Ikaw


Buhay ko noon ay walang sigla
Hanggang isang araw ay natagpuan kita
Mula noon buhay ko'y naging masaya
At bawat oras sa aki'y naging mahalaga

Mula nang ika'y akin nang makasama
Paligid ko'y kulay rosas at sadyang kay ganda
Buhay ko noon na walang direksiyon
Dahil sa iyo, ngayo'y alam ko na saan paroroon

Ipinakita mo sa akin ang kagandahan ng buhay
At sa tamang landas ako'y iyong inakay
Hindi mo ako iniwan at hindi pinabayaan
Sa madilim kong nadaraanan ako'y iyong inilawan

Tinanglawan mo ang aking isipang nagdidilim
Puso kong may lumbay ay iyong inaliw
Sarado kong diwa ay iyong binuksan
Mura kong katauhan ay iyong inalagaan

Ngayo'y malakas na ang aking mga pakpak
Natuto na akong lumipad ng mataas
Marunong na akong tumayo sa sarili kong paa
Ngunit ika'y di lumisan, ako'y inalalayan pa

Ngayon panahon na upang ika'y aking pagsilbihan
At buong puso kitang pinasasalamatan
Magpakailanpaman puso'y sa iyo ibibigay
Buhay ko man sa iyo rin aking iaalay

Lahat ng ito'y ikaw ang nagkaloob
Ngayon sa iyo, muli kong inihahandog
Babalik ako sa iyo pagkat alam ko na ang daan
Tungo sa iyong kaharian, na siyang akin ring tahanan...

Home Table of Contents Previous Next
1