Matagal tagal ko ng inaasam ang pagkakataong ito, ang magkasama-sama kaming tatlo bilang isang pamilya, isang tahanan na matatawag. May ama, ina at anak na silang bumubuo ng isang tunay na tahanan.
Isang buwan na lang noon ang hinihintay ko para sa aking interview sa embassy patungo dito sa US. Masayang malungkot ang aking nararamdaman sa pagkakataong 'yon. Masaya, sapagkat kami'y magkakasama na, at sa tatlong taon naming pagiging mag-asawa ay ngayon pa lang kaming mabubuo at mamumuhay na tunay na pamilya. Malungkot, sapagkat iiwan ko na ang nakagisnan kong pamilya, ang aking ama at mga kapatid na simula't sapul kami'y magkakasama na. At higit na nakalulungkot isipin na hindi man lang nahintay ng aking ina ang pag-alis ko patungo dito. Dalawang buwan bago kami umalis ng aking anak nawala siya sa daigdig na ito. Alam kong masaya siya noon habang inaasikaso ko pa lamang ang mga papeles namin sa embassy at nararamdaman ko ang kalungkutan sa kanyang puso, ang pag-aalala ng isang ina sa maaaring maging buhay ng kanyang anak dito sa Amerika...malayo sa piling nila.
Nararamdaman ko ang bigat ng loob na mawalay sa mga mahal sa buhay lalo na't sariwa pa sa alaala namin na minsan sa aming buhay nawala ang pinakamamahal naming ina at tuluyan na kaming iniwan. At heto na naman kami muli na namang mababawasan ang dati naming tahanan na minsang binigyan ng kulay ng aking anak sa pagbibigay tuwa at kasiyahan sa aming ama.
Marahil ganito talaga ang buhay ng tao, aalis ka sa dati mong tahanan upang humabi at magtayo ng panibagong tahanan kasama na ng iyong kabiyak at anak na siyang bunga ng inyong pagmamahalan.
Mahirap talagang mawalay sa mga mahal mo sa buhay lalo na't malapit ka sa mga ito. Masaya kaming nagkakasama-sama na magpipinsan kapag may mga handaan o okasyon sa amin. Kahit ang mga tito't tita namin ay masayang nakikiumpukan sa amin. Parehong side ng aking ama't ina, lahat sila nagkakasama sa aming munting tahanan...buo..iisa.. buklod-buklod. Kaya nga't sa ganitong uri ng pagsasamahan mahirap malimutan.
Aug.27, 1996
Araw ng pag-alis naming mag-ina at
umuulan pa nang araw na iyon na tila ba nakikisaya at
nakakadama ng lungkot ang ulan sa aming paglisan. Hindi man
mababakas sa akin ang kalungkutan, tila nararamdaman ko ang
bigat ng loob na lumisan sa tahanang nagisnan ko na mula
nang ako'y isilang. Mabuti na nga lamang at sa kaunting
panahon ay binigyan nila ako ng despedida upang makasama ko
rin sila sa huling pagkakataon. Naroon ang mga pinsan ko,
kaibigan, tito't tita, mga pamangkin ko, hipag, bayaw,
biyenan...salo-salo kami lahat...masaya!
Hinatid kami ng aking ama, ni Daddy sa airport kasaama ang mga in-laws ko. Ang anak kong walang kamuang-muang sa murang edad na tatlo ay nabagabag at umiyak sa aking ama, na tawag din niya ay Daddy. Hindi niya na pigilan ang nararamdaan niya, halos mag-aapat na taong nagkasama at pinasaya ang Daddy't Mommy ko sa kanyang mga jokes at sa kanyang kadaldalan at pinasaya ang tahanan namin kasama ang kanyang mga pinsan, tito't tita, lolo't lola... at ngayon nga'y aalis na kami. Pilit na kumawala sa akin at humagulgol sa Daddy ko at sabay tanong kung kailan siya susunod sa amin. At hanggang sa pagpasok sa loob, sa pag check-in umiiyak pa rin s'ya.
August 27, 1996 (LA Time)
Alas otso ng gabi ang dating namin sa LA kasama namin ang biyenang kong lalaki, si Daddy (rin). Abot tanaw ko na ang bababaan namin ngunit hindi pa gabi, halos papalubog pa lamang ang araw...takipsilim pa lang. Tanaw ko na ang malaking paliparan ng eroplano na sya naming bababaan, ang runway at nakita ko rin ang mga bahay na animo posporo sa liit at ang mga kuwadra-kuwadradong mga daanan...malinis! Hindi katulad sa Pilipinas na squatter ang madadaanan mo paglabas mo pa lang ng airport. Napakalaki pala ng airport dito at ibang-iba talaga sa Pilipinas!!
Summer nang dumating kami pero giniginaw pa rin ako, marahil sa nakasanayan kong klima sa atin. Nakakapanibago talaga, sa klima pa lang iba na, ano pa kaya ang iba?
Matapos ang mahabang pila sa immigration ay nakaraos din sa wakas, halos kami na lamang ang naiwan sa dakong iyon ng arrival. Mabuti na lamang at ang porter namin ay Pilipino rin kaya hinintay kaming matapos sa immigration at tinulungan pa kami sa aming mabigat na bagahe (o talaga lang trabaho nila 'yon?). Palibhasa hindi pa ako marunong gumamit ng dollar kaya hindi ko pa matantiya ang ibibigay ko na tip. Binigyan ko ng $3, umangal at akin na lang daw 'yon at sayang lang daw ang pagbubuhat niya ng aming mabigat na bagahe at paghintay sa amin . Masakit man sa pandinig dinagdagan ko pa ng $5 at sabay bulong, "Suwapang!!" Kababayan mo nga, mukha namang pera, may kapalit pala ang lahat ng kabaitan niya! Sa isip-isip ko, ganito ba talaga dito, kapwa Pilipino na ay nangingibabaw pa rin ang pagiging garapal sa pera bago ang pagtulong sa katulad kong baguhan dito?
