Ingkong Logio


In this episode, Ingkong Logio assumes another person's identity.
 



    Ako ay nagpunta sa bahay ni Kabo Doro kung tawagin, ito ay isang kabong retirado na ibig sabihin ay nakapaglingkod na ng dalawampung taon sa pagka sundalo: ang hanapbuhay nito ay magpalit ng mga taong nasusundalo ngunit ayaw magservicio o ayaw magsundalo kaya umuupa.

    Pagdating ko sa bahay ni Kabo Doro ay sinabi ko agad sa kanya na nais kong magsundalo kung ako ay may mapapalitan. Ang sagot sa akin ay mayroon at itinanong sa akin kung ako ay may partido bautismo. Ang sagot ko ay "Wala po". "Kunin mo muna anya ang partido bautismo mo." Ang sagot ko ay totoong malayo ang bayan ko, at baka kung ako ay dumating sa amin ay baka hindi na ako pabalikin dito ng aking mga magulang. Si Kabo Doro ay nag isip sandali, pagkatapos sinabi niya, dito ay may umuupa ng walong pung piso, isang taga Laguna. Ngunit kung wala kang partido bautismo ay malaki ang magagasta natin. Itinanong ko kung gaano o magkano ang magagasta. Ang sagot niya ay mahigit pang sampung piso, at ang isa pa ay magbabago ka ng pangalan. Nang madinig ko yaon ay ako ay natuwa, sapagkat nais ko ngang malihim ang tunay kong pangalan. Kung gayon po ang wika ko ay gawin na po ninyo ang lahat ng kailangan at ang lahat ng magugugol ay kunin ninyo sa walong pung pisong ibabayad sa akin, gayon din ang nauukol sa inyong kapagalan. wala po tayong hindi pagkakasunduan, sabi ko. Wari ko ba ay natuwa si Kabo Doro sapagkat dali dali niyang kinuha ang isang partido bautisnmo ng isang binatang patay na raw, nagngangalang Ambrosio N. Ruiz, matanda lamang ako ng dalawang taon, taga Ermita, Maynila. Iyan anya ang partido bautismo mo at ang ngalang iyan ang pangalan mo. Opo ang sagot ko.

    Sinimulan ni Kabo Doro ang paghahanda ng mga kasulatan at sa mahigit lamang na isang oras ay nayari ang lahat ng kailangan at matapos kaming makapananghali sa kanilang bahay ay nagpunta na kami sa Cuartel General ng Hukbo. Iniharap namin ang mga papeles. Pagkabasa ng pinunong tumanggap sa amin ay ipinatawag ang manggagamot at ako ay ipinasiyasat at matapos patunayan ng manggagamot na ako ay may mabuting pangangatawan ay ako ay pinasumpa bilang kawal ng hukbong kastila sa Filipinas. Ang aking kinaukulang pangkat ay ang Regimiento de Linea Legaspi No. 68 na naka destino sa Holo, Mindanaw. Pagkatapos ng lahat ng ito ay nagpaalam na kami ni Kabo Doro, maaari na kayong umalis ngunit si Ruiz anya ay dito na matutulog sa kuartel.

    Pagdating namin sa bahay ni Kabo Doro ay ibinigay sa akin ang isang baul na munti na may lamang dalawang paris na uniforme (damit sundalo) isang paris na sapatos, isang gora ng sundalo, dalawang pares na pang paisan o civilian dalawang kamiseta at dalawang karsonsillo at tatlung pung piso pa. Ako ay nagpaalam at ako ay nagbalik na sa kuartel, dala ko na ang abul ko.

    Marahil, kung si Kabo Doro ay natutuwa man, sapagkat ako ay kanyang pinagkakitaan, ako naman ay lalong nagagalak, sapagkat tangi sa ako ay makaiiwas sa panganib na aking kinasusunguan, ay may damit pa ako, sapatos at kuarta, at higit sa lahat ay ako ay mapupunta sa malayong bayan at ibayong dagat pa.

    Sa kinahapunan ng araw na yaon, ay ako ay nagpunta sa aming tinitirahang bahay, (kay Rufino Zafra) at ako ay nagpaalam sa kanya sinabi kong ako ay lalayo muna sapagkat masyadong maselan ang katayuan ko. Itinanong niya sa akin kung ako ay saan pupunta, ang sagot ko ay bahala na. Linapitan ko naman si Vicenta at sinabi kong ako ay aalis muna, upang palipasin sandali ang nangyari sa atin. Ako ay sasamang mangingisda sa Malabon, maluwat na ang isang linggo, isang pares na bihisan lamang ang dadalhin ko, tanggapin mo itong dalawang pung piso ng may magasta ka hanggang ako ay wala; huwag kang malulungkot. Hinagkan ko siya ng buong giliw at kinamayan ko naman si kaibigang Zafra at ako ay nanaog. Nagtuloy na ako sa aming kuartel.

