Hindi ko gustong tumula sa inyo
dahil suwapang ako.
Nasubukan mo na bang
lakarin ang buong haba
ng Taft sa ilalim ng ulan?
Na sa simula'y balat mo'y
dinaplisan ng ambon
na dahan-dahang lumakas
at dumami ang patak
hanggang sa tuluyang bumuhos?
Nagawa mo na bang
imbis maghanap ng silong
sa mga gusali sa tabi
ng daan o sa ilalim ng LRT
ay hayaang mabasa ang
buo mong katawan, mula ulo
hanggang paa?
Naramdaman mo bang
tumaas ang tubig
mula sa kalsada, patungo
sa `yong talampakan hanggang
sa gitna ng `yong mga binti?
Nayakap mo na ba ang ulan
sa kabuuan nito't
pinayagang pumaloob
sa `yong katauhan?
Kung hindi pa'y nakikiramay ako
`pagkat hindi mo pa nararanasang
tunay na mabuhay.