapaliit sa mga istruktura ng gobyerno na nagreresulta sa pagbabawas ng
libu-libong empleyado.
Hinahayaan
rin ng IMF-WB na manatili sa poder ang mga opisyal ng gobyerno na kumukurakot
sa malaking bahagi ng mga pautang na
ito, basta’t nananatili silang sunud-sunuran sa kagustuhan ng IMF-WB.
Samantala, ang mga mamamayang Pilipino ang naghihikahos sa hirap. Ang kahirapan
ding nililikha ng IMF-WB ang nagtutulak sa maraming Pilipinong magtrabaho sa
ibang bansa.
Buong-lakas
na ikinokondena ng People’s Assembly Against IMF-WB and Imperialist Globalization ang
IMF-WB bilang mga instrumento ng G7 (sa pamumuno ng US, United Kingdon, Japan,
Germany, France, Canada at Italy) upang kontrolin ang ekonomya ng daigdig at
pagsilbihin ito sa kanilang sariling interes. Nakikiisa kami sa lahat ng
naaaping mamamayan ng buong daigdig sa paglaban sa mga pakana ng IMF at World
Bank.
IBASURA ANG UTANG!
IBASURA ANG IMF-WORLD BANK!
IBAGSAK ANG IMPERYALISTANG GLOBALISASYON!