    Kinabukasan ay tinawag kami ng pinunong namamahala sa kuwartel at ang wika ay kayong mga reculutang pupunta sa Mindanaw ay magsipaghanda at kayo ay sasakay sa Bapor Rosario na pupunta sa Holo ngayong alas dies ng umaga. ang lahat ng mga kasama ko ay nangalungkot at walang maligaya kundi ako lamang sapagkat malalayo na ako sa panganib.

    Tinawag ako ng pinuno at sinabing ikaw ang mamamahala dito sa mga kasama mo, kayo ay labing anim at labing anim na racion din ang kukunin mo sa kusina ng Barko sa bawat oras ng pagkain.

    Tanggapin mo ang mga papeles na io at pagdating ninyo sa Holo ay humarap kayo sa Comandante Jefe del Detal at ibigay mo ang mga papeles. Ikaw ang binigyan ko nito sapagkat ikaw ang marunong ng wikang kastila.

    Tatlong araw kaming naglayag sa dagat, sa ikatlong araw ay umahon kami sa dalampasigan ng Holo, Mindanaw. Tinupad ko ang bilin ng pinuno sa Maynila. Humarap kami sa Comandante Jefe del Detal at ibinigay ko ang mga papeles na dala ko.

    Kaming magkakasama ay hinati hati sa mga companya. Ako ay napunta sa ika 6 na kompanya.

    Nang dumating ako sa kuartel ng ika 6 na kompaniya, ang Sargentong tumanggap sa akin ay si Sargento Mariano Antillon. Siya ay taga Ermita rin, kayat ng mabasa niya ang aking mga papeles ay nasabi niyang taga Ermita ka pala, ngunit sinabi niya ito sa wikang kastila, na sinagot ko naman ng opo.

    Pinaupo ako ng Sargento at kinumusta sa akin ang kung sino sinong tao sa Ermita, ang sagot ko naman ay mabubuti po naman sila, ngunit ang katotohanan ay wala akong nakikilala isa man sa mga itinatanong niya sa akin, sapagkat ako naman ay hindi taga Ermita.

    Kaya ako kinausap ni Sargento Antillon  sa wikang Kastila ay dahilan sa marami sa mga taga Ermita ang nagsasalita ng wikang Kastila, kahit na kastilang tindahan lamang, ang wika nga.

    Walang ano ano ay tinanong ako kung ako ay marunong sumulat, ang sagot ko ay opo. Ako ay pinasulat ng isang talata, at pagkatapos ay sinabi sa aking ikaw ay hindi aalis dito sa kuarto, at mula ngayon ay ikaw ang escribiente ng kompaniya. Ako naman ay nagpasalamat.

    Kinabukasan ay ibinigay sa akin ni Sargento Antillon ang mga libreta ng mga sundalo sa kompaniya, at pagkatapos ng kanyang mga tagubilin sa mga nararapat kong gawin ay sinimulan ko na ang paggawa.

    Noong ika 25 ng buan ng Diciembre ng taong 1895, araw ng Paskong Pagkabuhay, ay makikita na akong nagpapasiyal sa mga lansangan ng bayan ng Holo, na isa nang ganap na sundalo, naka uniforme at naka bayoneta at tumutugon sa pangalang Ambrosio N. Ruiz.

    Makaraan ang ilang araw o kaya ay noong ikalawang araw ng buan ng Enero ng taong 1896, ay naghimagsik ang isang kompaniya ng aming Regimiento na naka destino sa lugal ng Tataan, sakop ng Holo. Pinatay nila ang kapitan, ang mga tiniente, mga sargento at ang mga kabong kastila, at pagkatapos ay sila ay nagsisakay sa bangka at pinunta nila ang Sandakan, na sakop ng pamahalaang Ingles. Sila ay tatlong kabo at labing anim na sundalo. Ang pinakapuno ng himagsikang yaon ay si Kabo Carlos Mapanoo.

    Nang sila ay dumating sa Sandakan ay hindi sila pinalunsad doon ng pamahalaang Ingles, sapagkat ayon ay bawal sa batas Internacional.

    Sila ay sinundan ng isang pangdigma na may lulang mga sundalo. Sila ay inabutan sa baybayin ng Sandakan sapagkat hindi nga sila pinalunsad doon. Nang abutan sila ng habol ay hindi sila sumuko kundi bagkus pa nga ay nagsilaban ngunit walang natira sa kanila kundi anim na sugatan na isa sa kanila ay si Kabo Mapanoo. Ang iba ay napatay na lahat. Ang mga sugatan ay dinala sa Holo.

    Pagdating sa  Holo ng mga sugatang ito ay ipinagutos agad ni General Arolas na magtayo ng isang Hukumang Digma (Concejo de Guerra). Ang nahalal na hukom ay ang Comandante Pastor Gonzales at ang kalihim ay si Kapitan Pedro Sanfelix.

