Ingkong Logio


In this episode, a son is born to Ingkong Logio.



    Matapos kong iwanan ang tungkulin ako ay humingi sa Pamahalaan ng gubat na pamutulan ng kahoy (Concesion Forestal),  na pinakinabangan ko ng may dalawang libong piso (P2,000.00)
    Nang taon ding yaon 1907 ay tumanggap ako ng tungkuling Delegado ng Tesorero Provincial, upang magtatag ng amillaramiento ng mga lupain. Ito ang kauna-uanahang pagkatatag ng amillaramiento ng mga lupain. Tumanggap din ako ng nombramiento ng pagka Juez Auxiliar ng Juzgado de Paz ng Pantabangan, Nueva Ecija.
    Nang buwan ng Agosto, 1908 tinawag sa sinapupunan ni Bathala ang aking asawa, Francisca de los Santos, taga Concepcion, Malabon. Nalibing sa Pantabangan.
    Bago natapos ang taong 1908 ay tumanggap ako ng nombramiento ng pagka-Procurador Judicial.
    Nang buwan ng Enero ng taong 1909 ay tumanggap ako ng nombramiento ng pagka-Notario Publico.
    Nang buwan ng Febrero ng taon ding yaon 1909 at tumanggap ako ng nombramiento ng pagka Juez de Paz Auxiliar sa bayan ng Bongabon.
    Nang ika-24 ng Abril ng taon ding yaon 1909 ay ikinasal ako kay Candida Diaz at Valino taga barrio ng Aduas, Cabanatuan, Nueva Ecija.
    Nang taon 1911 ako ay umexamen o nagsulit sa pagka Juez de Paz, makaraan ang ilang buwan o kaya ay buwan ng Noviembre ng taon ding yaon 1911 ako ay inutusan ng Juez de primera Instancia na pangasiwaan ko ang mga Juzgado ng mga bayang Carranglan, Pantabangan, Rizal at Bongabon, Nueva Ecija.
    Nang taong 1914,  ika-lima ng buwan ng Oktubre, ang aking asawa ay nagluwal ng isang sanggol na malusog na lalaki, na pinalayawan ng Placing ng kanyang Ina.
    Nang ika-29 ng Noviembre ng taon ding ito 1914 ay bininyagan ang sanggol ng pangalang Placido ang apelyido ay Urbina, gaya ng naipangako ko.. Ang nag-anak sa binyag ay si G. Ciriaco Esteban, taga-Carranglan, N.E.
    Nang buwan ng Diciembre ng taon ding yaon 1914 ako ay nagharap ng kusang pagbibitiw ng tungkuling Juez de Paz sa lahat ng bayang pinangangasiwaan ko, Carranglan, Pantabangan, Rizal at Bongabon.
    Mula nang taong 1915 ay pinagbalikan ko ang tungkuling Notario Publico, at Procurador Judicial.
    Nang taong 1917 ako ay nagbalik sa bayan ng Rizal, at doon ko itinayo ang aking tanggapan, o Notaria Publica, at ang Procuracion Judicial.
    Nang taong 1918 ako ay naging enumerador ng Censo de Poblacion sa bayan ng Rizal, Nueva Ecija.
    Nang 1919, ako ay nakakuha ng lupang buwisan (arriendo) sa pamahalaan na may luwang na limang pu at anim na hectares sa barrio ng Bantug, Bongabon, Nueva Ecija.
    Nang buwan ng Diciembre ng taon ding ito 1919 ay lumipat kami ng paninirahan sa barrio ng Bantug, Bongabon upang pasimulan ang pagpapalinis sa aming arriendo, ngunit ako ay patuloy sa pagka-Notario at Procurador.
    Nang taong 1920, ay bumili ako ng solar sa barrio ng Bantug at nagpatayo ako ng bahay namin at nagtanim ng sari-saring halaman at namuwisan ng lupang palayan.
    Nang taong 1921 ang aking maybahay (Candida Diaz) ay nagsimula ng pagtitinda ng sari-sari, pamimili ng palay at iba pa.
    Sa taon ding  ito nagsimula ng pag-aaral ang aming bunsong si Placing.
