» DANIW : POETRY
» SARITA : KUWENTO
» SALAYSAY : SANAYSAY
» KDPY : ATBP
» URNONG : KALIPUNAN
» MANNURAT : MAY-AKDA
» GUMIL
|
« kuwento : roy v. aragon »
ANG BALIW NG BAYAN NG SILI
UNA KO SIYANG NAPANSIN, NA NAKATALUNGKO, parang tulala, sa gilid ng hagdanang paakyat sa ikalawang palapag ng merkado publiko ng Sili, Magayon. Mahaba ang madalang, naninikit niyang buhok na nakahapay sa libagin, nanlilimahid niyang butuhang liig at mataas na balikat. Nangingitim na ang dati'y puti't maluwang niyang tisert na may markang pulang "God Bless America" at pula ring larawan ng mansanas sa harapan, gayundin ang kanyang kupas na maong na punit sa may tuhod, at sa may harapa't puwitan na pinaninilipan ng ilang hibla ng kanyang bulbol at inuuslian ng ilang bahagi ng marusing, tuyot niyang bayag. Siya'y nakayapak. Patay ang karamihan sa mga kuko niya sa paa. Tantiya ko, mahigit lang siyang kuwarenta anyos subalit pinatanda ng mahaba, mangilan-ilan niyang balbas at ng malalalim na mga gatla sa kanyang noo, ng humpak niyang pisngi at ng malungkot, tila walang buhay niyang mga mata. Wala siyang kagalaw-galaw sa pagkakatalungko, walang pakialam sa mga langaw na umaaligid at dumadapo sa kanya. Buong-buo ang tuon ng titig niya sa kinaharapan, na marahil ay nakapukos doon sa mga taong kumakain sa kabila ng salaming dinding ng bagum-bago, kabubukas pa lamang na sanga ng isang sikat na multinasyonal na fastfood center, sa kabilang ibayo ng kalsada. Marahil, sa kanyang isipan, ay tinatanong kung masarap nga ba kayang talaga ang hamburger o spaghetti o pizza o pritong manok o french fries at dagsa't nagsisiksikan ang mga pumapasok upang kumain, at ang mga lumalabas na nangasandat na'y may mga bitbit pang nakaplastik na pagkain.
Hindi ko masyadong binigyang-pansin noong una ang obserbasyon kong iyon kay Indong Kagit. Marahil, sapagkat nasanay na rin ako sa mga marusing na pulubing namamalimos at mga taong-grasa sa Maynila o sa mga malalaking bayan sa amin sa Norte (ako'y dala't kupkop lamang dito sa Magayon ng isa kong tiyuhing nakapangasawa rito upang dito ko na ipagpatuloy ang pag-aaral (na natigil nang maulila ako sa ama), sa isang state college). Kinalabit lamang ako ng tila walang anumang katanungan, o kuryusidad marahil, na kung bakit sa lupalop na ito, sa isang maliit na isla-probinsiyang ito'y may mga katulad din pala ni Indong Kagit. Subalit tinugon ko rin ang walang anumang katanungang iyan ng marahil ay wala ring anumang kasagutan: siguro'y masikip na nga talaga ang mundo.
Sa pagpasok ko ng eskwelahan o paglabas ko ng bahay, malimit kong makita si Indong Kagit sa mga lansanga't kalyehon ng Sili. Naglalakad siyang tila nawawala. Parang may hinahanap sa nakangangang mga pintuan, sa nakairap o nakapikit o nandidilat na mga bintana ng mga gusali't tahanan. Parang may kinikilala sa bawat masalubong na sa kanya nama'y nandidiri, umiiwas.
