Ingkong Logio


In this episode, Ingkong Logio goes back to civilian life.
 


    Bagaman at mabuti ang lagay ko kay Komandante Sialcita ay hindi rin mapawi sa loob ko ang nais kong makarating sa Maynila at makadalaw sa aking ina sa Pantabangan.

    Walang ano ano isang araw ay nabalita naming  dumating ang bapor Rosario sa daungan ng Iloilo na maraming sakay na sundalong lisenciado (ang ibig sabihin ay tapus na sa tungkulin at may laya nang makauwi sa kanilang bayan). Ito sila ay galing sa Iligan.

    Inisip ko kung paano ako makasasakay sa bapor na iyan.

    Ang naisipan ko ay sabihin kay Sialcita na ako ay pasasa bapor Rosario upang akitin ang mga sundalong naroroon  sapagkat ayon sila ay mga sanay na, di gaya ng mga sundalo natin ditong walang diciplina. Ang sagot niya sa akin ay baka anya hindi ka na makabalik. Ang wika ko naman ay hindi maaari iyon. Ikaw ang bahala, sabi niya. Kung gayon ay ako ay susulong na.

    Nang ako ay dumating sa tabi ng dagat o sa aplaya ay ako ay nakisakay sa bangka ng mga nagtititnda sa bapor at ang dahilan ko ay mayroon lamang akong bibisitahin uupa naman ako, ang sabi ko. Ako ay pinasakay sa kaupahang tatlong salapi (P1.50). nang ako ay dumating sa bapor ay nakita ko ang ilang sundalo ng aking Regimiento No. 72 at sabihin pa malaking balitaan.

    Kinahapunan ng araw ring yaon ay lumakad ang bapor at ako ay isa na sa kanyang mga lulan. Noon ay ikalabing lima ng Mayo 1898.

    Kinagabihan ng araw na yaon samantalang kami ay naglalayag na patungong Maynila ay napansin ko sa isang panig ng bapor ang pagkakagulo ng ilang sundalo.Ako ay lumapit, nakita kong  hawak nila ang isang tao na gusto nilang ihulog sa dagat. Inusisa ko kung bakit. Ang sagot sa akin ng isa sa kanila ay nagsabing ito po ay secreta (taga sumbong) ng mga kastila. Ito po anya ay maraming tao na ang ipinahamak kaya dapat siyang itapon sa dagat.

    Hindi ba natin oobrang makita ang mukha, wika ko. Oobra po sagot naman nila at palibhasa ay gabi ay nagkiskis pa ng kasapuego ang isa sa amin bago namin nakita ang mukha at ng makilala ko ay si Mariano Valencia pala. Ang taong ito wika ko ay madalas sa oficina ng komandante ng Infanteria Marina nang ako ay secretario de causa sa Iligan. Natatandaan ba ninyo, tanong ko. Opo ang sagot ng ilan sa kanila. Ito, ang patuloy ko ay madalas makipag usap  sa komandante ng Infanteria Marina  ngunit kailanman ay hindi nakipagtungo sa akin. Wala po siyang tiwala sa inyo, anang ilan sa mga sundalo.

    Ihulog na natin sa dagat at nang wala nang pamarisan ang iba. Ang sambot ko naman ay sandali lang mga kasama.

    Si Mariano Valencia ang wika ko ay isa nating kababayan, isa nating kalahi at kadugo. Siya ay naligaw lamang ng landas. Siya ay pumanig sa mga kastila sa paniniwalang sila ay malakas at tayo ay mahina. Ngunit ngayon ay nakita niyang tayo pala ang malakas. Kaya sa atin naman siya pumapanig. Kaya siya sumama sa inyo sa bapor na ito ay sa paniniwala niyang hindi ninyo siya aanhin sapagkat siya ay sumasainyo na. Ang isa pa ay marami nang filipino ang namatay sa kamay ng mga kastila bakit pa kaya nanaisin natin ngayon ang kamatayan ng isang filipino at sa kamay ng filipino na rin?

    Pawawalan ko na ang wika ng may hawak. Oo ang wika ko naman at sinabi ko pang utang ko sa inyo ang kalayaan ng taong iyan.

    Nang mapawalan si Mariano Valencia ay tuloy lumuhod sa harap ko at nagsabing utang ko po sa inyo Sargento Ruiz ang aking buhay marami pong salamat.

    Ang sagot ko ay hindi po kaibigang Valencia, ang pinagkakautangan ninyo ng inyong buhay ay ang mga ginoong nagpatawad sa kumalag sa inyong gapos, at ako ay lumayo na.

    Sa kinabukasan ng gabing yaon mag iika labing isa ng umaga ay nasa look na kami ng Maynila, at naghihintay na lamang kami ng paglunsad. Walang ano ano ay tumanggap kami ng balitang hidi kami palulunsarin sa Maynila kundi sa ibang lugar na malayo sa Maynila. Ibig kong magsisi ngunit naisipan kong hindi yaon ang panahon ng pagsisisi, kundi panahon ng paggawa ng paraan  upang makaiwas sa panganib.

