Jolina-Marvin...Walang Katapat?





MATAPOS magpakita ng lakas sa takilya ang tambalang WOWIE DE GUZMAN at JUDY ANN SANTOS sa pelikulang Muling Ibalik ang Tamis ng Pag-ibig ng Star Cinema, ang tambalang JOLINA MAGDANGAL at MARVIN AGUSTIN naman ang susubukan ng Star Cinema sa pamamagitan ng pelikulang Okey Ka Lang na idinirek ni JERRY SINENENG.

Gumiling na nga ang kamera at ang first day ay kninina pa sa Baguio City.

Ang kanilang loveteam ni Marvin ang susunod na ilalaban sa loveteam nina Wowie at Judai pagkatapos masira ang loveteam nina ANGELU DE LEON at BOBBY ANDREWS, dahil ang una nga ay nabuntis ni JOKO DIAZ.

Ganu'n na kaya kalaki ang tiwala ng Star Cinema sa loveteam nila ni Marvin?

"Nakaka-flatter or I can say it's really a big honor on our part na pagkatiwalaan ng Star Cinema. Bale, ito na 'yung launching ng loveteam namin. 'Yung kami lang talaga ang magdadala. Nakakataba ng puso 'yung suporta at tiwala ng Star Cinema sa loveteam namin ni Marvin but at the same time kinakabahan din ako, dahil mataas kasi 'yung expectations nila sa amin. Basta ako, I'll give all my best for this movie, 'coz this movie will either make or break the loveteam.

"Pero 'yung sinasabi nila na kami na 'yung susunod na loveteam nina Judy Ann at Wowie, e, malayo 'yun. Marami nang napatunayan 'yung loveteam nila, p'wera pa 'yung individual merits nila, samantalang kami ni Marvin, yes, may mga awards kaming nakuha na, pero not enough sa narating nina Wowie at Judai.

"Aminado naman ako na number 1 talaga 'yung loveteam nila. At alam ko naman na super-lakas sa takilya ang movie nila. Nakita ko na 'yung pila minsang nagpunta ako sa Megamall. Iba talaga 'yung loveteam ng dalawa and I can also say na naiiba rin 'yung sa amin ni Marvin.

"At isa pa, hindi naman ako nag-artista para makipag-compete kahit kanino. Kahit na sabihin pang healthy 'yung competition at nakakatulong, gusto ko pa rin 'yung narito ako para magtrabaho at pinagbubuti ko 'yung trabaho ko para naman 'di ako nasisira sa mga taong sumusuporta at patuloy na susuporta sa akin.

"Wala akong kini-consider na karibal o ka-level. Para sa akin, e, pare-pareho lang kaming mga artista na nagtatrabaho," sabi pa ni Jolens.

Marami ang nanunukso sa kanya na baka pagkatapos ng pelikulang ito o kahit 'di pa ito natatapos ay maging boyfriend na niya si Marvin. Considering na sa Baguio City pa ang location kung saan very romantic ang place.

Ayon pa kay Jolina, 'yung dating seven na rating niya kay Marvin as a suitor ay naging nine na.

"Marami nga ang nagsasabi, na posible ngang sagutin ko na raw si Marvin ngayon. Actually, nu'n pa naman nila sinasabi 'yan. As much as possible, e, ayoko pa talaga, dahil alam naman ni Marvin na pareho pa kaming may responsibilidad at 'yung lovelife namin, e, hindi namin 'yun priority. Maraming trabaho and I guess, 'yun muna ang aasikasuhin ko, pero ayoko rin namang magsalita nang patapos, dahil 'di naman natin alam kung ano ang susunod na mangyari.

"Ayoko naman 'yung magsalita nang patapos and then, may biglang mangyari at kakainin ko lang 'yung sinabi ko.

"Basta abangan n'yo na lang kung ano 'yung mangyayari. Wala namang masama kung sagutin ko si Marvin o maging boyfriend ko siya.

"Sabi ko nga sa iyo, habang nagtatagal. e, lalo kaming nagiging close, mas nakikialal namin 'yung bawat isa. Nadi-discover namin kung ano 'yung difference namin at nama-match namin 'yun.

"Sa ngayon, talagang nagwo-work-out nang husto 'yung relationship. Mas naaalagaan namin 'yun. At walang masama kumg mapunta man 'yun sa mas malalim na pagkakaibigan. Ilang beses ko na bang sinabi na sa mga suitors ko, e, malaki ang advantage ni Marvin kasi nga mas maraming time na nagkakasama kami. Kahit na sa trabaho, e, naisisingit ni Marvin 'yung nararamdaman niya sa akin.

"At ilang beses ko na rin bang sinabi na 'di naman mahirap mahalin si Marvin, dahil 'yung mga qualities na hinahanap ko sa isang guy, e, nasa kanya. Ayoko namang ulit-ulitin dahil baka akala ng mga tao, e, ako ang naghahabol sa kanya. Of course not. Kahit na gaano ko kamahal ang isang guy, e, 'di ko siya hahabulin. Hindi ako ang magbibigay ng motibo sa kanya. Hihintayin ko pa rin na siya ang lumapit," pagtatapos mi Jolina Magdangal.




[ B A C K ]
1