In this episode, Ingkong Logio suffers in prison.
Nang marikisa ang bahay ni sargento Antillon ay nakuha ang listahan ng mga nagsisibuo ng Katipunan ng mga anka ng bayan, na may isang daan limang pu katao. Ang hindi lamang nakalagda sa listahang ito ay ang kabo Olegario Benitez at si kabo Ambrosio Ruiz, (ako na nga).
Sa gabi ring yaon ay nagkaroon ng Hukumang Hukbo at nagsimula ang paglilitis.
Kinabukasan ay nagpabaril na ng limang pu at dalawa katao kasama na rito ang dalawa sa pamunuan ng kilusan, sina sarento Antillon at kabo Bornat.
Mula sa araw na yaon ay hindi na natigil ang mga pagsisiyasat at pagpapahirap sa iba at ibang paraan, gaya ng pagbibilad sa araw at nakayakap sa haligi, sa mga kanyon, sa mga bangkang nakalutang sa dagat, pamamalong walang awa kahit san tamaan, pagtitimba pagpapainom ng tubig sa dagat at iba pa.
Ang kompania ng Artelleria na pawang mga kastila ay nanga baliw sa pagpapahirap sa mga sundalo, mga deportado at maraming taong bayan. Araw araw ay may binabaril. Ang kalagayang yaon ay tumagal ng may dalawang buwan, humigit kumulang.
Si kabo Olegario Benitez at si kabo Ambrosio Ruiz ng Infanteria (ako) kahit kami ay pinahirapan ng gayon na lamang ay hindi kami umamin ng kami ay kasama sa kilusang pang hihimagsik, sapagkat wala kaming lagda sa talaang nahuli sa bahay ni sargento Antillon.. Dahil dito ay nakaligtas kami sa paglilitis ng Hukumang Hukbo at nalagay na lamang kami sa paglilitis na pang karaniwan.
Noong buwan ng Marzo ng taong 1897 ay dinala kami sa Maynila.. Itinuloy kami sa Prisiones Militares, kami ay dalawang pu at apat na kinabibilangan nila sargento Also,ang mga kabong Olegario Benitez, Ambrosio Ruiz (ako), Catalino Fragata, ang cornetin de orden na si Candido Agramon, ilang musiko ng Regimiento at ang iba ay mga sundalo.
Ilang araw pa lamang kami sa Prisiones Militares ay naka away ko ang bastonero ng Prisiones Militares na si Nicasio Alegre, dahilan sa kanyang pagmamasagwa sa kanyang tungkulin. Siya ay pinahirapan ko ng suntok, na lamog ang kanyang katawan at halos hindi siya makilala sa putok at pasa ng mukha. Nang duamting ang konsergeng kastila ng Prisioens Militares at nalaman ang nangyari, piansunggaban ako sa mga guardia, ipinagapos ako sa bangko at ako ay ipinapalo sa walo kataong kasamahan ko rin. Ang sabi ng aking mga kasama ay mahigit na dalawang daan ang naipalo sa akin at dalawang yantok ang nadurog.
Ako ay nahirapang mabuti kaya at may dalawang araw na hindi nakabangon.
Noong buwan ng Abril 1897 ay kinuha kami sa Prisiones Militares at ilinulan kami sa isang bapor at dinala kami sa Iligan, Mindanaw.
Makaraan ang ilang araw na paglalayag ay dumating kami sa Iligan. Ilinunsad kami ng katanghalian sa lilim ng limilitik na init ng araw, walang sombrero, walang sapatos, at ang damit namin ay karsonsillo at kamiseta lamang. Kami ay lumakad sa mabatong daan na may limang kilometro ang layo mula sa pantalang aming nilunsaran hanggang sa Prisidio Correccional, (bilangguan ng mga kriminal) na pinagdalhan sa amin. Kami ay tatlong oras na lumakad dahilan sa kami ay nakagapos ng baliti at masiyadong masinsin ang aming pagkakabit kabit kaya halos patagilid kung kami ay magsilakad.
Makaraan lamang ang dalawang araw ay kinuha kami sa Presisio Correccional ng isang pinuno (official) ng Infanteria Marina, at kami ay dinala sa kanilang kuartel at ginawa kaming mga utusan, tagpaglinis ng kanilang mga palikuran, tagaputol ng kahoy na panggatong, taga salok ng tubig, taga walis at iba pa, at diumano ay ipinaiilalim lamang kami sa isang pagsubok.
In the next episode, Ingkong
Logio is back to writing.