BALAGTASAN
PAKSA . . . DAPAT BA O HINDI DAPAT NA ISAPRIBADO
ANG N.F.A.
Ella . . . as Red Butterfly,
Sa inyo pong lahat-lahat na ngayon ay naririto
Bago kami Bumalagtas bumabati muna ako
Sa amin pong Balagtasan kung pupusta lahat kayo
Ay sa akin na pumanig pagka’t ako ang panalo
Sa paanong hindi gayon ang makatang katalo ko
Sa tindi ng takot sa ‘kin naging isa na nerbiyoso
Aga . . . as Valentino
Nerbiyoso na iyong wika di ko yata nalalaman
Pagka’t ako ay makatang walang takot sa labanan
Kahit ako’y natutulog hamunin mo sa bigkasan
Pagka’t ako ay magaling hindi kita aatrasan
At sa ating Balagtasan kapag ikaw di umayaw
‘Wag mo akong sisisihin kugn kamtin mo’y kahihiyan
Tagapagpakilala,
Sofia
Sumasainyo ang . . . PAMBAYANG BALAGTASAN
Opo mga kaibigan sa araw na ito ay kapiling po ninyo
ang grupo ng Pambayang Balagtasan mula sa Himpilan ng
DWNE, ang tinig ng Nueva Ecija, Sa araw pong ito ay
sasinyong pakikinig ang Pambayang Balagtasan sa Paksang
DAPAT BA O HINDI DAPAT NA ISAPRIBADO ANG N.F.A.
Ay sa panig po ng Dapat na isapribado ang NFA ay
ipagtatanggol ng makatang may diwang matayog,
si Aga Linsangan
At sa panig naman ng Hindi dapat isapribado ang NFA
ay ipagtatanggol ng makatang hindi kayang sindakin ninoman
si Bb. Ella L. Flores
At ang maglalakandiwa naman ay ang may diwang tagahatol
Si G. Norberto Santiago
Lakandiwa . . . Norberto as Bravo
Ang grupo ng Kamakatang nagmula sa Nueva Eciha
Ngayon po ay naririto at inyo po na kasama
Bago po ang Balagtasan pasimulan na talaga
Bayaan n’yong kaming ito ay bumati sa lahat na
At ang paksa n’yong narinig ay akin pong uulitin
Ang panig ng bawat panig akin ngayong bibigkasin
Ang tanong ay dapat daw ba o di dapat nilang gawin
Maging private ang NFA ngayo’y ating aalamin
Sa panig ng dapat daw pong ang NFA i-privatize
Ang para kay Valentino ang titindig at bibigkas
Sa paanong hindi gayon ito raw po ang marapat
Nang lalong mapaglingkuran mamamayang nililiyag
Samantalang si Miss Ella sa di dapat po pumanig
Mas maraming pakinabang dito’y ating makakamit
Kaya ngayon ang hiling ko sa kanya po na pagtindig
Ang tunog ng palakpakan sa kanya ay iparinig
Ella . . . as Red Butterfly . . . Unang tindig . . .
Panig ng hindi dapat isapribado
Sa paksa ng Balagtasan ang pinili ko pong panig
Ay panig ng hindi dapat ang NFA ay i-private
Sa paanong hindi gayon kawawa ang maliliit
Nating mga magsasaka sa maaari na masapit
Dahil kapag ang NFA nai-private nang tuluyan
Ay bababa ang halaga ng bilihan nitong palay
Sa paano katalo ko babawiin ang puhunan
Ang malaking ibinayad sa NFA na tanggapan
Eh saan ba katalo ko nila ito kukuhanin
Di siempre sa magsasaka nila ito babawiin
Samantala ang NFA kung hindi nga titinagin
Kakamtin ng magsasaka ang parehas na pagtingin
Lakandiwa . . . ika 2 tindig . . .