At kapag nadadako ako sa boulevard sa tabing-dagat sa mga dapithapon upang lumanghap ng sariwang hangin-alat, madalas ko ring makita ko si Indong Kagit na kung hindi nakaupo sa malapad na seawall ay nakatayo sa bunton ng mga malalaking batong nagsisilbing breakwater at doo'y dumidipa-dipa, na parang umaakap-akap, sa kalawakan ng Pasipiko sa silangan. Napansin ko minsan, nang nakatayo ako nang malapit sa kinasalampakan niyang buhanginan, na nagpapahid siya ng luha, at matapos niyo'y ngingiti't tatango nang tatango at saka salita nang salita ng mga katagang di ko mawawaan. Kung minsan, sa pagdaong ng lantsang galing sa Tabaco, Albay sa hapon, nakipagsisiksikan si Indong Kagit sa mga taong sumasalubong sa mga pasahero. Kadalasa'y pinagmumura't ipinagtatabuyan at binabatukan at sinisipa pa siya ng mga nabubunggo niyang nandidiri sa kanya. Subalit matiyagang naghihintay din si Indong Kagit, nag-aabang ng kung ano o sinong di naman dumadating-dating. Hanggang sa maubos ang mga tao at siya na lamang ang matitira sa daungan. Kung saan siya uuwi, kung saan siya kakanlong sa dilim at hamog ng gabi ay hindi ko na alam. Subalit kadalasan, sa mga maagang paglabas ko, makikita ko siyang layak sa mga pasilyo ng merkado publiko o sa mga bangketa. Siya'y nakapamaluktot na parang sanggol sa matris, nilalangaw ang nanggigitatang katawan at tila siya isang bangkay, napabayaang bangkay.
Hindi ko alam at parang naging isang bugtong sa akin si Indong Kagit na gusto kong ihanapan ng wastong kasagutan. Bakit ang taong ito? Bakit siya ganito? Bakit siya ganyan? Hindi ko malaman kung bakit pinagkababalisahan ng isang banda ng aking isip ang isang bagabundo at sinasabi nilang baliw. Kung bakit ba kasi parati ko na lang siyang nakikita. Maliit nga bang bayan itong Sili o sadyang masikip lang ang mundo? Kung bakit ba napapansin ko ang kanyang presensya, ang kanyang kairalang nakikita at nararaanan samantalang simple naman sanang di ko na lang siya pansinin, na daanan ko na lang siya basta katulad ng di pakikialam ng mga taong dadaan-daan lang sa kanya, na nakapapansin lamang sa kanya dahil nasasamyo nila ang panghi't baho niya o kaya'y naiirita sa marumi't butuhan niyang palad na palagian nang nakasahod, o kaya'y nababanas sa panambit-taghoy-sumamo niyang tila hirap na hirap.
Nang lumaon, unti-unti ring napalis ang kuryusidad ko nang karaniwan nang nasasalubong ko o nadadaanan si Indong Kagit sa mga kalsada ng Sili. Inabala ko ang isip at oras sa pag-aaral at extra-curricular activities. Sinasabi ko sa sariling wala na akong panahong mabalisa sa isang taong palaboy at baliw na nakikita ko namang malaya, kontento at masaya sa sarili niyang daigdig. Sisikapin ko ring maging malaya, kontento at masaya sa sarili kong daigdig.
