PASKO 2001
Dec 24:
I called up Baliwag Transit and made sure maluwag na ang pagsakay before I
went to the station at 10 am. Okay nga. We left at 10:30 am. Pinanood ko
ang video on board, Braveheart, about William Wallace of Scotland. Kumain
ako ng raisins, kastanyas at chicharon sa biyahe.
I got to Cabanatuan at 2:00 pm, and in Bitas at 2:30 pm. Kadarating din
lang ni Ila at Jasmine from Baguio.
Dalaga na iyan, sabi ni Ila of Jasmine. Dinatnan na at age 10.
Kinain namin ang remaining kastanyas at iba pang chichirya doon.
Harry Potter ang pangalan ng bagong tuta sa bahay.
Kuwentuhan kami ng Harry Potter ni Jasmine. Naka, tig-isa daw sa Book 1 at
Book 2 ang magkapatid, kay Tibo (Vladimir) napunta ang Book 2, ayaw ipabasa
sa Ate niya hangga't di siya tapos! Pati si Ila hindi makabasa, kasi
itinatago daw pag matutulog, at kahit sa CR ay dala-dala. Photographic
memory yung inaanak kong iyon. Ang order daw kay Ojie ay mahabang lusis,
hindi sparkler, at gagawing wand para sa spell niyang 'Lumos!'
Gusto ba ni'yo ng ice cream, tanong ng Nanay. Siempre. Tawag siya kina Puno
Ice Cream, kapitbahay namin. Umoorder ng isang gallon. Tinanggihan. Ako ang
tumawag. Pandi, (kababata namin), pabili naman ng tatlong apang ice cream,
naiinitan lang kasi itong pamangkin kong taga-Baguio. Ako na ang tatawid
diyan. Magdala ka ng lalagyan, sabi. Sus, one gallon container ang
ipinadadala ni Ibyang! Huwag iyan, nakakahiya (palagay ko kasi e di
pababayaran). Sumama sa akin si Jasmine. Ayun, di binigyan nga kami ng half
gallon of macapuno cheese with nuts na classic nila. Bihira lang daw
magkita, kaya libre na. Ang sarap, kahit malambot pa. Hindi na nabigyan ng
chance na tumigas yung ice cream, naubos na.
Kuwentuhan, kuwentuhan, mamaya hapunan na. Of course, steamed talbos ng
kamote na isasawsaw sa bagoong at suka, at saka paksiw na tilapia ang ulam.
Si Ila, Ibyang at ang Nanay ang nag-usap tungkol sa menu kinabukasan. Ako
lang ang nag-clean ng restroom, na si Ojie ang tumapos.
Yung kumare namin across the street na siyang traditionally nagpapadala ng
noche buena, nandiyan pa sa Nanay niya sa New York, kaya walang pabo at
sopas this time.
Tabi-tabi kami nina Ila at Jasmine pagtulog sa loft (mezzanine ng tindahan)
ni Ojie.
Dec 25:
Walang namasko nang maaga, di tulad nang dati na ginigising kami kasi may
namamasko na.
Biglang guminaw, brrr! Kailangan ng will power ang pagligo.
Perfect ang chicken wings arroz caldo na niluto ni Ibyang for Christmas
breakfast. Kamuntik pang mabitin kung di nagdagdag ng sabaw.
Pinag-diskusyunan pa ni Ila at ng Nanay kung malagkit ba or plain rice ang
gagawing lugaw. It was a mix.
Ang mga bumibili sa tindahan kept saying, "Parang hindi Pasko, parang
ordinaryong araw lang daw." Dati nga, Dec 24 pa lang, marami na ang
bumibili ng alak para mag-happy-happy, pero ngayon ay hindi.
Si Jessica, ang inaanak ko sa kababata ko sa tabing-bahay ang unang
dumating. Kasama ang 2 kapatid at isang kalaro. Kuwentuhan din kami ng
Harry Potter. Hinanap ng kapatid na lalaki ang pakulo ko last year na
"Magic Eye" book. Hind mahanap ni Jasmine. Pinaghintay ko sila kasi hind pa
naluluto ang pancit bihon ni Ila.
Dumating ang isa kong pinsan na gustong makipag-kuwentuhan sa Tatay. Ang
Tatay na ang senior male figure ng pamilya, kasi nangauna nang
sumakabilang-buhay ang mga iba.
Ang pinsan kong nagtatrabaho sa Oman, umuwi pala. Eto na siya with his family!
Kuwentuhan, kainan. Naluto ang pancit. Ang sarap! (Oyster sauce ang
sikreto, sabi ni Ila.) Gulat na gulat ako, kasi isang bandehadong pancit
ang naubos ng inaanak ko and company! Apat lang silang bata. At bitin pa
raw siya, sabi nung kalaro! Iho, sabi ko, hindi na kita iimbitahin sa
susunod na Pasko. Pero kung hindi lang ubos na ang unang salang (3
bandehado, total), bibigyan ko pa siya, eh. Inaasikaso ko ang magkakapatid
na iyon kasi ang agang naulila sa ina (nabundol ng motorcycle yung kababata
ko dun mismo sa highway namin). Pangalawang ina ang role ng Ninang.