    Nang simulan na ang pagsisiyasat sa anim na nahuli at sa buong tauhan ng kompaniyang destino sa Tataan ay kinailangan na ang isang interprete (ang maghuhulog sa wikang kastila ng mga sasabihin ng sisiyasatin).

    Isang araw na ako ay nasa kuarto ng aming kompaniya na gumagawa ng mga libreta ay dumating sa akin si Kapitan Sanfelix, inabutan akong sumusulat. Pagkakita ko sa kanya ay ako ay tumayo na hawak ko pa ang panulat. Tinanong ako ng kapitan "Ano ang ginagawa mo?" Ang sagot ko ay "gumagawa po ng libreta ng mga sundalo". Saan naroon anya ang Sargento. Sagot ko ay hindi ko po nalaman kung saan nagpunta ngunit kung kailangan po ninyo ay hahanapin ko siya, wika niya ay hindi na at tumanong pa, "Ilang dialekto sa Filipinas ang nalalaman mo?" (dialekto ay wikang bayan). Sagot ko ay nakapagsasalita po ako ng pampango, ilokano at tagalog, at kaunting bisaya. Sa paguusap naming ito ay dumating ang sargento ng kompaniya, pagdaka ay sinabi ng kapitan sa sargento na isasama ko anya  ang sundalong ito sa tanggapan ng hukumang digma upang mag interprete sa mga sundalong sisiyasatin, at sinabi pang, dalawang araw na akong humahanap ng interprete at ngayon lamang ako nakakita pagka sabi nito ay lumakad na kami.

    Pagdating namin sa tanggapan ng Hukumang Digma ay ipinakilala ako ni kapitan Sanfelix sa Komandante Gonzales,at sinabing ito po anya ang nakita kong interprete. Marunong siyang magsalita ng pampango,Ilokano at Tagalog at kaunti pa raw na wikang Bisaya. Kung gayon anang komandante ay pasumpain siya at masimulan na natin ang pagsisiyasat. Ako ay sumumpa sa harap ni Kapitan Sanfelix at pagkatapos ay sinimulan na namin ang pagsisiyasat.

    Nagpatuloy kami ng pagsisiyasat hanggang kalahatian ng buan ng Febrero ng taon ding yaon (1896).

    Halos sa araw na matapos namin ang pagsisiyasat ay siyang pagdating ng isang pang digmang dagat (buque de guerra) na lulan si General Emiliano Lachambre upang siyasatin ang nangyaring himagsikan.

    Kinabukasan ng pagdating ng General Lachambre ay ipinatawag ang mga bumubuo ng hukumang digma at taglayin nila ang lahat ng kasulatang nauukol sa himagsikan (expidiente). At sabihin pa ako ay kasama roon sapagkat ako ang interprete kaya at ako pa nga ang may dala ng expediente.

    Inabot namin ang general sa kanyang tanggapan (oficina) at pagkatapos ng aming pagbibigay galang ay kinuha sa akin ng komandante ang expedienteng dala ko at sinabi niya " narito po kamahalan ang expedienteng ginawa namin tungkol sa himagsikang nangyari dito", kasabay ng paglalagay sa hapag (lamesa) sa harap ng general.

    Kinuha ng general ang expediente at kanyang binuklat sa iba't ibang panig at pagkatapos ibinabang muli sa hapag at sinabing isang bagay ang napapansin ko sa expedienteng iyan." Walang lagda ang interprete sa mga salaysay ng mga siniyasat." Kami ay parang natubigan gayon may sinabi ng komandanteng "Lalagdaan po ngayon kamahalan" at pagdaka ay inutusan akong lumagda sa salaysay ng mga siniyasat.

    Pagdaka ay lumapit ako sa hapag at ng anyong ako ay kukuha ng panulat (pluma) sa harap ng general ay bigla akong tiningnan nito (ng general) at sinabing "sino kayo" ako ay nagulat ng di ano lamang kaya hindi ako nakasagot ngunit ang komandante na naka kikita ng nangyari ay maliksing nagsabi ng "Iyan po ang interprete kamahalan". Sa gayon ay tinanong pa akong muli ng General "Kayo ba ang interprete?" anya. Akong nabuo na ang loob ay sumagot naman ng "upang maglingkod po sa inyong kamahalan ng buong pagtatapat". Ako ay minalas ng ilang saglit ng general at saka tinanong ang komandante "Bakit hindi itinataas ang kabo na ito?" anya na sabay turo sa akin. Ang sagot ng komandante ay iyan po kamahalan ay isang bagong sundalo (reculuta) na kadarating lamang dala ng huling koreo, may dalawang buan pa lamang ngayon. Gayon man ay sinabi ng general "iniuutos kong itaas siyang kabo mula sa araw na ito". Masabi ito ay humarap sa akin at sinabing lumagda kayo.


In the next episode, Ingkong Logio gets promoted.



This page created with Netscape Navigator Gold

1