SUPER success sa takilya ang pelikuilang Muling Ibalik ang Tamis ng
Pag-ibig nina JUDY ANN SANTOS at WOWIE DE GUZMAN. At sinasabi nila na
naibalik ng pelikulang 'yun ang ningning ng pagkabituin ng Judy Ann Santos.
Siya na nga at wala nanag iba pa ang bagong superstar.
At muling pinatunayan ni Judai sa mga detractors niya na hindi siya ang
dapat na tawaging Flopsina Queen.
"Sa totoo lang 'yung sinasabi nilang Flopsina Queen, eh, okey lang naman sa
akin 'yun, eh. 'Yun ang gusto nilang itawag noon sa akin, 'di ba? Pero
ngayong kumita na itong pelikula naming dalawa ni Wowie, eh, ano naman kaya
ang gusto nilang itawag sa akin, 'di ba?" umpisang balik-tanong ni Judai
sa shooting ng bago nitong pelikula with GLADYS REYES at ONEMIG BONDOC.
At ngayon ngang naibalik na nia ang magic niya sa takilya, ma-maintain kaya
niya ito?
"Well, hindi naman tayo makakasiguro riyan, eh. Kumbaga, katulad ng ibang
artista, eh, hindi mo naman masasabing laht ng mga pelikulang gagawin nila,
eh, tatangkilikin ng mga tao, 'di ba?
"Sa totoo lang, hindi naman talaga forever na mahahawakan ang sinasabi nilang
magic, eh. Kasi hindi mo naman alam kung ano talaga ang gusto ng tao, 'di
ba? Kumbaga, paiba-iba talaga sila ng pinapanood.
"Kasi ngayon, puwedeng masabi nating kahit na hindi masyadong kumita 'yung
pelikula mo, eh, pinapanood nila dahil favorite ka nga nila pero darating
din ang panahon na ayaw naman nila sa iyo. At kahit na anong ganda pa ng
movie mo, eh, sa ayaw ka nilang panoorin, 'di ba?
"At aminado naamn ako na 'yung mga past movies ko, eh, hindi talaga ganu'n
kalakas sa takilya at masasabi kong blessing in disguise talaga itong
pelikula naming ito ni Wowie," dagdag-paliwanag pa niya.
At ngayon ngang napatunayan niyang malakas talaga ang tandem nilang dalawa
ngayon ni Wowie de Guzman, darating kaya siya sa puntong mamimili na siya ng
mga makakasama niya sa gagawin niyang pelikula?
"Siguro darating ako sa puntong medyo pipiliin ko ang mga pelikulang gagawin
ko pero hindi pa naman siguro tayo darating doon sa mamimili ako ng
makakasama ko sa pelikula," paikling sagot pa niya.
"Sa totoo lang, eh, ayoko namang makakasakit ng damdamin ng kapwa ko artista
dahil sa totoo rin, eh, naniniwala ako sa karma at ayokong mangyari rin sa
akin na tinanggihan ako nilang makasama sa pelikula, 'di ba?
"Kumbaga, masakit naman yata 'yung tinanggap mo na ang movie, tapos biglang
malaman mo na lang na tinanggihan kang makasama ng isa sa mga cast ng
pelikula. Ang pangit naman ng dating noon, 'di ba?
"Kahit na kanino naman siguro mangyari 'yun, eh, masakit 'yun," pailing-iling
pang usal pa rin ng numero unong young actress.
Sa dami ng mga intrigang dumating kay Judy Ann ay inaamin niyang nasasaktan
pa rin daw siya sa anumang bagong pang-intriga sa kanya ng mga detractors
niya.
Pero deadma na lang daw siya ngayon.
"maganda na itong ganito, at least hindi nadadagdagan ang mga kaaway ko. Sa
totoo lang kung papansinin ko pa 'yun, eh, baka kung saan tayo pupulutin.
"Mabuti pang magtrabaho na lang tayo nang magtrabaho. At least kikita ka pa
at giginhawa at gaganda pa ang paningin mo sa kapaligiran. Deadma na lang sa
mga bagong intriga at ngitian mo na lang silang lahat, 'di ba?" sambit pa
rin ng young aktres.
Maraming pelikulang naghihintay ngayon sa availability ngayon ng isang Judy
Ann Santos pero paisa-isa lang daw talaga ang tanggap niya at ayaw niyang may
mabibitin naman siyang commitments.
Pero sa ngayon, ang konsentrasyon ngayon ni Judai ay nasa pelikulang
pinagsasamahan nila ng best friend niyang si Gladys Reyes at si Onemig
Bondoc.
Hindi kaya si Onemig naman ngayon ang bagong matsi-tsismis sa kanya?
"Well, what's new 'di ba? Ganu'n naman dito, 'di ba? Kung sino ang
makakasama mo, eh, tiyak doon ka naman matsi-tsismis. Sa akin okey lang 'yun
basta makaktulong sa pelikula, wala naman sigurong masama roon.
"Pero kaya excited din ako sa pelikula naming ito dahil kasama ko uli ang
bespren kong si Gladys. Alam n'yo namang medyo matagal-tagal din kaming
hindi nagkakasama sa pelikula 'di ba?" balik-tanong pa rin niya.
Ano nga ba ang dahilan kung bakit sa dimani-daming offers sa kanilang dalawa
noon ni Gladys na magsama sa pelikula ay ngayon lang nagkaroon ng katuparan
sa pelikulang ito ng Viva Films?
"Hindi ko rin talaga alam. Pero huwag na lang siguro nating pag-usapan 'yan.
Basta ang importante, eh, magkasama na kami ngayon sa pelikula at parehong
excited kami," sabi pa rin ng sikat na young actress.
Si Gladys pa rin ang maituturing ni Judai na number one best friend niya. At
sa mismong kaarawan ni Judai ay si Gladys lang talaga ang special guest niya
sa munting salu-salo na ginanap sa kanyang bahay sa Fairview.