Unang hagkis ng katwiran kay Butterfly po nagmula
Kung atin pong wawariin katwiran niya’y pawang tama
Ngunit anhin ko mang tingnan kabigkasan niyang makata
Hindi man lang natigatig at ang dibdib ay payapa
At katulad nitong dati pagka’t ito’y Balagtasan
Marapat lang na sumagot ang makatang kabigkasan
Kaya naman sa narito ang akin pong kahilingan
Salubungin nyo si Aga masaganang palakpakan
Aga . . . as Valentino
Panig ng dapat isapribado
Sa akin pong katayuan tila yata po mahirap
Ang tumindig sa harapan at dito ay bumalagtas
Sa paanong hindi gayon ang lahat ko na kaharap
Pawang mga empleyado ng NFA’ng napatanyag
Samantalang silang lahat pawang mga tumututol
Maging isa na pribado ang NFA po sa ngayon
At dahil sa ang panig ko’y salungat at di sangayon
Baka ako kung manalo ang kamtin ko’y puro bukol
Ito nama’y biro ko lang sa katalong kabigkasan
Batid naman nilang lahat na ito ay Balagtasan
Ang NFA katalo ko kung maisa-pribado man
Para din sa magsasaka na tulong sa kabuhayan
Ella as Red Butterfly
Kabuhayan katalo ko di lamang sa magsasaka
Ang dito ay apektado kung hindi nga ang lahat na
Ang maraming empleyado katalo ko’y alam mo ba
Mawawalan ng trabaho sila’y saan mapupunta
Kung talagang kapakanan nitong mga mahihirap
Iniisip ng goyerno’y hindi dapat i-privatize
Pagka’t ito pag nangyari ang jobless ay matatambak
At ang mga magsasaka sa hirap ay masasadlak
Aga . . . as Valentine
Masasadlak nga sa hirap empleyado’t magsasaka
Sa NFA ay gobyerno kumukontrol na talaga
Pag sinabing pondo’y kapos empleyado’y kawawa na
Kahit hindi i-privatize tatanggalin na nga sila
At ang mga magsasaka umaasang mabibili
Sa halaga na mataas paly nila na inani
Ngunit dahil sa gobyerno’y kumukontrol na parati
Umangkat sa ibang bansa magsasaka nati’y lugi
Ella as Red Butterfly
Lugi iyan ang kakamtin pag pinilit iyang gusto
Lahat ng may kaalaman ang NFA ‘sapribado
Sa paanong hindi gayon sa anuman na negosyo
Pag may taong nagagalit mahirap na umasenso
Siempre kapag pribado na tiyak nilang papalitan
Ang lahat ng empleyado sa kanila na tanggapan
At ang mga magsasaka sa NFA ay nasanay
Ay kanino pa dadaing kung mababang presyong palay
Aga . . . as Valentine
Palay nitong magsasaka mabibiling tuluy-tuloy
Kapag hindi na gobyerno ang dito ay kumukuntrol
Dito’y di na mangyayari ang bilihan ay mauntol
Dahil hindi mauubos ang pondo na nakaukol.
At hindi rin mangyayari na sa bigas ay kapusin
Pagkat mga negosyante kaya nilang patakbuhin
Di katulad sa gobyerno nalalaman lamang gawin
Alamin ang pondo nila’t pirmahan ang mga papel
Ella . . as Red Butterfly
Papel nilang tangan tangan pawang mga mahalaga
Pagkat dito nkasaad itutulong ay ilan ba
Kapag merong kalamidad ay isa sa nangunguna
Ang tanggapn ng NFA sa pagtulong sa lahat na
Ngunit kapag nai-private ang NFA na tanggapan
May bigas pa kaya tayong maaaring maasahan
Sigurado katalo ko itatago nila iyan
Ibebenta nang mataas na doble pa sa puhunan
Norberto . . As Bravo
Saglit ko pong puputulin mainitang pagtatalo
Baka kung di sawatain dito’y biglang magkagulo
Ang diwa sa kapwa diwa ay ayaw po na patalo
At ang bawat na panitik hinahangad ay panalo
At ngayon po ay pamuling sila dito’y magbabalik
Upang muli na ituloy ang pngkian ng panitik
Sa inyo pong lahat-lahat sa muli po na pagtindig
Ang makatang Valentino sa palakpak n’yo ihatid
Aga . . . as Valentine . .
