sa kailaliman ng dagat ako'y napadpad
diamanteng makinang aking hangad
isa't kalahating taong paghihirap
maabot lamang ang tanging pangarap
kinalimot ko, bisyo't kabuktutan
babae't alak aking binitawan
sariling kailangan 'di inatupag
kapakanan niya'y huwag lamang mahabag
walang isang saglit na 'di kita isip
ngiti mo'y abot tanaw kahit sa idlip
tamis ng pagtingin parang sinag ng araw
sa halimuyak ng kutis, ika'y lulutaw
mga sambit kong ito'y dinig mo sana
at ako'y huwag nang pahirapan pa
dalisay ng pagibig ko sa iyo'y tapat
buhay ko'y handog pati na ang lahat
sa mga labi mong matamis at mapula
marinig ang ningning ng iniibig kita