NANAULI ANG AKING INTERES kay Indong Kagit nang maganap ang halos isang buwang pagrarali namin laban sa korap at abusadong presidente ng aming kolehyo. Noong una, mangilan-ilan lang na lider-estudyante, na kinabilangan ko, ang nagpasimula ng demonstrasyon. Nang lumaon, nahikayat namin ang karamihan sa populasyon ng mga mag-aaral, guro, at empleyado ng kolehyo. Naging irregular ang mga klase. Hanggang sa pati ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga kasapi sa Simbahan, negosyante, at mga mamamayan ay sumuporta at nakisama sa mass actions upang maibagsak ang state college president at ilan niyang alipures na mga guro't empleyadong kasama o kaalyado sa pang-aabuso at panggigipit. Talaga naman kasing abusado ang presidente sa puwesto at saka mayabang marahil kasi'y appointed siya mismo ng Malakanyang at isa siyang dating mataas na opisyal ng DECS sa Manila. Bagong talaga, mahigit dalawang taon pa lang siyang nanunungkulan, ay dukomentado ang marami niyang pagsasamantala at opresyon sa estudyante't empleyado-bukod sa mga umiiral nang alituntunin sa kolehyo ay nagtalaga rin siya ng kanyang mga sariling batas na nagsilbi sa kapakanan niya at ng mga tapat niyang tagasunod subalit naging mapang-ipit naman sa mga ibig magmatuwid at ayaw sa kanyang pamamaraan ng pamumuno. Gusto niyang hawakan at pigilin ang karapatan ng academic community-na ituring itong parang isang istriktong pribadong kolehyo ng mga pari o madre na kung saan maraming bawal: bawal magtayo ng unyon ng empleyado, bawal magtatag ng mga organisasyong alyado sa mga progresibong grupobawal magpahayag ng damdamin, , bawal magreklamo, bawal magtanong, bawal sumagot, bawal, bawal, maraming bawal na hindi pangkaraniwan sa isang pampublikong kolehyo. At sa kabila ng mga bawal at pagbabawal na ito ay hindi naman niya binabawalan ang sarili: isang bata pa't magandang empleyadong may-asawa na natalagang sekretarya sa kanyang opisina, isang bagong graduate na guro, at ilang estudyante ang nagreklamo ng sexual assault/harassment laban sa kanya, sa kabila pa ng mga reklamo sa graft at corruption, slander at physical abuse na kinasangkutan ng ilang kasapi ng security force na ginawa niyang parang sariling bodyguards. Ang pakiwari marahil ng presidente ay sarili niyang kaharian ang kolehyo na malayang niyang pagharian kasi nasa isang liblib na isla ito na nakabukod at malayo. Isa pang pangunahing nilalabanan naming mga estudyante, maliban sa basic na problema sa mataas ng matrikula at kakulangan ng pasilidad at libro, ay ang pakikialam at panghihimasok niya sa student council, kung saan kinatawan ako ng Arts and Letters, at sa college publication, na pinamamatnugutan ko. Gusto niya kaming talian sa nguso.
Sa ikalimang araw ng rali, nang malaki na ang bilang ng mga nagrarali't nagwelwelga, umentra si Indong Kagit, sumama sa mga pulutong, nakipagsisigawan at nakipagkakantahan ng mga jingles at nakikiisa sa noise barrage at community singing.
Sapul no'n buntot-buntot na si Indong Kagit sa aming grupo. Hindi naman namin masawata, siya'y nagkusang payaso't utusan namin. Tagadala ng gagawin naming mga effigy. Tagapasan ng kabaong ng "patay na demokrasya" sa kampus. Tagabitbit ng mga plakard at istrimer.
Sa kainan, ako ang nagbibigay ng pagkain ni Indong Kagit. Sagana kami sa mga donasyong pagkain, lalo na ang pangmadalian kagaya ng delata, biscuit, tinapay at instant noodles. Nalaman kong kadalasa'y minsanan lang daw kumain sa isang araw si Indong Kagit. Malimit pa nga raw siyang di kumakain, lagi raw siyang gutom. Nagdedepende lamang daw siya sa limos at mga tira sa mga turo-turo't restawran. Naawa ako at binigyan ko pa siya ng isang tisert na may markang nakataas na kamao upang palitan ang gulanit na niyang suot. Ibinigay ko pa ang isang luma ko nang pantalong maong at isang lumang kambas na sapatos, na labis niyang ikinatuwa't ipinagpasalamat.
Hindi na humiwalay sa amin si Indong Kagit sa kahabaan ng rali. Nakipaglamay, nakitulog siya sa pansamantalang kwartel namin sa labas, sa harapa't tapat ng kolehiyo. Parang nandidiri ang ilang kasamahan ko at iniiwasan nila si Indong Kagit at ako lamang ang malapit, lumalapit, sa kanya.
Hanggang sa nakakausap ko na nang maayos si Indong Kagit.
