Ingkong Logio
In this episode, Ingkong Logio is a model public official.
Dumating ang unang araw ng Linggo.
Ang una kong ipinaliwanag ay ang tungkulin ng mga namumuno sa bayan.
Ang mga namumuno sa bayan ay tagapaglingkod ng bayan, ilinagay ng bayan para sa bayan.
Kung sila ay lumalakdaw sa kanilang
pagtupad o nagmamalabis sa kanilang tungkulin, ang bayang naglagay sa kanila ay may karapatang mag alis sa kanila sa tungkulin nilang hawak.
Sila ay tumatanggap ng salapi ng bayan
at iginagalang ng bayan, kaya naman dapat nilang isipin at gawin ang lahat
ng ikabubuti ng bayan sa pamamag-itan ng marangal, matalino at matapat
na paglilingkod, at gisingin ang natutulog na pag-iisip ng mga mamamayan.
At palibhasa ay gahol na sa oras, sa isang Lingo naman, ang sabi ko.
Sa ikalawang Linggo, ang pulong ay
dinaluhan ng lalong maraming tao, kaya nahalata kong malaki ang ipinagbago
ng kalagayan.
Sa pulong na ito ay ipinaliwanag ko
ang tungkulin ng mamamayan, para sa kanilang bayan at sa kanilang mga pinuno.
"Tungkulin ng mga mamamayan ang magbigay-alam sa mga pinunong bayan ang alinmang bagay na inaakala nilang makapipinsala
sa bayan at sa mga mamamayan na rin gaya ng mga magnanakaw, manghuhuthot,
mga naninira ng kagalingang bayan at iba pa. Tungkulin ding mahigpit
ng mga mamamayan ang gumalang at tumulong sa mga pinunong bayan sapagkat
matalino man at masipag ang punong bayan kung hindi naman tutulungan ng
mga mamamayan ay walang magagawa ang mga punong bayan kung sa kanilang
sarili lamang. Ang karangalan at kagalingan ng bayan ay nasa pagtutulungan
ng mga pinuno at ng mga mamamayan."
Natapos ang miting ng linggong yaon
sa kasiyahan ng lahat, matangi marahil sa ibang mga pinunong sa simulain
ko ay hindi nasisiyahan.
Simula noon ay gumulong na sa bayan
ang matunog na balitang ilan sa mga pinunong bayan ay kasalukuyang naghahanda
ng mga paraan upang ako ay maalis sa tungkuling pagka Vice Presidente,
sapagkat ako raw ay nagsasabog ng kaguluhan sa bayan.
Yaon ay hindi ko pinansin, kundi pinasigla
ko pa nga ang aking mga pagpapaliwanag hanggang sa magtagumpay ang
aking mga simulain, sa lubos na pagkamuhi ng aking mga kalabang lihim.
Dapat malaman na ang mga nagsisipamuno
ng mga panahong yaon ay ang mga sumusunod:
Serafin Linsangan, Jues de Paz, Claudio
de los Reyes, Presidente, Eulogio Villa, Vice Presidente, ang mga konsehal,
Valentin B. Reyes, Marcos Villa, Pedro Villafuerte, Andres Rios, Juan Villaflor, Gregorio Barcelo, Laureano Huerta at Damaso Ramos. Ang Tesorero Municipal ay si Bernardino Villajuan.
Hindi nalaunan at natuklasan ko ang
Pangkat na nagsusumikap na ako ay matiwalag sa Pamahalaan.
Ang pangkat na ito ay binubuo ng mga
konsehales na sina Pedro Villafuerte, Marcos Villa, Andres Rios, Gregorio
Barcelo at Damaso Ramos sa pangungulo ng noon ay Tesorero Municipal Bernardino
Villajuan.
Ang Jues de Paz Serafin Linsangan
at ang Presidente Municipal Claudio de los Reyes ay wari ay hindi sila
kasama sa Pangkat ngunit may hinala akong sila ay tumutulong nang lihim.
Ang mga konsehal Laureano Huerta at
Juan Villaflor ay hindi nakialam sa alinmang panig.
Ang konsehal Valentin B. Reyes ay
nanatili sa aking panig at isang mamamayang nagtatanggol ng aking mga simulain.
Ito ay si G. Pedro Bustamante.
