Nanahan sa bukid ang basbas ng ulan
Matapos humataw ang mahabang init
Niyakap ng putik ang paa at kamay.
At muling nangarap ng pagtatampisaw
Ang mga araro’t sudsod sa kamalig;
Nanahan sa bukid ang basbas ng ulan.
Baon ang rekwerdo ng dating amihan,
Mga magsasaka’y ‘di nagdal’wang isip;
Niyakap ng putik ang paa at kamay.
Mulang kabundukan, may hatid na kristal
Na hamog ang hangi’t tinighaw ang pawis;
Nanahan sa bukid ang basbas ng ulan.
Sa gitna ng pitak, dama ang pagsilang
Ng mga salakot at punla sa ligid;
Niyakap ng putik ang paa at kamay.
Nang muling tanawin ang kanilang linang,
Umusbong ang ngiti, lupa’y nagkapintig.
Nanahan sa bukid ang basbas ng ulan;
Niyakap ng putik ang paa at kamay.