PAGLALAKBAY
by: CyberMaster
Habang ang kaluluwa ko'y nag-iisang naglalakbay,
Pag-ibig...tangayin mo ako sa kawalan!
Sa diwa'y sumapit na ako sa iyong tarangkahan...
Mahal, pagsulyap mo ang aking pinakahihintay.
At sa paghawi ko sa tabing ng iyong mukha...
Magpapakalunod tayo ng walang hangga!
Aarukin ang bawat himaymay ng ating kaluluwa,
Magpapakabaliw hanggang maging ganap na isa!
Sa pagsilip natin tungkol sa ating buhay...
Hahabi muna tayo ng matatamis na mga pangarap,
Lilimutin natin ang mga nakabalumbong ulap,
Mahal, tayong dalawa lamang ang sa aking hinagap.
Sa aking paglisan...may tampo ang bawat hakbang,
Mahal, bakit nga ba dapat pa kitang iwan?
Sa kabila ng nakatutulig na katotohanan -
Na ikaw ang mahal ko higit kanino man!
Sa muli nating pagkakalayo...ikaw pa rin ang kasama,
May tamis at pait ang bawat butil ng iyong alaala...
May luha ang bawat pagngiti sa aking pag-iisa
Kailan nga kaya tayo muling magkakasama?
At sa muli kong pagbalik sa aking daigdig...
Baon ko ang tamis ng napakadakila mong pag-ibig,
Hindi ako lumilimot...kahit man lang isang saglit,
Mahal...kahit kailan hindi ka mawawaglit.
Kailan kaya matatapos ang aking paglalakbay?
Kailan kaya magwawakas ang aking paghihintay?
Sana mamaya na...kahit saglit man lang,
Upang ang puso ko ay muling magpahingalay!
Copyright(R) 1998, CYBERMASTER All rights reserved Manila, Philippines