Sinimulan ni Tesorero Villajuan ang
paghahabla sa akin at kay G. Pedro Bustamante ng kasalanang falsificacion
de documento publico (Panghuhuwad ng Kasulatang Bayan), Estafa (Pagdaraya),
at Exacion Ilegal ( Pagmamalabis sa Pagsingil) at iba pa sa tulong ng noon
ay Fiscal Provincial Senor Manalak at ng noon ay Gobernador Epifanio de
los Santos, na kanilang kapanalig sa politika laban kay Don Isauro Gabaldon.
Nang simulan ni Tesorero Villajuan
ang kanyang paghahabla sa akin ay ako ay tinawag ng aking abogadong si
D. Isauro Gabaldon, at nagpunta kami sa bahay ng Kgg. Julio Llorente na
noon ay kasalukuyang Juez de Primera Instancia sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Malugod kaming tinanggap ng mabait na Juez na yaon at nang kami ay nakaupo
na ay iniutos sa akin ni Abogado Gabaldon na iulat ko sa Kgg. na Juez ang
lahat ng kadahilanan ng mga pag-uusig sa akin ng aking mga kalaban.
Iniulat ko ang lahat, at pinakinggan
naman ng Kgg. na Juez pagkatapos sinabi naman ni Abogado Gabaldon na kung
ako ay mawawala pa sa bayan ng Pantabangan ay magiging totoong kaawaawa
na ang mga mamamayan doon sapagkat mahirap nang magpadala roon ng ibang
hindi tagaroon.
Ang Kgg. na Juez ay tumugon na ang
wika ay "Ang pinakamabuting magagawa ninyo ay patunayan sa akin at sa Juzgado
ang lahat ng inyong sinabi. Mabuti rin ang inyong pagbibigay-alam sa akin.
Maraming Salamat sa inyong pagdalaw."
Kami ay nagpaalam na sapagkat mananaog
na rin ang Juez.
Magmula na noon at hanggang lumalakad
ang usapin ay wala naman akong tigil sa pagbibigay ng ulat at paliwanang
sa Kgg. na Juez ng lahat ng mga bagay na ginagawa ng Pangkat ni tesorero
Villajuan na pawang paghihiganti sa akin at panglilinlang sa bayan at mga
mamamayan.
Sa maikling pangungusap ang paghihiganti
ng pangkat ni Tesorero Villajuan sa akin sa pamamag-itan ng limang hablang
kriminal na ang isa man lamang sa mga ito ay labis ko nang ikabilanggo
sa mahabang panahon ay nawalang lahat ng kabuluhan, pagkatapos ng dalawang
taon at kalahating paglalabanan.
Dapat kong ipaalam na si Tesorero
Bernardino Villajuan at ako ay tunay na magkamag-anak at sa loob ng isang
malaking angkan na mahigit sa kalahati ng mga mamamayan sa Pantabangan.
Ngunit si Bernardino ay nagkaroon
ng lakas ng loob na sabihin sa aming mga kamag-anak na ako raw ay hindi
dapat ituring na kamag-anak ni kababayan sapagkat hindi naman daw ako lumaki
dito sa Pantabangan kundi sa Maynila.
Nang malaman ko ang gayoing pagtatakwil
sa akin ni Bernardino ay sinabi ko namang mula ngayon ay ang gagamitin
kong apelyido ay ang sa aking Ina, ang "Urbina" at kung ako ay papalaring
magka-anak ay ito na rin ang kanyang tataglaying apelyido "Urbina".
Marahil ang pagtatakwil sa akin ni
Bernardino bilang isang kamag-anak ay dahil sa tinamo niyang mapait na
pagkatalo sa usapin, ang pagkalagay niya at ng kanyang mga kasama sa isang
pangit na kalagayan at ang panahon, pagod, at salaping ginugol nila sa
dalawang taon at kalahating aming ipinaglaban.
Nakaraan ang lahat, nanatili ako sa
aking tungkuling pagka-Vice Presidente sa gitna ng lubos na tagumpay ng
aking mga usapin, tungkulin at mga simulain hanggang sa isalin ko ang tungkuling pagka-Vice Presidente sa aking kahalili nang taong 1907.
In the next episode, a
son is born to Ingkong Logio.
This page created with Netscape Navigator Gold