    Nang matanaw nanin ang lantsang palapit sa aming bapor na maglulunsad ng mga sakay o pasahero na mga mamamayan (sa ngayon ay civilian) ay nagulo na ang mga pasahero sa pagaayos ng kanilang mga daladalahan. Nang makita ko yaon ay inakala kong iyon ang aking pagkakataon, at hindi ako nag aksaya ng panahon.

    Hinubad ko ang suot kong damit sundalo at ako ay humalo sa mga civiliang nagsisisakay sa lantsa. Pinahanay sila nang isa isa, nakita ko ang isang ginoong naghihirap sa paghanay dahilan sa dala niyang isang mabigat na maleta, ginawa ko ay dali dali kong linapitan at sinabi kong ako na po ang magdadala sabay hawak sa maleta at humanay na kaming dalawa at binulungan ko ang ginoo "Sabihin ninyong ako ay kasama ninyo". "Oo" ang sagot, sa hangad niya marahil na madala ko ang maleta.

    Sa ganitong paraan ako ay nakalunsad sa Maynila.

    Nagtuloy ako sa bahay ng kaibigan kong Rufino Zafra sa Angyahan. Pagkakita sa akin ay silang lahat sa bahay na inabutan ko ay nangamangha dahilan sa ayos kong naka karsonsilio at kamiseta lamang.

    "Bakit anila saan ka galing at ganiyan ang ayos mo?" tanong nila.

    "Huwag kayong mabahala", ang tugon ko. "Ang lahat ay malalaman ninyo. Ako muna ang magtatanong kumusta kayo rito?"  Ang sagot nila ay mabuti paris ng kami ay iwan mo. Saan naroon si Vicenta? tanong ko. Ang sagot nila ay "Kinuha ng ale dito."

    Pagkatapos sinabi ko kay Pinong  (Rufino Zafra) na pahiramin muna ako ng bihisan at ako ay mamimili lamang ng damit. Ako naman ay may kuartang dala mula sa Iloilo.

    Pagkatapos naming mamili ng damit at madala ang mga ito sa sastre ay umuwi na kami. Nang gabing yaon ay inulit ko sa kanila ang lahat ng nangyari sa aking buhay mula nang sila ay iwanan ko.

    Samantalang iniuulat ko ang nangyari sa aking buhay, ay napapansin kong paminsan minsang sila ay nanghihilakbot kung dumarating ang aking salaysay  sa mga masusungit na pangyayari. Ganoon pala ang nangyari sa buhay mo anila.

    Kinabukasan ay itinanong sa akin ng kaibigang Pinong kung ano ang binabalak kong gawin. Ang sagot ko ay "Maghanap buhay kung may makikita." Kung gayon anya ay sumama ka sa akin at ipapasok kita sa pinapasukan kong Taller ng mga Maleta de Viaje ng mga kastila. Sagot ko ay salamat naman at bagaman hindi ko pa nalalaman ang gawaing yaon ay baka sakalaing matutunan ko.

    Pagdating namin sa taller ay ako ay nabilang na sa mga manggagawa at nagsimula na ako ng paggawa ng mga gawaing nauukol sa mga baguhang gaya ko. Ang kaibigang Pinong ang maestro sa taller na ito kaya ibigin lamang niya ay madaling mapapasok ang isang tao o manggagawa na gaya ko nga. Ang sahod ko ay isang salapi isang araw.

    Makaraan ang isang linggo, ang maniningil (kobrador) ng talyer ay nagkasakit kaya at ang may ari ng talyer na si Don Pastor ay tumanong sa Maestro (kay Pinong) kung mayroong  maaaring maningil sa kanyang mga manggagawa, yaon sanang marunong ng wikang kastila. Si Pinong ay madaling sumagot ng mayroon po. Ako ay tinawag. Paglapit ko ay sinabi ni Pinong na ako ay kailangan ni Don Pastor.
Tinanong ako nito at ang tanong ay kung marunong ako ng wikang kastila. Sagot ko ay opo. Sanay ka ba dito sa Maynila? Opo rin. Kung gayon anya ay singilin mo ang mga recibong ito sabay abot sa akin at ako ay lumakad.

    May isang linggo akong naningil sa kasiyahang loob ni Don Pastor. Kaya at nang kami ay sumahod ng sueldo sa araw ng sabado, nang makita niyang limang pung sentimos lamang ang aking sahod ay ginawa niyang pitong put limang sentimos isang araw.

    Ako ay nagpatuloy bilang maniningil ng talyer.


In the next episode, Ingkong Logio gets promoted again.



This page created with Netscape Navigator Gold
1