LAMAT
by: CyberMaster

          
               
            Nililok ko ng pag-ibig itong babasaging kristal,
            Puhuna'y puso, buhay at pagmamahal.
            Sinangkapan ng halik, yakap at tapat na pagsuyo,
            Palamuti'y haplos ng pagsusumamo.

            Iningatan at buong pusong ikinarangal
            Ang aking kristal na pinakamamahal.
            Napupuyat upang huwag madungisan
            At sa bawat sandali'y pinagmamasdan.

            Nguni't nang minsang ako'y nalingat...
            Sa aking pagbalik...ako'y nagulat,
            Ang pinakatatago kong kristal...
            Diyata't ito'y nagkaroon ng lamat!

            Lumuluha akong siya'y pinunasan...
            Nagbabakasakaling matanggal ang lamat,
            At habang nagpupunas...ako'y nagimbal,
            Diyata't nagsalita ang babasaging kristal!

            Hindi ko na kailangan ang pag-ibig mo, mahal...
            Sawa na ako sa iyong pagmamahal...
            Tama na...tapos na nga ang lahat,
            Hindi na maaaring mapawi pa ang lamat!
            

[ Go back to my homepage ]
Copyright(R) 1998, CYBERMASTER 
All rights reserved 
Manila, Philippines

 

 

 

 

 

1