Ingkong Logio


In this episode, Ingkong Logio gets promoted again.
 


    Nang buwan ng Junio 1897  ay nagkaroon na naman ng balak na pagbabangon ang Regimiento No.72 na nakadestino sa Iligan sa pamumuno ng musiko mayor ng nasabing regimiento G. Juan Silos.

    Ang balak na ito ay nahuli rin, at ang naging wakas ay ang pagkabaril ng musiko Mayor Juan Silos, ilang sargento, kabo at mga sundalo.

    Nang magtatapos ang buwan ng Diciembre, ng 1897, alang alang daw sa Paktong naganap sa bundok ng Biak na Bato noong ika-17 ng buwan ding yaon (Diciembre) ay pinababalik kami sa Regimiento ng Infanteria na naka destino sa Iligan sapagkat ang aming Regimiento No. 68 ay napawi na, sumama sa mga manghihimagsik.

    Mula noon ay nabibilang na kami sa mga sundalo ng Regimiento No. 72. Iniwan na namin ang kompaniya ng Infanteria Marina na aming pinaglilingkuran.

    Nang ako ay nagpapaalam na sa komandante ng Infanteria Marina ay ako ay pinigil at ang sabi ay ipinakikiusap ko sa koronel ng 72 na ikaw ay payagang magpatuloy bilang tagasulat ko.

    Noong buwan ng Enero ng taong 1898 ay ako ay nataas sa pagka sargento dahilan sa pagkabaril ng karamihan ng mga sargentong Filipino na nakasama ng Musiko Mayor Juan Silos.

    Nang sumunod na buwan (Febrero) ang Regimiento No. 72 ay nagtayo ng isang kompaniyang Tiradores (Manunudla) upang mangalaga sa mga nagsisigawa ng daang papunta sa Laguna de Lanaw. Ako bilang isang manunudla ay nakasama sa kompaniyang ito.

    Nang kalahatian ng buwan  ng Marzo ng taon ding ito (1898) ay nagsialis na ang Hukbo ng Infanteria Marina. Ako ay umuwi na sa aking Regimiento No. 72.

    Manapostapos ang buan ng Marzo 1898 ay nag-alsa o nanghimagsik ang isang kompaniya ng mga Diciplinario sa Laguna de Lanaw (mga taong bilanggo na nagsisigawa sa daang patungo sa Laguna de Lanaw).

                                        here's a page in Ingkong Logio's own handwriting

    Dahil sa pag-aalsang ito ng mga Diciplinario ay inatasan ang isang kompaniya ng Regimiento No. 69 at isang seksion ng mga Tiradores, na pinamumunuan ko, upang habulin ang mga Diciplinario.

    Isang gabi ay pinasakay kami sa isang vapor upang habulin ang mga Diciplinario na ang balita ay nagsilipat sa ibang pulo. Nang kinabukasan ng hapon, mula sa vapor ay natanaw  namin ang maraming aso sa isang pulo. Hininala naming ang mga asong yaon ay malamang na gawa ng aming mga hinahabol. Kaya ipinag utos ng kapitan ng kompaniya ng 69  (kastila) na kami ay lumunsad sa pulo upang lusubin ang mga Diciplinario, kung sila nga iyon. Palibhasay dapithapon na nang kami ay lumunsad ay hindi pa kami nalalayo sa dalampasigan ng pulo ay gumagabi na kaya napilitan kaming tumigil at magpalipas ng gabi sa isang parang. Samantala ay naghihintay ang vapor sa baybayin ng pulo.

    Nang tahimik na ang gabi, si Kabo Rosendo Javier ng 69 sa pagkukunwaring pagbibisita o pagtingin sa mga guardia o taliba ay nagtuloy siya sa aming kampamento na hindi naman kalayuan sa kanila. Lumapit sa akin at sinabing "Sargento, ito na ang panahon upang tayo ay makaganti sa mga kastila", at anya pa, "pag narinig na ninyo rito ang gulo ng aming kampamento ay utasin na ninyo yang kabong kastilang kasama ninyo", at umalis na. Ako ay tumayo sa pinto ng aming kampamento at naghintay ng mangyayari.

 



Suspense! Watch out for the next episode.



This page created with Netscape Navigator Gold

1