Puhunana ay talos nila kung gaano nga kalaki
Kaya talos din nga nila kung paano mamimili
At dahil sa silang ito’y pawang mga negosyante
Mamimili ng mataas nang nag suki ay dumami
At malaki pa ngang tulong kapag ito’y nai-private
Sa Gobyerno katalo ko dapat mo lang na mabatid
Sa NFA gaano ba yaong pondong ginagamit
Na sa ulo ng Pangulo ay laging nagpapasakit.
Sagutan . . .
Ella . . . as Red Butterfly
Sakit na ng negosyante na ang tao ay gipitin
Kung kailan kailangan ay ubos nang sasabihin
Samantalang ang NFA tumutulong nga sa atin
Sa bayan na nasalanta sako-sako kung dumating
Aga . . . as Valentine . . .
Dumating na ang sandaling sa gusto n’yo at sa ayaw
Na iprayvate ang NFA nang maraming matulungan
Ang maramaing empleyado kung sakaling maalis man
Marami ring ipapalit mabigyan ng hanapbuhay
Ella . . .
Hanapbuhay katalo ko ang kanilang nasa isip
Na sa mga magsasaka sumasakal gumigipit
Samantalang ang NFA ay tulong ang hinyahatid
Bumibili nitong palay maitim man ‘kaya’y pangit
Aga . . .
Pangit naman na talga at hindi nga nararapat
Na bawiin ang nauna nilang pakikipagusap
Sila’y di na mga bata na ang unang inihayag
Nang magbago tiong isip babawiin nilang ganap
Ella . . .
Ganap ka ngang walang isip katalo ko sa bigkasan
Kawawa ang magsasaka pagkat wala nang dadamay
Aga . . .
Dadamay ba ang hanap mo aba’y walang problema diyan
Kahit ito’y maiprayvate kayang-kaya kang tulungan
Ella . . .
Tulungan man nila tayo tiyak ito’y minsan lamang
Samanatalang ang NFA habang may Pamahalaan
Aga . . .
Pamahalaan sa NFA kumukuntrol sa tuwina
Na di naman tinutupad pangako sa magsasaka
Sasabihing itataas ang sa palay na halaga
Naubos na nitong daga ay hindi pa nabebenta
Ella . . .
Ibebenta ang NFA na tulong sa magsasaka
Kapag merong kalamidad buong bansa’y umaasa
Kapag ito’y naging private katalo ko’y paano na
May mabilhan kaya tayo na mababa ang halaga
Aga . . .
Ang halaga o ang presyo ng palay ay itataas
Pagka’t wala nang kokontrol na Goyernong ubud kunat
Pangulo na ang nag-utos kay tagal pang ipatupad
Sa TV pa I-interview muna sila para sikat
Ella . . .
Sikat naman na talaga ang tanggapan ng NFA
Pangunahin sa pagdamay kapag merong Calamity
Kung sa bigas magkukulang sila ang nag-iintindi
Sila ang may kaalaman kung ano ang ang mabuti
Aga . . .
Mabuti nang maiprayvate ang NFA katalo ko
At nang upang mabawasan ng trabaho ang Gobyerno
At ang perang ibabayad katalo ko bilyong piso
Kay daming paggagamitan at malaking tulong ito
Ella . . .
Ito palang katalo ko ay mahinang umintindi
At hindi na iniisip kapakanan ng marami
Pag na-private ang NFA alam mo ang mangyayari
Matutulad iyan sa Petron, sa Meralco o kuryente
Ang presyo ay di mapigil pag kanila na sinabi
tataas at tataas ‘to pigilin ay di na pwedi
Aga . . .
