Sina Andrea, Sonia, atbp.

[Published article for Pantas under the title "Paalam, Ate Sonia", 22 May 1997]

Nakilala ko si Ate Sonia noong Pebrero 1997 sa Lungsod Quezon sa loob ng pagsasanay ng mga Gender Educators ngPambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka (PAKISAMA).Isa siya sa mga kinakatawan ng Kapisanan ng mga Magulang Tungo sa Kaunlaran (KAMAKA-PAKISAMA) mula sa bulubunduking bayan ng San Luis, Aurora.Bilang panimula, pinanood namin ang lumang pelikula ni Nora Aunor, ‘yung "Andrea… paano ba maging isang ina". Kagaya ni Andrea, si Ate Sonia ay isa ring ina, at mayroon din siyang mga prinsipyong pinaninindigan. Siya ay aktibong nakikilahok sa lokal na pamamahala (partikular sa pagpapadaloy ng mga batayang serbisyo sa komunidad) at nagsisikap na magkaroonng alternatibong hanapbuhay sa pamamagitan ng pananahi,pagluluto at pagtitinda ng mga organikong produkto.

Makalipas ang isang buwan, muli kaming nagkita ni Ate Sonia sa tanyag na lugar ng Tagaytay upang suriin ang naging resulta ng isang taong pananaliksik ukol sa kalagayan ngmga kababaihan sa kanilang lugar. Isa siya sa naging lokal na tagapanaliksik nito. Matapos ang mahigit dalawang araw na talakayan, aming sama-samang ginalugad ang karatig nalugar ng Tagaytay kagaya ng Caleruega sa Nasugbu, Batangas.

Isang araw din ang ginugol ko sa biyaheng paliko-liko sa paanan ng Sierra Madre upang makarating sa tahimik na bayan ng San Luis. Aking titingnan ang pag-eensayo ng mga kagaya ni Ate Sonia para sa kanilang napipintong Basic Gender Awareness seminar. Subalit si Ate Sonia pala ay nasa hospital, mag-dadalawang linggo nang hindi kumakain, hindi makatulog, nag-iisip, nagdaramdam.Si Papin, ang panganay na babae ni Ate Sonia ay nag-uwi nang asawa sa murang edad na 19. Hindi mapalagay ang kalooban ni ate Sonia sa nangyari, sa kabila ng payo ng mga kasamahan nito na tanggapin na lamang ang kagustuhan ng anak at bagkus ay dapat isipin na marami pa siyang anak na maliit, kailangan niyang kumain o matulog para lumakas. Sa labis na panghihina, hindi naagapan ng kakarampot na serbisyo ng Baler Memorial Hospital ang pananakit ng ulo ni ate Sonia, kung kayat pagkaraan ng dalawang araw, siya ay pumanaw.

Anihan ng mga palay, abala ang mga magsasaka sa pagbibilad,pagbebenta at paglalako ng kanilang produkto… at sa isang dako, may isang nanay na hindi na ito nakita.#

Go Back.

1