BALAGTASAN
PAKSA . . .    DAPAT BA O HINDI DAPAT NA ISAPRIBADO ANG  N.F.A.

Ella . . . as Red Butterfly,
 Sa inyo pong lahat-lahat na ngayon ay naririto
 Bago kami Bumalagtas bumabati muna ako
 Sa amin pong Balagtasan kung pupusta lahat kayo
 Ay sa akin na pumanig pagka't ako ang panalo
 Sa paanong hindi gayon ang makatang katalo ko
 Sa tindi ng takot sa 'kin naging isa na  nerbiyoso

Aga . . .  as Valentino
 Nerbiyoso na iyong wika di ko yata nalalaman
 Pagka't ako ay makatang walang takot sa labanan
                      Kahit ako'y natutulog  hamunin mo sa bigkasan
                      Pagka't ako ay magaling hindi kita aatrasan
                      At sa ating Balagtasan kapag ikaw di umayaw
                     'Wag mo akong sisisihin kugn kamtin mo'y kahihiyan

Tagapagpakilala,
Sofia
 Sumasainyo ang . . . PAMBAYANG BALAGTASAN
 Opo mga kaibigan sa araw na ito ay kapiling po ninyo
 ang grupo ng Pambayang Balagtasan mula sa Himpilan ng
 DWNE, ang tinig ng Nueva Ecija, Sa araw pong ito ay
 sasinyong pakikinig ang Pambayang Balagtasan sa Paksang
                      DAPAT BA O HINDI DAPAT NA ISAPRIBADO ANG N.F.A.
                      Ay  sa panig po ng  Dapat na isapribado ang NFA ay
                      ipagtatanggol ng makatang may diwang matayog,
                      si Aga Linsangan
                      At sa panig naman ng  Hindi dapat isapribado ang NFA
                      ay ipagtatanggol ng makatang hindi kayang sindakin ninoman
                      si Bb. Ella L. Flores
                      At ang maglalakandiwa naman ay ang may diwang tagahatol
                      Si G. Norberto Santiago
 
 

Lakandiwa . . . Norberto as Bravo

 Ang grupo ng Kamakatang nagmula sa Nueva Eciha
 Ngayon po ay naririto at inyo po na kasama
 Bago po ang Balagtasan pasimulan na talaga
 Bayaan n'yong kaming ito ay bumati sa lahat na

 At ang paksa n'yong narinig ay akin pong uulitin
 Ang panig ng bawat panig akin ngayong bibigkasin
 Ang tanong ay dapat daw ba o di dapat nilang gawin
                     Maging private ang NFA ngayo'y ating aalamin

                     Sa panig ng dapat daw pong ang NFA  i-privatize
                     Ang para kay Valentino ang titindig at bibigkas
                     Sa paanong hindi gayon ito raw po ang marapat
                     Nang lalong mapaglingkuran mamamayang nililiyag

                     Samantalang si Miss Ella sa di dapat po pumanig
                     Mas maraming pakinabang  dito'y ating makakamit
                     Kaya ngayon ang hiling ko sa kanya po na pagtindig
                     Ang tunog ng palakpakan sa kanya ay iparinig

Ella . . . as Red Butterfly . . . Unang  tindig . . .
 Panig ng hindi dapat isapribado

 Sa paksa ng Balagtasan ang pinili ko pong panig
 Ay panig ng hindi dapat ang NFA ay  i-private
 Sa paanong hindi gayon kawawa ang maliliit
 Nating mga magsasaka sa maaari na masapit

                     Dahil kapag ang NFA nai-private nang tuluyan
                     Ay bababa ang halaga ng bilihan nitong  palay
                     Sa paano katalo ko babawiin ang puhunan
                     Ang malaking ibinayad sa NFA na tanggapan

                    Eh saan ba katalo ko nila ito kukuhanin
                    Di siempre sa magsasaka nila ito babawiin
                    Samantala ang NFA kung hindi nga titinagin
                    Kakamtin ng magsasaka ang parehas na pagtingin

Lakandiwa . . . ika 2 tindig . . .

