This episode is all about the adventures of Ingkong Logio
as a marinero.
Matapus ang pistahang aming dinaluhan ay nagkahiwalay kami.
Makaraan ang dalawang araw ay akoy nagpaalam kay Abogado Monroy upang bumisita sa Cavite. Pinayagan naman ako.
Dumating ako sa Cavite, hinanap ang bahay ng kaibigang Concepcion at natagpuan ko naman agad. Siyay natua sa aking pagdating, at pagkatapus ng kumustahay itinanong niya sa akin kung gaano na ang aking gulang. Ang sagot koy labimpitong taon. Kung gayon anyay di ka matatanggap pagkat ang tinatanggap ay mula sa dalawang pung taon. Kung makakakuha ka sana ng cedula at maipalalagay mong dalawang pu ang gulang mo ay mabuti. Ang sagot koy "gagawin ko iyan." Akoy nagpaalam at akoy nagbalik sa Maynila.
Ikalawang araw ng pagbabalik ko sa Maynilay nagpunta ako sa bahay ng isang kabesa sa Ermita at ipinakiusap kong bigian ako ng cedula at ang ilagay na gulang ko ay dalawang pung taon. ang sagot ng Cabesay hindi maaari sapagkat huli ka na sa taning ng pagkuha, ngunit kung magbabayad ka ng sampung piso bilang multa ay bibigian kita. Akoy dalidaling dumukot sa aking bulsa o lukbutan at ibinigay ko sa Cabesa ang sampung piso. Tinanggap ng Cabesa ang sampung piso at akoy binigian ng cedula.
Kinabukasan nooy nagpaalam ako sa Abogado Monroy at akoy nagpunta sa Cavite; inabot ko naman ang kaibigang Concepcion sa kanyang bahay. Siay nagbihis lamang at kamiy nagpunta na sa tanggapan ng Marina sa Arsenal.
Tinanggap kami ng isang pinuno ng Hukbong Dagat; iniabot namin sa pinuno ang aming kahilingan at ibang katibayan at pagkatapus ng ilang tanungan, ay binigian kami ng tig isang pirasong papel na kinatatalaan ng aming pagkatanggap bilang sundalo ng Hukbong Dagat, at kamiy magsisimula ng paglilingkod sa unang araw ng Enero ng taong 1890 sa Boque de Guerrang Crucero Velazco, (Pandigmang Dagat).
Nang ika 29 ng Diciembre ng taong 1889, ay nagpaalam na ako kay Abogado Monroy , at sinabi kong akoy papasok na sa Marina. Ang sabi sa akin ni Monroy ay mahirap ang magsundalo lalo na at sa dagat, gayon may patnubayan ka ng magandang kapalaran. Nagpasalamat ako at nagpaalam.
Akoy nagpunta sa Cavite sa kaibigang Concepcion, at noong a primero ng taong 1890, ay akoy isang ganap ng marinero ng Crucero Velasco (Pandigmang Dagat) at maglilingkod sa loob ng dalawang taong taning.
Nang ika-14 ng Agosto ng taon ding yaon 1890, ang Crucero Velasco ay naatasang magpunta sa Carolinas upang lumahok sa Escuadrang nakikipaglaban sa mga Carolino. Kami ay tumulak sa Cavite ng araw ding yaon; ng kamiy dumating sa puerto ng Metalanim ay nagpatuloy kami sa puerto ng Ua, na kasama namin ang bapor Antonio Munoz, Cruzero Manila at Ulloua.
Pagdakang kamiy dumating sa puerto ng Ua, ay naharap na kami sa pakikilaban, sa pagkakataong yaoy isa ako sa walong kataong nangangasiwa sa isang ametralladora; sa mga sandaling yaon ng paglalaban isang bola granada ang pumasok sa aming barco at malapit sa aming ametralladora, sa pagsabog ng granaday anim sa aking mga kasama ang tinamaan at nangamatay. Ito ang unang panganib na naligtasan ko.
Apat na buang ganap ang nangyaring pakikilaban namin sa mga karolino, na sinalihan ng apat na sasakiang pandigma, isang batallon ng mga Diciplinario, na siyang nakakuha ng watawat ng mga Carolino, isang Regimiento ng Artelleria Montada (naka kabayo), dalawang kompania ng Ingenieria, anim na Escuadron ng Kaballeria at pitong Regimiento ng Infanteria.
Ang mga morong nakipaglaban sa amin ay mayroong anim na libo. Maraming nalagas sa magkabilang panig sa dahilang madalas magkalabanan ng katawan sa katawan, ngunit kami ang nagtagumpay.
Nang makaraan ang apat na buan o kayay sa kalahatian ng Diciembre ng 1890, ay ganap ng nasupil ang mga Karolino, at makaraan pa ang isang buan o kayay ika 15 ng Enero ng 1891, ang Crucero Velasco, Antonio Munoz at Ulloua, ay pinabalik na sa Maynila.
Nang ika 20 ng Febrero ng taon ding yaon 1891 ang Crucero Velasco ay napabilang sa isang Escuadrang inatasan sa Sanghay, China.
Hindi ko na matandaan kung kailan kami dumating sa Sanghay. Ngunit makaraan lamang ang isang linggo mula nang dumating kami sa Sanghay, ang mga Crucerong Castilla at Ulloua na aming kasama ay nagpihit na sa Maynila, at ang Crucero Velascong kinasasakian ko ay naiwan sa Sanghay.
Nang buan ng Oktubre ng taon ding ito (1891) ay tumanggap ako ng isang liham na galing sa Pantabangan, na naghatid sa akin ng mapait na balitang ang aking ama ay tinawag na sa sinapupunan ni Bathala. Namatay!
Napilitan akong humingi ng tatlong araw na bakasion sa aming Comandante, upang bigiang laya ang aking pagdadalamhati.
Pagkatapus ng may labinlimang buang paninirahan namin sa Sanghay o kaya ay hangga noong Mayo ng taong 1892, ay kami ay inatasang magbalik na sa Maynila, at sa mga huling araw ng Mayong yaon ay dumating na ang Crucero Velasco sa Cavite, at palibhasa ay tapus na noon ang aking paglilingkod sa dalawang taon, ay humingi na ako ng retiro sa Arsenal sa Cavite, at pagkatapos na maayos ang aking mga papeles at matanggap ko ang aking pondo ay ako ay umuwi na sa Pantabangan.