"Nakikirali ako senyo," aniya isang gabi sa kinaroroonan naming magkatabi sa pinaligiran naming bonfire sa likuran ng aming kwartel, "sapagkat nais ko ring makatulong sa paglilinis sa inyong paaralang pinamahayan nung mga maligno't laman-lupa. Kahit ganito ako, may magagawa rin siguro ako, di baga? Gustong-gusto ko kasi kung may ganyang rali, nakatutuwa kasi masaya saka maaksiyon at saka may kainan lagi na parang piknik, di baga? Alam mo, do'n sa Naga't Legaspi, maraming rali at piket at welga sa mga paaralan saka mga pagawaan ang nakita ko't aking sinamahan kagaya ngayon dito. Alam mo, kasi, eh, yung paaralan, kagaya nitong inyong kolehiyo, ay para kasing yung isang maliit na gobyerno, eh. Kung kaya nating repormahin ito, kaya rin natin kung gayon yung malaking gobyerno, di baga? Wala lang yata kasi tayong tiwala sa ating sarili. Yung mga maliliit lang yung kaya natin, eh. Yung unti-unti saka kanya-kanyang pakikibaka, di baga?. Kung magkaisa na lang sana tayo upang lumaki tayo at nang sa gayo'y malabanan natin yung mga malalaki. Di baga? Tama, di baga?"
Di ko siya nasagot. Natitigan ko lang si Indong Kagit. Ang tila walang buhay niyang mga mata na ngayo'y parang sumasayaw sa liwanag ng tumatawang apoy ng bonfire-parang sila na ngayon ang bumibigkas sa mga sinasabi niya. Sira nga ba siya? Baliw nga ba siya-na siyang pinagkaisahan ng paligid, ng lipunan-na paniwalaan? Hindi ko alam, hindi ko alam. Subalit nahimok na naman ang aking kuryusidad. Inalam ko kung sino siya, kung bakit palaboy-laboy siya sa Sili, kung bakit ba tinatawag siyang baliw.
Fredeswindo Manlangit daw ang tunay niyang pangalan. Indo ang palayaw niya. Subalit Indong Kagit na raw ang nakagawiang tawag sa kanya ng mga tao. Baliw ang ibig sabihin ng kagit. Indong Baliw. Manapa, ayos na raw sa kanya iyon. Ang mahalaga ay mayroon din siyang pangalan na pagkakakilanlan sa kairalan niya bilang isang nilalang, bilang isang tao-na siya'y kilala rin daw sa mundong ito ng mga matuwid at matalino.
Parang gasgas nang piksion na madalas maisulat o mabasa ang kuwento ng buhay ni Indong Kagit. Isa raw siya noong nakikisaka sa isang malawak na asyenda sa Sorsogon. Dati raw lupa ng kanilang mga ninuno ang mga sinasaka nila ngunit inari ng matatalino at mayayamang mga asendero na kasapakat ng makapangyarihang mga nanunungkula't tauhan ng gobyerno. Mayroon din daw siya noong asawa na nagngangalang Cristina. Napakaganda raw ni Cristina, malimit daw itong maging reyna noon sa mga pistang bayan. Bagay naman daw siya kay Cristina kasi guwapo raw naman siya noong araw. Marami nga raw siyang naging karibal kay Cristina na mga guwapo't mayaman. Pero siya pa rin daw ang pinili ni Cristina dahil mabait daw siya at masipag at saka malaki't matigas ang paninindigan sa buhay (nangiti ako sa parteng ito, inuuto yata ako ni Indong Kagit; ewan ko, pero seryoso naman siya ng lahad). Mahal na mahal daw niya niya si Cristina. Nagkaroon daw sila ng isang anak na lalaki na pinangalanan nila ng Marcial. Ambisyon daw ng kabiyak niya ang yumaman. Subalit hindi niya naibigay ang mga kapritso nito dahil isa nga lamang siyang busabos na dukhang nakikisaka lamang at sapul pa'y batid naman iyon, tinanggap naman siya noon bilang ganoon, ni Cristina, na isa ring anak ng magbubukid. Ewan daw niya kung bakit bigla na lang gusto