 Unang hagkis ng katwiran kay Butterfly po nagmula
 Kung atin pong wawariin katwiran niya'y pawang tama
 Ngunit anhin ko mang tingnan kabigkasan niyang makata
 Hindi man lang natigatig  at ang dibdib ay payapa

 At katulad nitong dati pagka't ito'y Balagtasan
 Marapat lang na sumagot ang makatang kabigkasan
 Kaya naman sa narito ang akin pong kahilingan
                     Salubungin nyo si Aga masaganang palakpakan

Aga . . . as Valentino
 Panig ng dapat isapribado

 Sa akin pong katayuan tila yata po mahirap
Ang tumindig sa harapan at dito ay  bumalagtas
Sa paanong hindi gayon ang lahat ko na kaharap
Pawang mga empleyado ng NFA'ng napatanyag

Samantalang silang lahat pawang mga tumututol
Maging isa na pribado ang NFA po sa ngayon
At dahil sa ang panig ko'y salungat at di sangayon
Baka ako kung manalo ang kamtin ko'y puro bukol

Ito nama'y biro ko lang sa katalong kabigkasan
Batid naman nilang lahat na ito ay Balagtasan
Ang NFA katalo ko  kung maisa-pribado man
Para din sa  magsasaka na tulong sa kabuhayan

Ella as Red Butterfly
 
 Kabuhayan katalo ko di lamang sa magsasaka
 Ang dito ay apektado kung hindi nga ang lahat na
Ang maraming empleyado katalo ko'y alam mo ba
Mawawalan ng trabaho sila'y saan mapupunta

Kung talagang kapakanan  nitong mga mahihirap
Iniisip ng goyerno'y hindi dapat i-privatize
Pagka't ito pag  nangyari ang jobless ay matatambak
At ang mga magsasaka sa hirap ay masasadlak

Aga . . . as Valentine

 Masasadlak nga sa hirap empleyado't magsasaka
Sa NFA ay gobyerno kumukontrol na talaga
Pag sinabing pondo'y kapos empleyado'y kawawa na
Kahit hindi  i-privatize tatanggalin na nga sila

At ang mga magsasaka umaasang mabibili
Sa halaga na mataas paly nila na inani
Ngunit dahil sa gobyerno'y kumukontrol na parati
Umangkat sa ibang bansa magsasaka nati'y lugi

Ella  as Red Butterfly
 

Lugi iyan ang kakamtin pag pinilit iyang gusto
Lahat ng may kaalaman ang NFA 'sapribado
Sa paanong hindi gayon sa anuman na negosyo
Pag may taong nagagalit mahirap na umasenso

Siempre kapag pribado na tiyak nilang papalitan
Ang lahat ng empleyado sa kanila na tanggapan
At ang mga magsasaka sa NFA ay nasanay
Ay kanino pa dadaing kung mababang presyong palay

Aga . . . as Valentine
 
Palay nitong magsasaka mabibiling tuluy-tuloy
Kapag hindi na gobyerno ang dito ay kumukuntrol
Dito'y di na mangyayari ang bilihan ay mauntol
Dahil hindi mauubos ang pondo na nakaukol.

At hindi rin mangyayari na sa bigas ay kapusin
Pagkat mga negosyante kaya nilang patakbuhin
Di katulad sa gobyerno nalalaman lamang gawin
Alamin ang pondo nila't pirmahan ang mga papel

Ella . .  as Red Butterfly

Papel nilang tangan tangan  pawang mga mahalaga
Pagkat dito nkasaad itutulong ay ilan ba
Kapag merong kalamidad ay isa sa nangunguna
Ang tanggapn ng NFA sa pagtulong sa lahat na

Ngunit kapag nai-private ang NFA na tanggapan
May bigas pa kaya tayong maaaring maasahan
Sigurado katalo ko itatago nila iyan
Ibebenta nang mataas na doble pa sa puhunan

Norberto . .  As Bravo

Saglit ko pong puputulin mainitang pagtatalo
Baka kung di sawatain dito'y biglang magkagulo
Ang diwa sa kapwa diwa ay ayaw po na patalo
At ang bawat na panitik hinahangad ay panalo

At ngayon po ay pamuling  sila dito'y magbabalik
Upang muli na ituloy ang pngkian ng panitik
Sa inyo pong lahat-lahat sa muli po na pagtindig
Ang makatang Valentino sa palakpak n'yo ihatid
 

Aga  . . . as Valentine . .