    Nakatutuwang alalahanin na alin mang hanapbuhay na aming gawin ay laging inaakay ng magandang kapalaran.Ang asawa ko ay madaling nakapagpatayo ng isang tindahang yari sa matitibay na kahoy at ang atip ay yero. Kami ay nakabibili ng tig kakaunting lupa halos taon taon, nakapagpalinis ng pinakamalaking bahagi ng aming arriendo at ang aming ginugol sa pagpapa-aral sa aming anak ay halos hindi namin napansin. Naidadaos namin ang anomang bagay na aming maibigan na hindi namin pinapansin ang aming ginugugol at wari ko ba ay maaari na kaming ibilang sa pangkaraniwang mamamayan sa alinmang dako ng kalagayan.
    Palibhasa ay walang lubos na kaligayahan sa ibabaw ng mundong ito ay noong taong 1931 ako ay nagkaroon ng isang usapin tungkol sa isang lagay ng lupang nabili ko sa isang taong nagngangalang  Fortunato Lorioda na  may apat na banos ngunit ang sukat ay tatlong hectares. May anim na taon kong ipinasasaka ang lupang ito nang walang tutol ang sino man.
    Makaraan ang anim na taon kong pagpapasaka ay kinuha ng aking karatig ang dalawang banos. Saan, di nga ako tututol, hindi ko ibinigay ang lupa. Ako ay ipinag-habla. (Nasuhulan ang binilan ko ng lupa).
    Sa paglilitis sa hukuman ay sinabi ng binilhan kong dalawang banos lamang ang ipinagbili sa akin.
    Ang tutol ko sa hukuman ay hindi banos ang aming pinagusapan kundi hectares. Ang banos ay hindi anumang sukat ng lupa kundi pag-aayos lamang ng magsasaka.. Ang isa mang hectares ay maaaring gawing apat na banos. Ang nasa aming kasulatan ay tatlong hectares at hindi apat na banos.
    Gayon man, ako ay natalo, sapagkat pinagtibay ng hukuman ang sinabi ng binilhan ko ng lupa na dalawang banos ang ipinagbili sa akin.
    Ako ay pinapagbayad ng danos (kapinsalaan)  na halagang pitong daang piso (P700.00)  at mga gugol sa hukuman (Coztas)
    Sa usaping ito ay nakagugol ako ng dalawang libong piso.
    Naghabol ako sa mataas na Hukuman (Corte Suprema) at ako ay natalo rin.
    Ang ginawa ko ay tumawag ako ng agrimensor (manunukat ng lupa) at ipinasukat ko ang lupa, pagkatapos ay ipinaghabla ko naman ang binilhan ko ng lupa at ang karatig kong tumalo sa akin.
    Ako naman ang nagtagumpay. Hindi na umapelar o naghabol ang aking mga kalaban.
    Sa hindi nila paghahabol ay hiningi ko sa hukuman ang pagsasauli sa akin ng dalawang banos kong lupa, danos o kapinsalaan na halagang tatlong daang piso  at ang mga gugol sa hukuman. Ngunit ang serif na umimbargo ay wala nang nakuha at naipagbili nang lahat at sino man sa dalawa kong kalaban ay walang ano mang pag-aari.
    Maaari ko pang makuha ang aking dalawang banos kung aking uusigin ngunit hindi na rin makakatapat ng aking ginugol at gugugulin pa. At isa pa ay kasalukuyan na akong naggagayak ng pagpunta sa Maynila sanhi sa pag-aaral ng aking anak na si Placing kaya ang lahat ay pinabayaan ko na.
    Nang ika-30 ng buwan ng Mayo ng taong 1932 ay nagpunta na kami sa Maynila, sapagkat ang pasukan sa Universidad ng Filipinas na pag-aaralan  ni Placing ay bubukas sa ikapito ng Junio.
 
 


In the next episode, Pearl Harbor is bombed.



This page created with Netscape Navigator Gold
1