ng asawa niya na sana mayaman din sila. Isang araw daw ay sukat sinabi na lang ni Cristina na hiwalay na sila at siya'y iniwanan at nakisama ito sa balo at matandang asenderong panginoong-may-lupa sa malapalasyong bahay nito sa poblasyon. Saka lang niya nalaman na matagal na pala siyang iniipotan sa ulo ng mahal niyang kabiyak. Kaya pala malugod ang matandang asendero sa kanyang asawa. Kaya raw pala malimit ay hindi niya nararatnan sa kanilang kubo ang kanyang asawa sa mga takipsilim nang pag-uwi niya galing bukid at ginagabi ng dating si Cristina galing sa bayan. Kaya raw pala di miminsa'y may pera ang kanyang asawa at nakabibili ito ng mga damit at abubot sa katawan. Hindi naman daw niya inuungkat noon ang asawa kung saan niya kinukuha ang mga iyon. Minsan daw kasi'y nakakaekstra bilang manikurista't mangungulot sa isang beauty parlor sa bayan si Cristina. At wala raw siyang kahina-hinala rito. May mga naririnig daw siya noon pero hindi niya iniintindi dahil mahal na mahal nga niya ang asawa't di niya maatim na pagdudahan man lang ito. Masakit na masakit man daw ang kalooban niya noon ay wala siyang nagawa. Hindi naman daw niya magawang sugurin ang asawa't matandang asendero: bukod sa baon siya sa utang sa asendero'y maraming butangero't armadong kabig ang panginoong-may-lupa na malimit manakit sa karapata't katawan ng mga magsasaka. Makaraan daw niyon, isang araw naman ay bigla na lang daw nawala ang kanyang anak na noo'y magbibinata na. Nabalitaan na lamang niyang sumama ito sa mga rebeldeng komunista. Sinasabi raw sa kanya noon ni Marcial na pangarap nitong pagbayarin ng dugo ang asendero't angkan nito't ibalik ang inangking lupain nilang mga magsasaka. Lalo nga raw nagalit si Marcial noong iniwanan sila ng ina nito't naging kerida ng asendero. Labing-limang taong gulang lamang daw noon ang kanyang anak. Matalino raw ito kahit hanggang second year sa hayskul lang ang narating. Napakarami raw nitong nabasang libro dahil matiyaga itong nagpupunta't nanghihiram ng babasahin sa mga pampublikong aklatan. Magaling pa raw magsulat at magdebate si Marcial. Kasapi raw ito sa mga organisasyon ng mga kabataan, magsasaka't manggagawa. Hanggang sa mabalitaan na lang niyang nasawi ang kanyang anak sa isang engkwentro ng mga ito sa mga militar. Ang masakit daw sa kanya ay hindi man lamang niya nakita pa ang kanyang anak kahit na bangkay nito. May nakapagbalita sa kanya na sinunog daw ng mga sundalo ang bangkay ni Marcial matapos pagbibistayin ng armalayt at masinggan ang mura nitong katawan.
Huminto siya sa pagkukuwento. Kumislap sa pulang liyab ng apoy ang nahulog na luhang bumasa sa humpak at ngalirang niyang mukha. May kung anong tila sumungkit sa aking kalooban. Para akong nakokonsensiyang di ko alam ang dahilan. Sa siga, sa sumasayaw na apoy, para kong nakikita si Marcial na may akap-akap na AK47, gapos ng bandoler ng bala ang katawan, maiilap ang mga mata't tiim na tiim ang batang mukha, tumatakbo, sumusuot sa kadawagan, sa talahiban, habol ng mga tingga; na siya'y tila nakikipagdebate, sumisigaw ng buong giting, parang walang kamatayan, habang nagwawala, nagliliyab, kumukulog ang tangan niyang sandata, parang walang kamatayan... Hindi ko lubos maisip kung ano ang anyo niyang bangkay-ginahasa ng tingga't pinagparausan ng pulbura, nauling na bangkay.