Puhunana ay talos nila kung gaano nga kalaki
Kaya talos din nga nila kung paano mamimili
At dahil sa silang ito'y pawang mga negosyante
Mamimili ng mataas nang nag suki ay dumami

At malaki pa ngang tulong kapag ito'y nai-private
Sa Gobyerno katalo ko dapat mo lang na mabatid
Sa NFA gaano ba yaong pondong ginagamit
Na sa ulo ng Pangulo ay laging nagpapasakit.

Sagutan . . .

Ella . . . as Red Butterfly

Sakit na ng negosyante na ang tao ay gipitin
Kung kailan kailangan ay ubos nang sasabihin
Samantalang ang NFA tumutulong nga sa atin
Sa bayan na nasalanta sako-sako kung dumating

Aga . . . as Valentine . . .

Dumating na ang sandaling sa gusto n'yo at sa ayaw
Na iprayvate ang NFA nang maraming matulungan
Ang maramaing empleyado kung sakaling maalis man
Marami ring ipapalit mabigyan ng hanapbuhay

Ella . . .

Hanapbuhay katalo ko ang kanilang nasa isip
Na sa mga magsasaka sumasakal gumigipit
Samantalang ang NFA ay tulong ang hinyahatid
Bumibili nitong palay maitim man 'kaya'y pangit

Aga . . .

Pangit naman na talga at hindi nga nararapat
Na bawiin ang nauna nilang pakikipagusap
Sila'y di na mga bata na ang unang inihayag
Nang magbago tiong isip babawiin nilang ganap

Ella . . .

Ganap ka ngang walang isip katalo ko sa bigkasan
Kawawa ang magsasaka pagkat wala nang dadamay

Aga . . .

Dadamay ba ang hanap mo aba'y walang problema diyan
Kahit ito'y maiprayvate kayang-kaya kang tulungan

Ella . . .

Tulungan man nila tayo tiyak ito'y minsan lamang
Samanatalang ang NFA habang may Pamahalaan

Aga . . .

Pamahalaan sa NFA kumukuntrol sa tuwina
Na di naman tinutupad pangako sa magsasaka
Sasabihing itataas ang sa palay na halaga
Naubos na nitong daga ay hindi pa nabebenta

Ella . . .

Ibebenta ang NFA na tulong sa magsasaka
Kapag merong kalamidad buong bansa'y umaasa
Kapag ito'y naging private katalo ko'y paano na
May mabilhan kaya tayo na mababa ang halaga

Aga . . .

Ang halaga o ang presyo ng palay ay itataas
Pagka't wala nang kokontrol  na Goyernong ubud kunat
Pangulo na ang nag-utos kay tagal pang ipatupad
Sa TV pa I-interview muna sila para sikat

Ella . . .

Sikat naman na talaga ang tanggapan ng  NFA
Pangunahin sa pagdamay kapag merong Calamity
Kung sa bigas magkukulang  sila ang nag-iintindi
Sila ang may kaalaman kung ano ang ang mabuti

Aga . . .

Mabuti nang maiprayvate ang NFA katalo ko
At nang upang mabawasan ng trabaho ang Gobyerno
At ang perang ibabayad katalo ko bilyong piso
Kay daming paggagamitan at malaking tulong ito

Ella . . .

Ito palang katalo ko ay mahinang umintindi
At hindi na iniisip kapakanan ng marami
Pag na-private ang NFA alam mo ang mangyayari
Matutulad iyan sa Petron, sa Meralco o kuryente
Ang presyo ay di mapigil pag kanila na sinabi
tataas at tataas 'to pigilin ay di na pwedi

Aga . . .

