Ingkong Logio


In this episode Ingkong Logio gets promoted as shop manager.
 


    Nang ikalima ng Junio ng taon ding yaon ay dumating ang isang frances na si Sr. Delpes, at nagpagawa ng tatlong maletang balat ng elefante na iba't iba ang sukat o laki. Tinaningan kami ng labinlimang araw.
    Bumili si Don Pastor ng balat ng elefante at sinabi kay Pinong na ito anya ay gagawin mong maleta sa sukat na 4, 5 at 6. Opo, sabi ni Pinong.
    Tinabas na niya ang isang balat ngunit nagng simulan ang paggawa ng unang maleta ay sinabi niyang yaon ay di namin magagawa sapagkat totoong matigas ang balat at totoong makakapal. Si Pinong ay hindi na pumasok at nagpasabing  siya ay may sakit. Sa gayon ay sinabi ni Don Pastor sa aming pangalawang maestrong Alfonso de Guzman na ipagpatuloy ang paggawa ng maletang balat ng elefante. Ang sagot ni Alfonso ay hindi niya makakayang gawin yaon.Nagalit si D. Pastor.
    Tinawag ang isa naming manggagawa at inutusang tingnan mo anya si Rufino kung magaling na, at kung magaling na ay sabihin mong pumarito. Ang inutusan ay madaling lumakad.
    Nang magbalik ang inutusan ay sinabi kay Don Pastor na hindi ko po inabot ang aming maestro. Sinabi po ng kanyang anak na nagpunta raw po sa Malolos at dalawang araw na. Kung gayon ay talagang ayaw niyang gawin ang mga maleta, walanghiya, anya, at sinimulang murahin si Pinong at Alfonso, wala kayong pananagutan, anya pa. Tinanggap ko ang pedidong ito (kahilingan) sa pag asang magagawa ninyo. Ano'ng klaseng talyer ito, wika pa, ito anya ay malaking kahiya hiya.
    Ang malaking kagalitan at pagkamuhi ni D. Pastor at ang pananagutan ng aming talyer ay siyang nag akay sa akin upang magsalita.
    "Don Pastor, ang wika ko,tila po yata ang nakakasagabal lamang sa paggawa ng mga maletang iyan ay ang tigas ng balat. Ngunit ang ibang gawain ay katulad rin sa mga maletang ginagawa natin." Pagdaka'y tinanong ako anya ay "Magagawa mo?""Hindi ko po masasagot sa inyo ang magandang kayarian ng maletang iyan ngunit kung ipag uutos ninyong gawin ko ay pagaaralan kong gawain bilang huling pagasa."
"Gawin mo", anya at pagkasabi noon ay umalis na.
    Noon ding hapong yaon ay ipinababad ko ang balat bago kami umuwi. Kinabukasan ay nagkataon namang pumasok na ang maniningil ng talyer kaya ako ay malaya na sa paggawa ng maleta. Tiningnan ko ang balat na nakababad at nakita kong malambot na. Ipinahango ko at pinapahiran ko at saka ko sinimulang tinabas. Madali naman palibhasa ay malambot, ngunit buong ingat.
    Nang magtatanghali ay dumating si D. Pastor. nakita niya ang tinabas kong balat, pagkakita niya ay sinabi niyang magpatuloy ka at umalis na.
    Makaraan pa ang dalawang araw ang maleta ay nayari na. Ipinatong ko sa kanyang lamesang usulatan. Nang siya ay dumating ay nakita niya ang maleta. Kanyang ninasdang mabuti at pagkatapos ay kinuha ang panatak ng talyer at kanyang tinatakan. Ako ay kanyang hinarap at sinabing "Nagtagumpay ka. Gawin mo pa ang dalawa" anya pa.
    Nang umalis si D. Pastor at hindi naman maluwatan noon ang mga kasama ko ay lumapit sa akin at silang lahat ay humipo sa aking ulo, at sinabi nilang sa panciteria ang pananghalian ngayon. Ang sagot ko naman ay pagkatapos noong dalawa pa.
    Dumating ang araw ng Sabado, a las cuatro pa lamang ay pinatayo na kami sa gawain, "Kayo anya ay susueldohan ko na ngunit walang aalis." Ipinasara ang pinto, na sueldohan ang lahat ngunit ako ay hindi pa. Siya ay nagbibilang pa ng kuarta. Pagkatapos ako ay tinawag. Paglapit ko ay itinuro ang kanyang itinumpok na kuarta at sinabi "Kunin mo anya ang kuartang iyan at iyan ay para sa iyo. Ang sabi ko ay masyado pong marami, Don Pastor." "Hindi anya, iyan ang sueldo mo." "Kung gayon ay marami pong salamat" at kinuha ko. Pagkatapos niyang mailigpit ang kanyang mga papeles ay pinahanay ang aking mga kasama at sinabi niya, " Mula ngayon ay si Eulogio na ang inyong Maestro."
    Natuloy ako sa talyer na isa ng maestro at bago dumating ang taning na labinlimang araw ay nayari ko na ang mga maletang ipinagawa ni Sr. Delpes.
    Ang talyer ay inayos ko, ang paggawa ng mga manggagawa ay ianyos ko rin. Ipinaliwanag ko sa mga manggagawa ang kabutihan ng magandang ayos, ng pagtututlungan, at ang hindi kabutihan ng laging pag iiringan. Ako naman ay hindi nabigo, kaya ang pagawaan o talyer ay lumakad ng sang ayon sa aking mga balak sa buong kasiyahang loob ng may ari na si Don Pastor.
    Ang talyer ay nakayayari ng apat hanggang limang docena isang linggo samantalang sa mga nakaraang araw ay hanggang tatlong docena lamang, at ang lalong magaling ay dumami ang aming mga mamimili (parrokiano) kaya madalas kaming maglamay sa paggawa.



In the next episode, Ingkong Logio goes back to military service.
 




This page created with Netscape Navigator Gold
1