Aking Henerasyon

 

    Pinagtawanan ako ng sinabi ko "Lalabas nga ako, mga tsong, para sumama sa rescue team!" Lalo pa ako naging mukhang tanga ng pinahayag ko sa barkada ko na "Kung ang pangsarili nating kaligtasan ang lagi nating iisipin, ano ang kabuluhan ng ating pagiging tao? Ibig kong makatulong." Ito ang panahon kung kelan ako nabubuhay. Ito ang aking henerasyon.

    May nagsabi rin nitong mga kataga. Hindi siya pinagtawanan kung hindi hinangaan pa. Ang pangalan niya ay Junior mula sa nobelang Canal de la Reina ni Liwayway Arceo. Ang kanyang panahon ay nangailangan ng mga bayani laban sa hirap dulot ng salot ng lipunan. Ang kanyang henerasyon ay lumaban at nagtagumpay.

    Bakit sa panahon ko, ang mga nagnanais lumaban sa mga salot ng lipunan ay binabali wala? Bakit pinagtatawanan ang mga nag-aalay ng buhay para sa kabutihan ng lahat? Bakit hindi na pinapansin ang kabutihan ng bayan? Bakit sinasaktan ang mga tunay na bayani ng Pilipinas?

    Ngayon, karamihan sa mga kabataan ay mga makasarili. Walang laman ang kaisipan kung hindi ang mga bagay-bagay na mag-aangat sa kanila sa lipunan. "My gosh, my cell phone is old already, I'll ask my mommy to buy me na a new one.", "Mag-aaral pa ako, kailangan ko makakuha ng uno para makapasok sa kurso na gusto to.", at "Bahala kayo diyan, anong paki ko! Dito na lang ako sa labs ko!", ito ang kadalasang mga bukang bibig ng kabataan. Ito ang ang henerasyon na kinakabilangan ko.

     Ngayon, ang bayan kong Pilipinas ay dumaranas ng isang sakuna. Ang mga mahihirap ay lalong humihirap. Marami ang walang makain at ikakabuhay. Walang tigil ang putok ng mga sandata ng mga rebelde. Marami na ang namamatay na inosenteng buhay. Halos wala na yatang natitirang tiwala ang sambayanan sa gobyerno. Welga dito, welga diyan ang mga ilan, wala naman bunga ang mga sigaw nila. Araw-araw dumadami ang problema. Araw-araw din nanood ang mga kabataan sa mga ito parang isang pelikula na inaasahan na merong magandang katapusan.

    Dati- rati, hindi katagalan, kung naghihirap ang bayan, nag-kakaisa ang mga kabataan. Inu-una ang bayan kaysa sarili. Inaayos nila ang problema, hindi pinapanood. Handa nilang ibigay ang buhay kung kinakailangan. Parating handa tumulong. Kagaya ni Junior, walang takot niya sinilbihan ang mga nanganga-ilangan. Hindi siya nag-alinlangan kahit may hinaharap itong piligro. Parang kailan lang ang itong panahon.

    Natapos na ang panahong ganoon. Lumisan na ito, dala ang lahat ng katangian at bunga ng mga oras na iyon. Hindi nga ito katagalan pero nakalimutan na ito at nabaon sa mga ala-alang matamis. Wala na itong naiwan kung hindi ang panahon ngayon.

    Ngayon, buhay pa ba si Junior? Mayroon pa bang pagmamahal sa mga puso ng kabataan para sa bayan? O hindi kaya wala ng puwang dahil puno na ito ng pangalan ng mga banyagang artista? Dahil kung wala na, si Junior ay isa na lamang ala-ala kagaya ng ilang mga taong nag-buwis ng kanilang buhay para sa bayang Pilipinas. Hindi maglalaon, pagtatawanan na lamang siya ng mga nagtatamasa ng pinaghirapan niya.

     Wala namang katawatawa sa pag-ibig para sa bayan. Lalo na ngayon kung kelan kailangan muli ng bayan ang sambayanan. Para saan ang mga materyales na bagay kung walang kabuluhan ang pag gamit nito sa mundong ginagalawan. Ang pag-aaral ay walang say-say kung hindi matugugunan ang mga pangangailangan ng bayan. Ano ang kabutihan ng pagbuo na isang pamilya kung ibubuhay sila sa bayan na walang katahimikan?

    Ito ay para sa mga kabataan, sa mga tsong, pre, at mga 'tol, sa aking henerasyon. Huwag na nating hintayin mamatay ang bayan para pilitin buhayin ito. Huwag natin gawing biro ang pagtulong sa bayan. Sagutin na natin ang mga tanong. Mahalin natin muli ang bayang Pilipinas.

 

Chuckster
August 7,2000

 

Speak Up! Make yourself heard at The NoIsE Forum

Digital Genre

NoIsE

Make some NoIse! Send articles to chuckster@edsamail.com.ph


Copyright © 2000 Chuck Incorporated
    All rights reserved. Do not duplicate or redistribute in any form.

1