"Tama na, Tata," sabi ko kay Indong Kagit na ngayo'y sige ang singhot at pahid ng luha't sipon. "Kalimutan mo na, Tata."
Subalit nagpatuloy siya ng pagkukuwento: Yun' naman daw asawa niyang si Cristina ay kawawa rin dahil nang ito'y pagsawaan na ng asendero'y ginawa na lang na parang alilang-kanin at kumuha ang matanda ng bagong batam-bata't mas magandang kulasisi. Gusto sana niyang magkabalikan sila at magsama uli ni Cristina pero ayaw naman daw ni Cristina, marahil daw ay nahihiya na ito. Sige raw ang pasabi niya rito na umuwi na pero isang araw na lang daw ay nabalitaan niyang namatay daw si Cristina, nagpatiwakal daw ito-uminom ng isamboteng pestisidyo. Saka lang daw nauwi si Cristina. Pero isa nang bangkay. Hanggang sa pinalayas daw siya ng panginoong-may-lupa sapagkat wala na raw siyang naipapasok sa kamalig ng asendero. Sa mga kasawiang sinapit niya, wala na raw kasi siyang siglang magsaka kung kaya't napabayaan na niya ang ilang kapitak na sakahin. Wala na raw kasing silbi pa ang pagsisikap niya dahil wala na siyang paglalaanan, patay na ang mga mahal niya sa buhay. Naging palaboy siya. Umalis siya sa Sorsogon at nakarating sa lunsod ng Naga at siya'y namalimos sa mga kapilya't simbahan doon. Noong napadpad naman siya sa lunsod ng Iriga, nagkasakit daw siya ng mabigat at akala niya'y mamamatay na siya noon. Buti na lamang daw at may naawa sa kanya na paring Italyano at siya'y ipinagamot. Naging sakitin na siya mula noon kasi palagi siyang gutom at walang mainam na makanlungan. Tibi raw yata ang sakit niya kasi ubo na lang siya nang ubo. Noong mapunta naman siya sa lunsod ng Legaspi, nakontento na siya sa pamamalimos. Gusto rin sana niyang magtrabaho nang matino-tino kahit na alilang kanin lamang o tagapag-alaga na kaya ng baboy o maski tagalinis na lang ng kubeta. Subalit wala raw tumatanggap at nagtitiwala sa kanya. Hanggang sa nakarating daw siya ng Tabaco. At isang gabing inabutan siya ng malakas na ulan sa may pantalan, patakas daw siyang kumanlong sa isang kubling sulok, sa piling ng mga kargang sako ng asukal at harina, ng kubyerta ng isang nakataling lantsa upang matulog doon. Napasarap daw ang idlip niya dahil hapong-hapo siya noon at di niya namalayang napasama siya sa paglalakbay ng lantsa patungong Sili nang maaga itong lumuwas kinabukasan. Hindi na siya nakabalik pa sa mainland. Tanda niya'y mahigit pitong taon na siyang palaboy-laboy dito sa Sili.
"Gustong-gusto ko na rito kasi payapa saka tahimik, eh," aniya. "Di kagaya yung sa mga siyudad na lagi na lang nagmamadali yung mga tao saka parating nag-uunahan yung mga sasakyan do'n, di baga?"
"Tinatawag kayong baliw, bakit, Tata?" ungkat ko. "Ayokong maniwala..."
