Ingkong Logio


In this episode, Ingkong Logio goes to Manila for San Juan de Letran schooling.
 


     Ilang araw lamang ang nakaraan ay iniwan ko na ang bayang Pantabangan at ang aking mga magulang sa gitna ng lubos na kalungkutan . Sila ay tumatangis at ako ay lumuluha rin nang ako ay humalik ng kamay, at kundi sa aming nasanlang pangungusap sa pare, marahil ay ako ay hindi natuloy na umalis. Ang pangalan ng pareng sinamahan ko ay Pablo Rojo, San Franciscano.

     Noong  ika 29 ng Diciembre, 1884, dumating ako sa Maynila, pagkatapos ng ilang araw na paglalakad sapagka’t nang mga panahong yaon ay wala pang mga sasakyang may mga gulong na katulad ngayon.

     Nang buan ng Mayo ng 1885 ay sinabi ko sa pare na ako ay mag-aaral sa buwang papasok na Junio, nguni’t sinabi sa aking baka hindi ako pumasa sa preparatoria, (subuk na pagsusulit o entrance test). Ang mabuti anya ay mag-aral ka muna bilang paghahanda at sa isang taon ka na pumasok. Ako ay hindi sumagot, at ang hindi ko pagsagot na yaon ay ipinalagay marahil ng pare na ako ay sang-ayon sa kanya, kaya ako ay binigyan pa ng kuartang ibibili ng librong pagaaralan kong pangsamantala. Sa kabilang dako, ang aking mga kasamahan sa Convento  ng San Francisco ay marami na ang nagsipagsulit sa preparatoria at nangakapasa naman, samantalang may palagay akong ako naman ay hindi gaanong mahuhuli sa kanila, na kaya lamang ako napipigilan ay dahilan sa pasiya ng pare na ako ay maghanda muna at baka ako ay hindi makasulit sa preparatoria. Nang tatlong araw na lamang ang nalalabi sa panahon ng pagsusulit ay nagiyagis ang aking kalooban at ipinalagay kong isang karuwagan sa aking panig ang hindi pakikipag sapalaran sa pagsusulit at ang isa pa ay ano ang maibabalita ko sa aking mga magulang kung ako ay hindi mag-aaral? Dahil dito ay ipinasiya kong magsulit sa kinabukasan; at ito ang nangyari, pagkatapos mag agahan ang pare at pagkatapos ko sa aking mga gawain ay ako ay nagpunta sa Colegio ng San Juan de Letran at ako ay nagpatala sa tanggapan ng sulitan at nagbayad ako ng isang salapi (P.50). Makaraan ang ilang sandali  ay tinawag na kami sa silid ng sulitan, at kami ay sinulit. Kami ay may mahigit na tatlung pu. Pagkaraan ng tatlong oras ay natapos ang aming pagsusulit. Sinabi sa aming “Bukas nang umaga ay makikita ninyo sa pizarra ng Colegio kung sino ang nakasulit at hindi. Ako ay nagbalik sa Convento, ngunit  hindi ko sinabi sa pare ang aking pagkakasulit.

     Sa kinabukasan ng sumunod na araw, ay ako ay nagpunta sa Colegio upang alamin ang pinangyarihan ng aking pagkakasulit. Nang ako ay dumating sa Colegio ay lumapit ako sa pizarra at nakita kong ako ang pangalawa sa pinakamataas na nakasulit. Ako ay nalipos nang katuwaan, katuwaang hindi ko kayang isulat sa papel na ito. Ito ang una kong tagumpay sa aking buhay at tagumpay pa rin ng aking nasirang ingkong na si Esteban Villa, I. ng D. (Ingatan ng Diyos), sapagka’t ang ipinagtagumpay ko ay ang kanyang iminulat sa akin na wikang kastila. Ako ay umuwi sa Conventong lasing sa kaligayahan, ako ay nagsasalitang mag-isa sa daan at ang aking sinasabi ay “mayroon na akong maisusulat sa aking mga magulang”, bagay na inaasahan kong makababawas sa kanilang malaking kalumbayan dahil sa aking pagkawalay sa kanilang piling.

     Nang muling kinabukasan, samantalang nag aagahan ang pare, at nang mahalata kong siya ay may masayang pagmumukha ay sinabi ko sa kanya ang ganito, “Padre, noon pong isang araw ay ako’y inakit ng aking mga kasama dito sa convento upang magsulit sa preparatoria sa Colegio ng San Juan de Letran, ang sabi po nila ay huling araw na. Hindi na po ako nakapagpaalam sa inyo sapagka’t kayo ay nasa pagtuturo pa. Ako ay umiksamen sa preparatoria.” Pagkaraka ay itinanong sa akin, “Nakapasa ka ba?” Ang sagot ko ay “opo, at ako po ang pangalawa sa pinakamataas”, ang sabi ko pa na tila may halong pagmamalaki. Ang pare ay tiningnan ako na naka ngiti, at nagpatuloy na ng pag-aagahan.

     Pagkatapos mag-agahan  ang pare at mailigpit ko ang kanyang kinanan ay ako ay tinawag at itinanaong sa akin kung anu-ano ang mga librong kailangan ko gayon din ang bilang ng aking mga damit na bihisan. Sinabi ko ang mga librong kailangan ko gayon din ang bilang ng aking mga damit na bihisan. Pagkasabi ko ay binuksan ng pare ang kanyang kahon, kumuha ng kuarta at ako ay binigyan ng limang pung piso (P50.00) at kanyang sinabi, “ Ito ay ipamili mo ng mga librong kailangan mo at ang iba pa ay ibili mo ng damit na bihisan mo sa pagpasok sa klase. Kung hindi ka marunong mamili ay patulong ka, anya pa.

    Ang limang pung pisong yaoy lumabis pa sa lahat kong kailangan, kayat isinasauli ko pa sa pare ang mahigit na sampung piso ngunit hindi niya tinanggap sa akin at ang sabi pa niya'y "kakailanganin mo rin iyan sa ibang araw."

    Nang buan ng Junio ng taon ding yaon (1885) ay ako'y nabibilang na sa mga estudiante ng S. Juan de Letran, sa unang taon o primer ano.

    Ang lahat ng pangyayaring ito ay isinulat ko sa aking mga magulang.

    Nang Marzo nang taong sumunod (1886) pagkatapus ng aking examen ay ako'y nagpaalam sa pare upang magbakasion o dumalao sa Pantabangan at ako nama'y pinayagan.

    Ako'y nagbakasion; Anong ligaya ko! Anong tuwa ng aking mga magulang!  ng aking mga kamag-anak at mga kapua bata.

    Nang buan ng Mayo ng taon ding ito (1886) ay muli kong iniwan ang Pantabangan upang ipagpatuloy ang aking pag-aaral. Ngunit sa pag-alis kong yaoy nahalata kong nagkakahalo na ang tua't kalungkutan sa aking mga magulang, hindi gaya ng unang pawang kalungkutan lamang.

    Nang taong 1887 ay hindi ako nkapag-bakasion sapgka't ang pareng pinaglilingkuran ko'y  lagi ng may sakit, ngunit isinulat ko sa aking mga magulang na ako'y tercer ano na.

    Nang buan ng Diciembre ng taon ding ito, sa kasawiang palad, ay namatay ang pareng pinaglilingkuran ko, dahil dito'y naalis na ako sa Convento ng S. francisco. Mabuti na lamang at akoy naiwanan ng pare ng halagang labing pitong piso at sa kabutihang palad ay nataon sa bakasion ang pagkamatay ng pare.


Next episode, Ingkong Logio earns a living.



 


This page created with Netscape Navigator Gold

1