Sa labas ay naroon na ang asawa ko na si Arman kasama ang dalawa niyang kaibigan para tumulong sa pagbuhat ng mga bagahe. Masayang-masaya kami sa pagkakataong 'yon, nagyakapan...tanda ng buo na kami bilang pamilya at hindi na muling magkakalayo. Talagang dininig ng Ama ang patuloy naming pananalangin sa Kanya..ang magkasama-sama kami bilang isang pamilya.
Habang pauwi naman kami mula airport ay nagmasid ako sa dinadaanan namin. Napakalawak ng daanan na kung tawagin pala dito ay "freeway" at mabibilis ang mga sasakyan. Walang maiitim na usok at wala ring trapik. Lahat dapat ay naka seat belt sa loob ng sasakyan na hindi naman ginagamit sa atin. Hmmm...amoy Amerika na talaga, hindi talaga ako makapaniwala!!
Binaba lang namin ang gamit namin sa bahay at umalis na uli kami para maghapunan sa isang restaurant. Pag pasok namin sa loob ay pinaupo kami sa isang lamesa sa dakong gilid. Nakakapanibago talaga, kung hindi dumidilim ay nakakasilaw ang paligid :-) puro puti at itim kasi ang mga tao, puro pa nag iingles!!! At palibhasa walang alam na American food kaya spaghetti lang ang inorder ko at si Arman at si Daddy naman ay steak, si Armi ay kids meal lang.
Nabigla ako nang inihain sa amin ang order namin.... bandehadong spaghetti yata ang ibinigay sa akin at kalalaking steak naman kina Arman at Daddy. Hindi ko naubos ang spaghetti...maasim, iba talaga ang lutong Pinoy...sarap Pinoy...(Jollibee siyempre!!) At ang steak naman sa tingin pa lang busog na ako...sa laki!!! Hay mahirap talaga ang bagong salta dito sa Amerika. Hanap-hanapin mo ang lutong Pinoy at siyempre ang ulam na may kanin.
Ilang araw na rin kami dito nang minsang naglalakad kami sa labas ng bahay namin ay may bumati sa amin (hindi ko naman kilala!), "Hi!" sabi ng nakasalubong namin. Ngumiti lang ako, hindi ko naman kasi kilala. Ganito pala dito sa tuwing may masasalubong ka ay dapat nakangiti ka at babatiin mo rin sila...dapat ready palagi ang ngiti mo. Ibang-iba talaga, nakakapanibago, lalo na kung ang makakasalubong ko ay mga Amerikano o ibang lahi...parang hindi ako kabilang dito, lalo kong nakikita ang sarili ko na nag-iisa ako dito sa lugar na ito...walang kakampi at kaibigan na mapagkakatiwalaan. Parang hindi ko kayang mamuhay dito, kailangang maging plastik ka sa pakikipagkaibigan, 'yung tipong umaabot ang ngiti mo hanggang tainga at sabay sabi, "hi, how you doin'? o kaya "what's up??...gano'n ba talaga? Mahirap baguhin ang kaugaliang nakagisnan at nakalakihan na natin. Dito dapat mayabang ka, plastik ka, dapat matapang ka at handa mong ipaglaban ang karapatan mo. Dapat ganito ka, dapat gano'n ka...dapat...tama na! Hindi ko pa kaya !!! Nalulula ako....nalulunod sa kultura dito....hindi ko pa kayang sabay-sabay na tanggapin lahat ang mga ito.....kailangan ko'y panahon at pakikisalamuha sa mga tao dito....hindi gano'n kadali ang pag adapt sa buhay dito....mahirap...para sa akin.
At ngayon nga na lagi lamang ako sa loob ng bahay, may mga kapitbahay nga pero animo wala sila, walang pakialaman. At ang mga kapit bahay namin ay puro katandaan (Senior Citizen Village kasi) kaya walang makausap, walang kaututang dila, walang kahuntahan...malungkot. Ibang-iba sa Pilipinas...nakakapanibago.
Hanggang ngayon nakikipagbaka pa rin ako sa ugaling Amerikano at halos nararamdaman ko pa rin kung gaano ako kaliit sa paningin nila. Nagkaroon ako ng inferiority complex, naduduwag harapin ang mundo sa lugar na ito.
Ngayon masisisi n'yo ba ako na hanggang ngayon "home sick" pa rin ako sa sariling bayan? Wala akong pinagsisisihan, masaya ako dahil buo na kami at kahit tatlo lang kami sa aming munting tahanan ay puno at sagana kami sa pagmamahalan at kapayapaan. Dangan nga lamang at hindi gano'n kadali ang mag adapt dito lalo na't nananatili lang ako sa tahanang ito buong araw (sa madaling salita wala pa ring trabaho!).
Kaya nga naglilibang na lang sa kasiyahang "maglakbay sa internet," mababaw man pero pinasaya ako nito, pinalapit nito ang puso ko sa amin...sa Pilipinas.
Home Sick Home, miss ko na ang buhay Pinoy, simple pero masaya, sama-sama ang mga kapamilya at kaibigan. Pantay-pantay ang tingin sa bawat isa. Amerika, nandito ang aming bagong tahanan...nananatiling makikipagsapalaran sa bayang dayuhan pero ang puso ko mananatiling nakaukit ang bayang sinilangan.