Pwedi ba katalo ko pang-unawa’y lawakan mo
Ang NFA pag naprayvate ay gaganda ang serbisyo
Katulad ng PLDT kung hindi nga napribado
Ang lahat ng mahihirap tiyak walang telepono
Ella . . .
Telepono katalo ko di mo ba nalalaman
Kay daming nagrereklamong iba-iba ang dahilan
Dahil ito ay private na hindi mapakialaman
Nitong atin na Gobyerno consumer ay matulungan
Katulad din ng NFA kapag ipinagpilitan
Na ito ay maiprayvate iiyak ang mamamayan
Kaya naman dapat dito upang hindi yan makamtan
Hindi dapat maiprayvate ang NFA na tanggapan
Aga . . .
Ang tanggapan ng NFA ay dapat nang maiprayvate
Sa lahat ng empleyado kayo sa ‘ki’y huwag magalit
Ang totoo kanina pa akong ito’y nanginginig
Kung panalo ngayon dito ay akin po na nakamit
Sa paanong hindi gayon sa dami n’yong nagmamasid
Sa tig-isang kurot lang n’yo’y pipilipit na sa sakit
Kaya sa ‘ting Lakandiwa hatulan na nang mabilis
Upang ako’y makatakbo at agad nang makaalis
LAKANDIWA
Norberto . . .as Bravo . . .
Hatol ng Lakandiwa
Ngayong itong Balagtasan ganap ninyong napakinggan
Marapat lang ang hatol ko dito ngayon ay ibigay
At katulad niyong dati bago yaong kahatulan
Pakinggan niyo sumandali itong aking isasaysay
Kapag itong NFA po ay ganap nang mai-private
Kung ano ang idudulot ito’y hindi natin batid
Pagka’t mga negosyante ang dito na’y magmamanage
Mas malamang ang kawawa ang dito ay maliliit
Sa paanong hindi gayon sa bilihan lang ng palay
Pagka’t mga negosyante pagkita ang hangad niyan
Dahil sila’y may ginamit na malaki na puhunan
Kailangan na kumita’t umunlad ang kabuhayan
Samantalang kung NFA manatili sa Gobyerno
Na mula pa sa simula kasanayan na ng tao
Ang dito ay iniisip kapakana’t pag-asenso
Ng lahat ng mamamayan nating mga Pilipino
At kung merong kalamidad na tayo ay sinasapit
Ay isa nga ang NFA sa tulong ay naghahatid
Nguni’t kapag ang NFA ay ginawang ipinrayvate
Iya’y hindi mangyayari’t pagkaluging iniisip
At dahil sa ang NFA under control ng Gobyerno
Ang halaga nitong bigas magbababa itong presyo
At hindi nga mangyayaring ang maraming empleyado
Nang dahilan sa NFA ay mawalan ng trabaho
Kaya naman dahil dito sa labanan ang hatol ko
Huwag iprayvate ang NFA at si Ella ang panalo.
Tapos.
