Ingkong Logio


In this episode, Ingkong Logio joins the Filipino forces.



 

Halos hindi pa nakararaan ang dalawang minuto  ay narinig na namin ang hiyaw ng mga kastila na nagsasabing "Madre mia, traidores" (Ina ko, mga taksil)!

    Sa kaguluhang yaon ay nagising ang mga tauhan ko, ngunit ako ay maliksing nagsabi ng "Walang kikilos". Ang lahat ay tumahimik.

    Ang dalawang kabong kastila na kasama namin ay walang kibo at walang mga imik.

    Ilang sandali pa ay  dumating si Kabo Javier at itinanong sa akin kung patay na ang dalawang kabo. Ang sagot ko ay hindi pa. Mabuti ay bihagin na lamang natin sila. Ang sagot ni Kabo Javier ay hindi maaari. Kung gayon ang wika ko ay ayan kunin mo sila.

    Tumawag si Kabo javier ng ilang sundalo at kinuha ang dalawang kabong kastila at ilinabas sa aming kampamento.

    Nang magdaan sila sa tabi ko ay sinabi ko sa mga kabong kastilang yaon na dinaramdam ko mga kaibigan ngunit wala tayong magagawa.

    Ang dalawang kabong yaon ay pinatay sa loob din ng kanilang kampamento sa pamamag-itan ng saksak ng bayoneta.

    Pagkatapos ay pinasusuhan ang kampamento.

    Ipinakuha ang damit ng mga kastila. Isinuot niya ang damit ng kapitan, ipinasuot sa akin ang damit ng teniente,ang damit ng mga sargento ay ipinasuot naman sa mga kabo at ilang sundalong naging kabo naman. At pagkatapos kami ay pinahanay at siya ay nagsalita. "Matalastas ninyo anya na tayo ay hindi na kawal ng hukbong kastila, tayo ngayon ay mga kawal ng hukbong Filipino. Kaya nga kung noong araw na lumipas ay tayo ay gumagalang sa ating mga pinunong kastila ay lalong higit at makatwiran na tayo ay gumalang sa ating mga pinunong Filipino sapagkat sila ay kadugo natin."

    Noon ay madaling araw na mababaw na. Kami ay halos walang itinulog nang gabing yaon.

    Ang kapitan Javier ay nag utos na magluto na ng agahan. Pagkakain namin ng agahan ay nagbalik kami sa vapor na naghihintay sa amin. Ang unang pinasakay ni kapitan Javier ay ang mga sundalo at kaming mga bagong nataas ang tungkulin ay nangahuli at ng huwag mapansin ng mga tao sa vapor ang nangyari baka anya sila mabigla ay palakarin ang vapor at kami ay  maiwan. Nang kami ay dumating at maka akyat sa vapor ang lahat ay tahimik. halos hindi makatingin sa amin ang mga tauhan ng vapor.

    Tinawag ni Kapitan Javier ang makinista ng vapor at sinabi "Ngayon din tayo ay pupunta sa Iloilo. Ang makinista ay madaling sumagot ng "opo". Sinindihan ang makina at ilang sandali pa ay lumalakad na kaming patungong Iloilo.

    Dalawang araw at isang gabi kaming naglayag. Umibis kami sa vapor sa Punta Magdalena, lumakad kami nang lumakad hanggang sa marating namin ang Real o kampamento ni General Delgado. Ang inabot namin sa kampamento ay ang komandante ng Estado Mayor Sialcita. Siya ang tumanggap sa amin.

    Pagkakita sa akin ni Komandante Sialcita ay lumapit sa akin at ang sabi ay "Teniente Villa, sabay abot ng kamay, "Komandante Sialcita ang sagot ko naman at inabot ko rin ang kanyang kamay.

    "Ano anya, kumusta, bakit ka nakarating dito? Ang sagot ko ay "ang Kapitan Javier po ang mag uulat sa inyo. Kinamayan si Kapitan Javier at pinaupo kami.

    Pagkaupo namin ay sinabi ni Komandante Sialcita na nasa inyo po Kapitan Javier ang pangungusap.

    Iniulat ni kapitan Javier ang lahat ng nangyari hanggang makarating kami sa Iloilo. "Magaling na pangyayari, anang komandante. Ang ginawa po ninyo kapitan ay isang kabayanihan at karapatdapat kayo sa hukbong Filipino.

    Mabuti po yata kapitan ay makipagkita na kayo sa General. Nariyan po lamang siya sa malapit, may dalawang kilometro lamang ang layo nila rito, upang malaman niya ang inyong tagumpay. Iwan na ninyo sa akin si Teniente Villa at kakatulungin ko sa aking mga gawain dito.

    "Kung gayon ay paalam na po komandante" ani Kapitan Javier.

    "Ingatan kayo ni Bathala" anang komandante.

    Liningon ako ni Kapitan Javier at ang wika ay "paalam Teniente Ruiz". Ang sagot ko naman ay "hanggang sa muling pagkikita".

    Nang kami na lamang ni Komandante Sialcita ay sinabi niya, "Sa pag uulat ni Kapitan Javier sa mga nangyari sa inyo ay may isang bagay akong napansin. Ngunit ipinagpaumanhin ko sa pag aalaalang  baka makapigil sa kanyang pag uulat. Ano yaon tanong ko. Yaong kailan man at ikaw ang kanyang nababanggit ay sinasabi niyang Teniente Ruiz. Ang sagot ko naman ay totoo nga sapagkat iyan ang nalalaman niyang pangalan ko". Maaari bang malaman ang hiwaga niyan? ani komandante.

    Ngayon din at hindi lamang iyan kundi mula pa nang tayo ay magkahiwalay sa San Juan de Letran. At inulit ko sa kanya. Una nang ako ay pumasok sa Marina; pagkalaban ko ng giyera ng Carolinas; pagkapunta ko sa Sanghay; pagka uwi ko sa Pantabangan na nakagalit ko ang pare (cura); pagbabalik ko sa Maynila; pagpasok ko sa Katipunan; pagkapatay ko sa anak ng berdugo; pagkapasok ko nang sundalo; pagkahuli ng aming pag aalsa sa Holo; pagka dala ko sa Iligan hanggang sa inulit na sa iyo ni Kapitan javier. Iyan ang maliit kong kasaysayan, ang sabi ko.

    Ang sagot niya ay "Mabulaklak na rin ang landas mo".

    Sa ganang akin anya ay walang gaanong nangyari kundi mula nang tayo ay makatapos ng pagaaral sa San Juan de Letran at tayo ay magkahiwalay  ay napirmi na ako sa aming Hacienda sapagkat noon ay nalaman mo naman na nagkakagulo na sa colegio ng Santo tomas tungkol sa mga sinulat ni Rizal, iyan ang hindi ko pagkapatuloy sa  pagaaral at nang simulan na ni Andres Bonifacio ang himagsikan ay sumama na ako kay General Delgado.

    "Mabuti naman at buhay pa tayo hanggang ngayon", ang sabi ko.

    "Siya nga anya at maka pagtatanggol pa tayo sa ating bayan."


In the next episode, Ingkong Logio goes back to Manila.



This page created with Netscape Navigator Gold
1