•  tula
Agosto 16, 1982  
Roma  



sa lunsod ng guho

1.   via progreso -- 7:44 n.u.
a, kaytagal ko ring hinanap, tinunton
ang kalye ng luma't modernong panahon:
daga ba o tao
ang nagsasantuwaryo
sa guwang na pader at mga catacomb,
sa moog na bulok ay bihis ng ngayon?...

2.   piazza muchacha -- 12:07 n.t.
ang liwasang sana'y tagpuan ng lugod
ay basurahan na ng ambisyong lasog:
hangaring tumakas
sa piitang hirap,
kumapit sa tuka ng uwak na hayok,
kusang napaluray -- dito inilugmok...

3.   cattedrale sto. domingo -- 6:01 n.h.
sa guwardiyadong altar ay muling inusal
ang dating dalanging gasgas na't sugatan:
"kahit di man lubos
ay partihan, diyos,
ng di-balanse mong pagtingin, pagmahal..."
(ang mga rebulto'y nangakatitig lang!)

4.   pensione paradiso -- 11:56 n.g.
langong napakalong sa gusgusing silid...
ang paminggalan ko'y ma-ipis na't said!
sa sirang fontana
sa harding ulila,
ang marmol na diyosa'y kiring ngumingisngis
at di alintana ang gabing kaylupit...



•    FRANCISCO G. SIGUA      



Search me! Salamat sa tiyaga!

kung may puna:
dawnhill@frazesigant.com

Paalam muna 'ta
sa Tabing Sapa...
Dreamer Mouse, this!
1