Pwedi ba katalo ko pang-unawa'y lawakan mo
Ang NFA pag naprayvate ay gaganda ang serbisyo
Katulad ng PLDT kung hindi nga napribado
Ang lahat ng mahihirap tiyak walang telepono

Ella . . .

Telepono katalo ko di mo ba nalalaman
Kay daming nagrereklamong iba-iba ang dahilan
Dahil ito ay private na hindi mapakialaman
Nitong atin na Gobyerno consumer ay matulungan
Katulad din ng NFA kapag ipinagpilitan
Na ito ay maiprayvate iiyak ang mamamayan
Kaya naman dapat dito upang hindi yan makamtan
Hindi dapat maiprayvate ang NFA na tanggapan

Aga . . .

Ang tanggapan ng NFA ay dapat nang maiprayvate
Sa lahat ng empleyado kayo sa 'ki'y huwag magalit
Ang totoo kanina pa akong ito'y nanginginig
Kung panalo ngayon dito ay akin po na nakamit
Sa paanong hindi gayon sa dami n'yong nagmamasid
Sa tig-isang kurot lang n'yo'y pipilipit na sa sakit
Kaya sa 'ting Lakandiwa hatulan na nang mabilis
Upang ako'y makatakbo at agad nang makaalis

LAKANDIWA
Norberto . . .as Bravo . . .

  Hatol ng Lakandiwa

Ngayong itong Balagtasan ganap ninyong napakinggan
Marapat lang ang hatol ko dito ngayon ay ibigay
At katulad niyong dati bago yaong kahatulan
Pakinggan niyo sumandali itong aking isasaysay

Kapag itong NFA po ay ganap nang mai-private
Kung ano ang idudulot ito'y hindi natin batid
Pagka't mga negosyante ang dito na'y magmamanage
Mas malamang ang kawawa ang dito ay maliliit

Sa paanong hindi gayon sa bilihan lang ng palay
Pagka't mga negosyante pagkita ang hangad niyan
Dahil sila'y may ginamit na malaki na puhunan
Kailangan na kumita't umunlad ang kabuhayan

Samantalang kung NFA manatili sa Gobyerno
Na mula pa sa simula kasanayan na ng tao
Ang dito ay iniisip kapakana't pag-asenso
Ng lahat ng mamamayan nating mga Pilipino

At kung merong kalamidad na tayo ay sinasapit
Ay isa nga ang NFA sa tulong ay naghahatid
Nguni't kapag ang NFA ay ginawang ipinrayvate
Iya'y hindi mangyayari't pagkaluging iniisip

At dahil sa ang NFA under control ng Gobyerno
Ang halaga nitong bigas magbababa itong presyo
At hindi nga mangyayaring ang maraming empleyado
Nang dahilan sa NFA ay mawalan ng trabaho
Kaya naman dahil dito sa labanan ang hatol ko
Huwag iprayvate ang NFA at si Ella ang panalo.
 

Tapos.

Mula sa diwa at panitik
ni
VENICIA LINSANGAN
as
ALPHA OMEGA GIRL,
KAMAKATA



PAMULAKLAK
Ni Jenny Delos Santos, as Wendy sa KAMAKATA

Sa inyo pong lahat-lahat ako'ng ito'y bumabati
Kalakip ang paggalang ko at matamis ko pong ngiti
Kung bagama't akong ito'y masasabi ninyong munti
Sa grupo ng Alpha's Angel ako po ang natatangi

Sa paanong hindi gayon sa lahat ng Alpha's Angel
Katulad ko'y At Sofia sa pagbigkas ng tulain
Kung kahawig niya'y si Vilma ako naman kung tawagin
Kung pumuti'y Kris Aquino kung lumaki ay si Gretchen

