•  tula
Marso 4, 1985  
Mangga, San Isidro 
Nueva Ecija 



sa lilim ng punong mangga

dito unang
       nakaduyan
ang malamyos na amihan,
       nakaniig
ang ilap na mga pipit,
       nagtumiim:
ang bitui'y aabutin...
pagkat noon:
lilim itong habihan ko ng pangarap
       bawat oras,
              (at sa sangang nakadangway, paglambitin,
              ang daigdig na tanaw ko'y parang akin!)
silungan ko sa maghapong paghihintay
                           --at pag-asam--
                           sa bulaklak ng karimlan...

noon, dito.

nagtaglagas:
mga daho'y nagkalaglag--
nagtag-araw:
mga sanga'y nagkabangal--

at, tag-ulan:
     ang bituing dati-rati'y nakasilip
     sa siwang ng mga dahong humihimig,
     bituin ding walang ningning, di mamasid
     sa ulap ng panimdim kong nakapiit!

aanhin ko ang bituin--?
     kung may tampo ang amihan...
     kung ang pipit, di dadalaw

...kahit kailan!



•    FRANCISCO G. SIGUA      



Search me! Salamat sa tiyaga!

kung may puna:
dawnhill@frazesigant.com

Paalam muna 'ta
sa Tabing Sapa...
Dreamer Mouse, this!
1