Mula sa diwa at panitik
ni
VENICIA LINSANGAN
as
ALPHA OMEGA GIRL,
KAMAKATA
Sa inyo pong lahat-lahat ako’ng ito’y bumabati
Kalakip ang paggalang ko at matamis ko pong ngiti
Kung bagama’t akong ito’y masasabi ninyong munti
Sa grupo ng Alpha’s Angel ako po ang natatangi
Sa paanong hindi gayon sa lahat ng Alpha’s Angel
Katulad ko’y At Sofia sa pagbigkas ng tulain
Kung kahawig niya’y si Vilma ako naman kung tawagin
Kung pumuti’y Kris Aquino kung lumaki ay si Gretchen
Magmakata ay sadya po na gusto ko’t aking hilig
Pagka’t ako sa kultura ay mayroon pong pag-ibig
Magmakata’y karangalang matatawag sa daigdig
Pagka’t mayroon tayong diwa na kaloob nitong Langit
Kung inyo pong itatanong pangalan ng aking tatay
Agripino Delos Santos makata pong tunay
Ang sagisag n’ya ay Cancer ngunit isang kalinawan
Iya’y hindi niya sakit sagisag lang sa samahan
Pagka’t itong aking tatay kasapi sa Kamakata
Siya’y hindi umuurong sa sagutan nitong tula
Kaya naman kaming anak ay lagi ring nakahanda
Nguni’t walang naghahangad na kami ay makabangga
Sa paano pag hinamon ang kahit na isa sa ‘min
Sigurado na pamilya ang kanyang kakalabanin
Nariyan si Ate Dahlia at ang nanay naming giliw
Sa Kamakata ay kilala sagisag niya’ng Ate Conching
Nariyan pa rin si Peter Pan kakambal ko na si Johnny
Sa larangan ng pagtula lahat kami ay matindi
Kaya naging Alpha’s Angel na pinili nga po kami
Mahusay na’y maganda pa lalo ako na si Wendy
Kung kayo magagalit ang tangi kong masasabi
Matutunog n’yong palakpak ang hiling ko na parati.
Tapos . . .
Mula sa diwa at panitik ni:
VENICIA A. LINSANGAN
As Alpha Omega Girl, KAMAKATA
Isang kasaysayan ang paririnig ko
Mahilig sa pogi ito ngang Lola ko
Sa mahabang buhok mahilig si Lolo
Kapwa pinaglapit puso ni Kupido
Unang pagkikita ay nagkaibigan
Dalawang matandang parehas na uhaw
Si Lolo ay biyudo, Lola’y biyuda naman
Buwan ng Enero ay nagtagpong tunay
Malabong ang buhok nito ngang si Lola
Na napakahaba at bagay sa kanya
Na kung ilulugay sayad hanggang paa
Kahit matanda na’y seksi pang talaga
Ito namang Lolo kay ganda ng ngipin
Ala porsilana sa ngiti magaling
Ang biyudang si Lola nakuha sa tingin
Dala ng pag-ibig tawag ng damdamin
Bilis ng panahon sila’y pakakasal
Pebrero nga noon araw ng Valentine
Sila ay masaya meron daw handaan
At meron sayawan tuloy ang yugyugan
Sa di sinasadya Lolo’y napabahing
Nuon ay tumalsik maganda niyang ngipin
Nakita ni Lola kung saan nanggaling
Sa bibig ni Lolo tutop na mariin
Nawika ni Lola na-indiyan mo ako
Maganda mong ngipin yon pala’y pustiso
Eh . . bungal ka yata ayoko na sayo
Pag wala kang ngipin ay para kang tsonggo
Akma na tatakbo ito ngang si Lola
Ang sabi ni Lolo Aba’y teka muna
Sa aking paggiliw ngipi’y di kasama
Di ba’t ang damdamin ang sayo’y suminta
Sa pagkatalikod ng Lolang masungit
Ang kamay ni Lolo sa buhok kumapit
Piluka ni Lola nuon nga’y naalis
Naku . . kalbo pala . . ulo niya’y kay pangit
Noon ang dalawa ay nagkatitigan
Ang Lola ay kalbo si Lolo ay bungal
Naku Inang ko po ugong ang tawanan
Kaya ang dalawa laking kahihiyan
Nasabing kasalan di na matutuloy
Araw ng Valentine nuon di’y nauntol
Si Lola’t si Lolo nagpambuno noon
Masungit na Lola noon ay nadenggoy
Kaya’t ang kasalan hindi man matuloy
Si Lolo na bungal ay pasipol-sipol
Mula sa Panitik ni
Agripino Delos Santos (Tatay ni Jenny)
as CANCER sa KAMAKATA