Magmakata ay sadya po na gusto ko't aking hilig
Pagka't ako sa kultura ay mayroon pong pag-ibig
Magmakata'y karangalang  matatawag sa daigdig
Pagka't mayroon tayong diwa na kaloob nitong Langit

Kung inyo pong itatanong pangalan ng aking  tatay
Agripino Delos Santos makata pong tunay
Ang sagisag n'ya ay Cancer ngunit isang kalinawan
Iya'y hindi niya sakit  sagisag lang sa samahan

Pagka't itong aking  tatay kasapi sa Kamakata
Siya'y hindi umuurong sa sagutan nitong tula
Kaya naman kaming anak ay lagi ring nakahanda
Nguni't walang naghahangad na kami ay makabangga

Sa paano pag hinamon ang kahit na isa sa 'min
Sigurado na pamilya ang kanyang kakalabanin
Nariyan si Ate Dahlia at ang nanay naming giliw
Sa Kamakata ay kilala sagisag niya'ng Ate Conching

Nariyan pa rin si Peter Pan kakambal ko na si Johnny
Sa larangan ng pagtula lahat kami ay matindi
Kaya naging Alpha's Angel na pinili nga po kami
Mahusay na'y maganda pa lalo ako na si Wendy
Kung kayo magagalit ang tangi kong masasabi
Matutunog n'yong palakpak ang hiling ko na parati.
 

   Tapos . . .

Mula sa diwa at panitik ni:
VENICIA A. LINSANGAN
As Alpha Omega Girl, KAMAKATA
----------------
ANG PELUKA AT PUSTISO
Binigkas ni Jenny Delos Santos

Isang kasaysayan ang paririnig ko
Mahilig sa pogi ito ngang Lola ko
Sa mahabang buhok mahilig si Lolo
Kapwa pinaglapit puso ni Kupido

Unang pagkikita ay nagkaibigan
Dalawang matandang parehas na uhaw
Si Lolo ay biyudo, Lola'y biyuda naman
Buwan ng Enero ay nagtagpong tunay

Malabong ang buhok nito ngang si Lola
Na napakahaba at bagay sa kanya
Na kung ilulugay sayad hanggang paa
Kahit matanda  na'y seksi pang talaga

Ito namang Lolo kay ganda ng  ngipin
Ala porsilana sa ngiti magaling
Ang biyudang si Lola nakuha sa tingin
Dala ng pag-ibig tawag ng damdamin

Bilis ng panahon sila'y pakakasal
Pebrero nga noon araw ng Valentine
Sila ay masaya meron daw handaan
At meron  sayawan tuloy ang yugyugan

Sa di sinasadya Lolo'y napabahing
Nuon ay tumalsik maganda niyang ngipin
Nakita ni Lola kung saan nanggaling
Sa bibig ni Lolo tutop na mariin

Nawika ni Lola na-indiyan mo ako
Maganda mong ngipin yon pala'y pustiso
Eh  . . bungal ka yata  ayoko na sayo
Pag wala kang ngipin ay para kang tsonggo

Akma na tatakbo ito ngang si Lola
Ang sabi ni Lolo  Aba'y teka muna
Sa aking paggiliw ngipi'y  di kasama
Di ba't ang damdamin  ang sayo'y suminta

Sa pagkatalikod ng Lolang masungit
Ang kamay ni Lolo sa buhok kumapit
Piluka ni Lola nuon nga'y naalis
Naku . . kalbo pala . . ulo niya'y kay pangit

Noon ang dalawa ay nagkatitigan
Ang Lola ay kalbo si Lolo ay bungal
Naku Inang ko po ugong ang tawanan
Kaya ang dalawa laking kahihiyan

Nasabing kasalan di na matutuloy
Araw ng Valentine nuon di'y nauntol
Si Lola't si Lolo nagpambuno noon
Masungit na Lola noon ay nadenggoy
Kaya't ang kasalan hindi man matuloy
Si Lolo na bungal ay pasipol-sipol
 

Mula sa Panitik  ni
Agripino Delos Santos (Tatay ni Jenny)
as CANCER sa KAMAKATA
 
  1