UMAGA SA TABI NG MC ARTHUR HIGHWAY
by: CyberMaster

          
               
            Dumaan ang mga maiingay na sasakyan...
            na pulos maiitim na usok ang iniwan.
            Unti-unting napupunit ang langit...
            na kagabi lang ay nagngingitngit.
            Lumitaw ang pupungas-pungas at nag-iinat na araw
            at pinalitan ang naghihikab at napuyat na buwan.
            Mga ibon ay ay nagsiawitan...
            Mga manok ay nagtilaukan...
            Mga uod sa dahon ay uusad-usad
            at ang paru-paro naman ay naghahangad 
            masimsim ang matamis na nektar ng mga bulaklak
            na kung pagmamasda'y tila nakangiti't humahalakhak.
            Nakatutuwang tawanan...
            awita't pagkukuwentuhan
            ng mga kabataang
            mamamasyal sa parang.
            Mga babaeng nagwawalis sa kani-kanilang bakuran
            at ang mga punongkahoy ay matiyagang pinauusukan.
            Inililigpit na ang hinigan
            at inihahanda ang agahan.
            Ang kalabaw na nakatunganga ay umunga
            Kaibigan, gumising ka at umaga na nga!



[ Go back to my homepage ]
Copyright(R) 1998, CYBERMASTER 
All rights reserved 
Manila, Philippines

 

 

 

 

 

1