By the time na kumakain kami ng Puno ice cream (may Christmas order pala
ang Nanay)
aba e past 12 noon na. Naku, may mga bisita kami for lunch, sabi ng asawa
ng pinsan ko.
Ano, punta tayo sa Baguio bukas? Walang time, jet lagged pa raw.
Eto na naghahain ng lunch, menudo ang ulam. Meron pang pancit na may sabaw,
saka pancit mike at bihon, ewan na kung sino ang nagbigay. Sus, kung sa
dami ng pancit na kinain ibe-base ang haba ng buhay ko, abot hanggang 98
talaga!
Iniladlad ni Jasmine ang kanyang loot. Chocolates from Oman! We settled on
the Hershey's Kisses. Tabi kami sa higaan, nagbasa ng Liwayway.
Di nagtagal, eto na ang pamilya ng pinsan kong every year without fail ay
nanggagaling sa San Isidro (hometown ng Nanay ko) to visit all the
relatives.Tumawag na sila earlier that morning to make sure na nandoon ako
sa bahay at hindi babalik sa Manila in the afternoon.
Siempre, nagmano ako sa panganay niyang anak, na pari na. Naghahanap ng
pakulo ang mga kapatid. Wala akong naisip this year, eh, apologize ko. Baka
gusto ninyong sumali na sa Asosasyon de Damas Singulares, kako. at tulungan
akong mag-isip. Naku, hagalpakan! May pare na nga raw puwedeng magkasal,
nagtatandaan naman ang mga bride-to-be! Ano'ng gusto ninyong kainin?
Excellente Ham daw. Ay, sorry, inalis ko na iyan sa tradisyon ko, kasi
P500+ na per kilo, kayamanan na! Wala na lang daw.
Naabutan na sila ni Tiya Seding at mga apo. Ang walang kamatayang pancit,
inihain. Gininaw kami lahat sa final servings of ice cream, siksikan na sa
loob ng bahay. Ang gulo!
Kinuha ko ang mga celfone numbers ng lahat. Kayo ang pag-aaralan ko ng text
pag nagka-celfone na ako!
Nang mag-alisan, biglang na-realize ng Nanay, hindi niya naabutan nung mga
malulutong na bills ang mga bata. (Hindi namin tradisyon ang wrapped gifts,
Christmas is mainly family reunion, binibigyan lang ng token money yung mga
bata. Sina Jasmine, binigyan ko ng pampanood ng Harry Potter movie.)
Ako ang naghugas ng mga pinggan. Nakakapagod sa dami! Gutom na naman. I ate
pancit sandwich and some fruits for an early dinner. Hmmm, parang may gusto
pa akong kainin na hindi ko muna ma-define kung ano. Ah, halayang ube pala.
Dumilim na. Brrr lalong maginaw! Ang lamig ng hihip ng hangin! Ibig ko nang
mag-pajamas at matulog na.
Aba, humabol pa sa Pasko sina Ate Dolor. (asawa ng pinsan ko na
ka-generation ng Nanay ko). Galing daw sa sementeryo para dalawin ang
puntod ni Dikong Fely (pinsan ko), hindi nakatagal doon dahil ang ginaw!
Tsismisan kami ni Alicia, pamangkin ko na halos ka-edad lang. Bitin pa nga
e nagyaya na si Ate Dolor.
Naghain pa ng hapunan. Ayaw ko na ngang kumain, pero may lumpiang shanghai
in addition to the menudo, at may dala palang halayang ube, minatamis na
kundol at kutsintang gawa sa Aduas sina Ate Dolor. Ayos!
Nanood konti ng TV, misa ng Pope saka replay ng New York tragedy, tapos
tulog na kami!
Dec 26:
We woke up late, ang ginaw po naman!
Almusal was kutsinta, bread na may palaman na halayang ube, minatamis na
kundol, fruit salad na may fresh cherries pa.
Nag-a-almusal pa lang, tumawag na ang pinsan ko, susunduin daw kami at 11
am at sa kanila ang lunch.
Sus, napilitang maligo kahit maginaw. Sinundo kami, at pati ang Nanay ay
napilit sumama dahil ang Ateng niya (Tia Seding ko) ang kasamang sumundo,
at saka yung pinsan kong nagyaya ay umuwi lang for the Christmas season
from Oman.
Ang sarap ng lunch! Nilagang talong, okra and patola with burong isda,
fried big tilapia, paksiw na lechon ang mga ulam, at ang dessert ay fruit
salad (kapatid nung inalmusal namin) saka dates straight from Oman, chico
at ponkanitos pa.
Daldalan kami ng asawa ng pinsan ko, about her being a single parent in
Cabanatuan, after their years of family togetherness in Oman.
Doon na ako sinundo ng pamangkin na sinabayan ko pabalik dito sa Manila. Sa
Banawe sila nakatira, so when I got off their FX, tumuloy muna ako sa Ma
Mon Luk at nag-mami and siopao bago umuwi sa apartment.