Ingkong Logio


In this episode, Ingkong Logio returns to Pantabangan.



    Pagkatapos akong masiyasat sa Preboste ay dinala ako sa Departamento ng mga bilanggong politico (prisoneros militares) sa Malate, Maynila.
    Sa may walumpung oficiales na inabutan ko sa Departamentong yaon ay nabibilang sina Dr. Maximo Viola, ang kanyang kapatid na si Esteban Viola, magkapatid na Mariano at Pablo Tecson, mga taga-San Miguel Bulakan, Dr Pedro Francisco ng Kabanatuan, Nueva Ecija, Koronel de la Rosa ng Ermita, Manila, Don Guillermo Nieves at ang kanyang anak, mga taga Naga, Camarines Sur, at iba't iba pa.
    Nang buwan ng Febrero ng taong 1900 ay dinala kami sa Olonggapo, isang bagong piitan ng mga bilanggong politico.
    Nang buwan ng Marzo ng taong 1901 ay nagkaroon ng utos ang pamahalaang Militar ng mga Amerikano na ang bawat baril o rebolber na maihaharap ng sino man ay babayaran ng tatlong pung piso ang bawat isa o kaya ay isang bilanggong politico ang kapalit.
    Pagka alam ng aking asawa sa kautusang ito ay dalidaling iniharap ang aking rebolber, kahit nalalaman niyang yaon ay laban sa kalooban ko.
    Noong ika labing isa ng sumunod na Abril 1901 ay dumating sa bilangguan ang aking asawa na taglay ang nasusulat na utos ng aking paglaya. Nang araw ring yaon ay lumabas ako sa bilangguan.
    Kinabukasan ay umuwi na kami sa Maynila sa pamamagitan ng bapor.
    Pagdating ko sa Maynila, ako ay nagtayo ng talyer o pagawaan ng maleta de biahe. Pinuhunan ko ang mahigit na limang daang pisong kinita ko sa pagpapalaro ng loteria na kung tawagin ay nobentona sa loob ng bilangguan.
    Noong buwan ng Junio ng taon ding yaon 1901 ay nagkaroon ng examen sa servicio civil. Ako ay nagharap ng kahilingan at ako ay umexamen o nagsulit. Ako naman ay pinalad na nakasulit.
    Nakaraan ang isang linggo mula sa aking pagka-examen, ako ay natawag na upang gumanap sa tungkuling karabinero sa Aduana ng Maynila.
    Nang buwan ng Marzo ng taong 1902, isang hapong ako ay galing sa Aduana ay natagpuan ko ang aking kapatid (Marciana Villa)  at ang kanyang asawa (Benito Esparrago) sa kalle Rosario sa Binundo. Sila ay isinama ko na sa bahay. Halos kinulang sa amin ang gabing yaon sa magiliw na pagbabalitaan. Sinabi nilang mag-asawa na " Kami ay hindi makauuwi kung hindi ka kasama, sapagkat sisisihin kami ni Inang" ang sabi pa. Ang sagot ko ay "talagang ako ay nasasabik nang makita si Inang."
    Kinabukasan ay humingi ako ng bakasion sa aming oficina sa Aduana. Kami ay namili ng aming mga kailangan at kinabukasan pa uli ay lumakad na kaming patungong Pantabangan.
    Dumating kami sa Pantabangan at sabihin pa ang tinamo naming tuwa at kaligayahan lalo na sa panig ng aking Ina. Kami ay nagsamasama sa isang bahay lamang. Pinangasiwaan ko ang kaunti naming lupang minana namin sa aking ama.
    Nang taong 1903, ay nagkaroon ng halalang municipal sa Pantabangan. Sa halalang ito ay lumabas o napili akong maging Vice-Presidente, at sa dahilang ang aking Presidente na si G. Claudio de los Reyes ay laging nangangaso sa bundok, sapagkat siyang tangi niyang hanapbuhay, kaya ako ang laging nasa pamahalaan.
    Dahil sa pangyayaring ito ay nagkaroon ako ng kabatiran sa mga palakad ng ibang namumuno sa bayan. Nakita ko ang mga mamamayang hindi naka aaninaw ng batas, sa halip na paliwanagan ay lalo pang iliniligaw ng landas para sa kanilang kapakinabangan. Gaya halimbawa ng panininngil ng Tesorero ng bayad sa pagputol ng yantok at gugu, samantalang nang mga panahong yaon ay wala pang batas ng Kagubatan (Ley Forestal) ni ordenanza Municipal man lamang ay wala rin tangi  sa mga pagbabayad na ito ay may mga pabuya pa.
    Palibhasa'y ako nga ang laging nanunuparan sa tungkulin ng Presidente, ay nahalata ko sa maramaing nagsisidulog sa akin na kung sila ay may kailangan ay kasabay ng kanilang kahilingan ang pangakong pabuya at kung minsan pa'y kasabay na.
    Dahil dito ay sinimulan ko ang pagtatanong sa mga nagsisidulog sa akin, kung talagang ugali rito ang magpabuya sa mga pinunong bayan. Ang sagot ng iba sa akin ay " Napagkaugalian na po rito iyan." Ay kung walang pangakong pabuya, ang tanong ko pa, "Malamang pong mabigo ang kahilingan ninyo."
    Kung ako, anang isa pa, palibhasa  ay wala ako ng hinihiling sa akin, eh walang nangyari sa kahilingan ko.
    Isang araw ay tumawag ako ng Pulong Bayan sa isang araw ng Linggo sa Bahay Pamahalaan.
    Nang dumating ang araw na taning ng Pulong Bayan, sa maikling pangungusap ay ipinaliwanang ko na ako bilang punong bayan ay nais kong malaman ninyo ang tungkulin ng bawat isa sa atin upang huwag tayong mahulog sa maraming pagkakamali. Ipinaliliwanag ko sa inyo ang  linalaman ng kodigo municipal, na kinaroroonan ng mga tungkulin ng Presidente, Vice Presidente, Tesorero, mga konsehal, mga teniente konsehal, mga pulis, at higit sa lahat ay ang tungkulin ng mga mamamayan. Nalalaman ninyong ito ay hindi natin magagawa sa isang araw lamang ng Linggo, kundi mga ilang araw ng Linggo marahil. Ang sagot ng karamihan ay kahit na po ilang Linggo.
    "Kung gayon" ang sabi ko pa "ay magtaas ng kamay ang may gusto o sumasang-ayon." Lahat ay nagtaas ng kamay.
    "Kung gayon" ang sabi ko "ay sa Linggong darating natin sisimulan. Maraming Salamat sa inyo."


In the next episode, Ingkong Logio is a model public official.



This page created with Netscape Navigator Gold
1