Ngayong dapithapong lumbay ang sumaklot,
muling sisindihan
ang dati ring parol na may lumang saplot:
Sa malabong sinag ay bagong alindog
na taos at banal
ang aasamin kong kumalat na lugod...
Igagayak ko rin ang dulang-kainan:
(Nang hapong lumipas,
ito rin ang hapag ng bigong pag-asam!)
Sa bahaw na kanin at sa isdang ilan,
aking ihahanap
yaring salaghati ng munting linamnam...
Muling iaawang ang pintuang-sala:
(Ni hindi kumatok
hanggang sa gumabi ang dumaang sigla!)
Ang hihintayin kong walang dayang saya'y
dito maglalagos,
masuyong darantay nang buong pagsinta...
Manunungaw ako upang di mainip
sa ngiting maaya
ng bagong Umagang walang bahid-lupit.
Kung ang pag-asam ko'y bigong pananabik,
mababata ko pang
lunurin sa dilim yaring hinanakit!...