In this episode, Ingkong Logio becomes a working student.
Makaraan ang ilang araw mula ng akoy maalis sa Combento ng San Francisco, ay nakasalubong ko ang isa kong kaibigan at kamag-aaral na si Felix Gramonte anak ng Kapitan Gramonte sa Ermita; pagkatapos ng aming komustahay ipinagtapat ko sa kanya ang di maiiwasang pagkatigil ko sa pag-aaral pagkat namatay na ang pareng nagpapaaral sa akin. Wari koy dinamdam ni Felix ang gayong pangyayari, kayat naibalita niya sa akin na sa kanilang bahay ay maraming Kabesa de Barangay (Concehal sa panahon ngayon) na nagpupunta roon at nagpapagawa ng kanilang mga padron (talaan ng mga taong nasasakupan nila) sa kanyang ama at sila'y nagbabayad ng dalawang pu at limang piso sa bawat padron. "Kung ito ay makakaya mong gawin ay makakikita ka ng iyong magugugol sa pagpapasukan natin", at sinabi pa ni Felix, " Mabuti'y tara na sa bahay at nang malaman mo." Sumama naman ako.
Pagdating namin sa bahay nila Felix, ay ako'y ipinakilala sa kanyang ama at sinabi rin niya ang aking kasalukuyang kalagayan at pangangailangan at sinabi pang kung makakaya niya ang pag gawa ng mga padron ay ipagawa na sa kanya ang iba. Nang matanto ni Kapitan Gramonte ang malaking malasakit ng kanyang anak sa akin, ay dalidaling kumuha ng isang padron ng mga kabeza at ipinaliwanag sa akin ang mga nararapat gawin, at pagkatapos ay itinanong sa akin kung yaoy magagawa ko, ang sagot koy opo, magagawa ko. Kung gayon anya, ay magsimula ka na ng pag gawa.
Ako ay hindi na pinaalis at doon na ako pinatira sa kanilang bahay.
Ang kaalaman ko ng wikang Kastila at ang kasanayan sa pagsulat ay siya kong ipinagtagumpay sa pag gawa ng mga padron sapagkat ang mga ito ay nasusulat sa Wikang Kastila. Naka yayari ako ng isang padrong tatlong salin (triplikado) sa loob ng anim hanggang pitong araw.
Ang nakita ko sa pag gawa ng padron ay sumapat sa aking gugol hanggang akoy makatapos ng tercer ano.
Nang sumapit ang bakasion sa taong 1888, ay akoy naghanap buhay upang may magugol ako sa muling pagpapasukan.
Akoy sumama sa alajerong si Benito Ulman na naglilibot sa buong lalawigan ng Batangas, pagkatapos ay sumama naman ako sa nagpapalabas ng Metemsicosis, kabesa parlante at iba pang Magia.
Nang dumating ang pasukan sa pag aaral noong Junio ng taong 1888, ay akoy pumasok sa Colegio bilang kuarto ano. Ngunit makaraan ang apat na buay kinapus na ako ng kuartang pangbayad sa aking kasera, kaya napilitan akong sabihin sa kanya na alisin na ang pagbibigay sa akin ng agahan o almosal; simula nooy pumasok na ako sa paaralan ng hindi nag aagahan, at kung akoy palarin mag agahay hindi naman lumalabis sa isang malapad na pandesal at isang malapad na tajo o kayay matamis na mani. Ang isang malapad ay baria ng panahon ng Kastila na ang halaga ngayon ay isang sentimos at .012 / 8.
Ang ibinabayad ko sa aking kasero ay nanggagaling lamang sa pagtatrabaho ko sa mga teatro bilang isang tramoyista na ginaganap ko kung gabi, ngunit itoy hindi panayan.
Nang dumating ang bakasion ng buan ng Diciembre ng taong 1888, ay muli akong nagtrabajo sa pag gawa ng padron sa Ermita, at ito ang nagbigay nang kaluagan sa akin hanggang akoy makatapos ng Segunda Ensenanza na katimbang ngayon ng tapus sa High School noong buan ng Marzo ng taong 1889.
Sa pagtatapos kong itoy ninais ko sanang makauwi sa Pantabangan, ngunit akoy walalng sukat na magugol sa paglalakbay kaya akoy nagkasiya na lamang sa paghanap ng mapapasukang hanapbuhay; may ialng araw lamang naman ang lumipas at akoy napasok nang bilang tagasulat (escribiente) sa tanggapan o bufete ng isang magaling na abogado na si Don Mariano Monroy na kinapulutan ko ng maraming bagay tungkol sa mga batas.
Next episode, Ingkong Logio joins the Navy.