AYAW patulan ni MARVIN Agustin ang minsa'y nasulat na pahayag diumano ni
DIETHER OCAMPO tungkol sa hindi raw pagiging magka-level ng dalawa.
Tinatawanan lamang ni Marvin ang mga ganu'ng statements na alam daw nitong
hindi pupuwedeng sabihin ni Diet sa kanya.
"I know the guy," patungkol pa niya kay Diet.
"Hindi naman ganu'n ang pagsasalita ni Diether. Nakakasama ko 'yan palagi sa
teyping ng ibang shows at never kaming nagkaroon ng problema.
"Siguro, 'yung ibang tao ang nagsasalita for Diether, kaya't may mga isyung
ganu'n na lumalabas.
"Until I hear from Diet...saka lamang ako magsasalita," kaswal pang sagot ni
Marvin.
"Kami pa, e, magkaibigan kami n'yan!" giit pa ni Marvin.
Mas gusto pang pag-usapan ni Marvin ang tungkol sa launching movie nila ni
JOLINA MAGDANGAL. Sa Baguio City ang kanilang location at enjoy na enjoy
ang dalawa sa pagitan ng kanilang shoots.
"No dull moments sa set. 'Pag break, marami ka pang mapapasyalan. Enjoy kami
pareho ni Jolina do'n. malayo sa pollution at init ng panahon," tuluy-tuloy
pang pahayag ni Marvin.
Light drama ang Okey Ka Lang, na gagawin ng dalawa under Star Cinema
at sa pamamahala ng kanilang paboritong direktor na si JERRY SINENENG.
"Laos na band member ako rito. Nilayuan ako ng mga friend 'ko dahil wala raw
akong ningning. Hindi na ako sikat. 'Yon, si Jolina lamang ang tanging tao
na nakakaramay ko, ang tanging nakakaunawa sa kalagayan ko," kuwento pa ng
young actor.
Sa ending, siyempre ay silang dalawa ang magkakatuluyan.
"Siyempre naman. Baka hindi pasukin ng mga fans 'pag magkakahiwalay kami sa
ending," pabiro pang tugon ni Marvin.
Inilapit naman ang iskrip ng kanilang pelikula sa tunay na kalagayan ng
dalawang bagets na artista. Si Jolina kaya'y kanyang maasahan through thick
and thin? Nandidiyan pa kaya sa kanyang tabi si Jolina sakaling mawala na
rin ang ningning nito sa pinilakang tabing?
"Huwag naman," at sabay pang nag-knock-on-wood ang young actor.
"Sa nakikita ko naman, Jolina is always supportive sa akin, kahit na sa anong
bagay. She's one person na I can rely on. Maybe in the future o kahit na
kailan pa, magdadamayan pa rin kami, kahit na hindi kami ang magkatuluyan sa
bandang huli," seryosong sagot pa ni Marvin.
Si Jolina na kaya ang babaeng pinangarap niyang makasama sa kanyang buhay?
"Kung 'yan ang ang itatanong mo sa akin ngayon, oo naman," walang
paliguy-ligoy pang sabi ni Marvin.
Papasok na si Marvin sa pagiging 20's nito. Ano kaya sa palagay ng binata
ang right marrying age para sa kanya.
"I ca't tell. Sabi nga nila, marriage comes like a thief in the night.
Dumarating 'yan sa buhay natin na hindi naman natin inaasahan. So, I guess,
kung ako ang masusunod, mga limang taon pa from today.
"That way, mapapaghandaan ko pa ang aking kinabukasan. 'Tsaka, kailangang
ma-establish ko muna ang career ko bago ako pumunta sa bagay na alam kong
magiging permanenteng buhay ko na.
"Isi-set ko muna ang foundation ko sa (movie) industry bago ko pasukan ang
isang delikadong bagay, ang isang mahalagang parte ng aking buhay
saka-sakali," taimtim pang sagot ni Marvin.
Mayroon na siyang bahay at lupa. Nakapagpundar na rin siya ng kanyang
sasakyan. Ano pa ba ang kulang sa kanya para isipin ang paglagay sa tahimik?
"Ang pag-aasawa kasi ay hindi basta mainit na kanin na iyong isusubo at
ililuwa mo 'pag napaso ka," makahulugang bitaw pa rin ni Marvin.
"Dapat talaga pinaghahandaan. Dapat maging emotionally at financially stable
ka muna bago ka pumasok sa bagay na ito. I should know. Marami na akong
nasusubaybayang relasyon na dahil sa pagmamadali ay nauwi lamang sa wala.
"Ayoko namang ganu'n ang mangyari sa akin," pangaral pa ng binata.
"May kasabihan din tayo na 'love flies out of the window when poverty comes
in'. 'Di ba, 'pag kumakalam na ang sikmura n'yo, doon na nag-uumpisa ang
problema," pagtatapos pa ni Marvin.