"Paniwalaan mo na rin, Eman," ngiti ni Indong Kagit. Hungkag na ngiti sapagkat walang ningning ang mga matang ngumiti. "Mas gusto ko nga yung baliw ako, eh," tuloy niya, "sapagkat sa pamamagitan lang nung aking kabaliwan na nadarama kong umiiral ako saka buhay ako at kaiba yung aking daigdig na yung aking-akin lang. Baliw ako kasi marumi ako saka mabaho ako, eh. Baliw ako kasi di nila maintindihan yung aking mga sinasabi, eh. Kaya magpapatuloy akong maging baliw para may magbigay sa akin ng limos. Kakanta ako saka sasayaw ako para masiyahan yung mga hindi baliw. Yung maging baliw ako para makita nila ako na yung marumi saka yung mabahong baliw para masiyahan sila para matiyak na mapalad sila kasi malinis sila saka mabango sila at saka yung matino sila. Yung hindi nung kagaya ko, di baga, Eman?" Tumawa siya. Pero tuyong tawa, hungkag na tawa.
Napawi ang interes kong tuklasin pa ang "misteryo" ni Indong Kagit nang matapos na ang aming rali, na napagtagumpayan namin. Napalayas at napalitan ang abusado't korap na presidente ng kolehiyo. Bumalik sa normal ang kalagayan sa kampus at naging abala ako sa pagbawi sa mga oras sa klaseng nagamit sa rali. Hindi ko na maharap si Indong Kagit kung nasasalubong o nararaanan ko siya. Palagi na akong nagmamadali at nagkasya nang hagisan ko na lang ng barya, nang walang imik, ang nakasahod niyang palad o hawak na plastik kap. Walang imik, titingnan lang ako ni Indong Kagit ng hungkag na tingin at para akong nakokonsensiya sapagkat batid kong hindi niya kailangan ang limos kong sensilyo. Pang-unawa ang nililimos niya sa akin at alam niyang maipagkakaloob ko ang pang-unawang iyon sa kanya sa kahit na ilang sandaling panahong maiambag ko upang dinggin ang kanyang mga litanya ng hinanakit at reklamo sa buhay.
KATATAPOS NG UNANG semestre nang pinagsusuwag at pinaghahampas ng isang malakas na bagyo ang Kabikolan. Gayon na lamang ang pananalasa nito sa kanyang abot sa 260 kilometro-kada-oras na bilis-lakas. Sinalanta nito ang Magayon, lalo na sa bayan ng Sili. Umalpas ang dagat at nilusob ng naglalakihang mga alon ang mga tahana't gusaling malapit sa tabing-dagat. Pinagbabali't pinagbubunot ng humuhugong na hangin ang mga halama't punongkahoy. Pinabagsak ang mga poste ng koryente't telepono. Maraming inilipad na bubong at pinadapang bahay. Pinabundat ang mga ilog at maraming tirahan ang inanod at ilang katao ang nalunod. Pinahina ang balat ng mga kalbong bundok at dumausdos ang natibag na lupa't tinabunan ang maraming tahana't nananahan. Lampas hatinggabi nang lumusob ang kalakasan ng bagyo at humupa lang ito bandang katanghalian kinabukasan.
Naglakad-lakad ako sa kabayanan nang ganap nang makalayas ang bagyo. Gulong-gulo't lumbay na lumbay ang tila ginahasang kapaligiran. Sa may playa, bumagsak ang daungan at nagkagiba-giba't nagkalansag-lansag ang seawall at breakwater. Nabaon sa bato't buhangin ang ilang bahay at gusali samantalang ang iba'y nagmistulang mga kalansay at nawasak na mga nitso't kabaong.
Natanaw ko si Indong Kagit na nakatayo sa ibabaw ng isang malaking batong sumampa sa boulevard. Nilapitan ko siya. Namumuti ang buhok niya sa nanikit na asin. Tinanong ko kung saan siya kumanlong nang nanalasa ang sigwa. Gusto kong kilabutan sa sinabi niya.
"Nandito lang ako, eh, sinalubong ko yung bagyo! Aking pinagyayakap yung mga alon! Sabik na sabik sila, Eman, eh! Matagal nang hindi bumagyo nang ganon kalakas, eh!"
Hindi ko alam at may ningning sa ngayon ang mga mata ni Indong Kagit sa masayang pagsasaad sa di kapani-paniwalang kuwento niya. Ayaw kong maniwala subalit ayaw ko naman sanang paniwalaang niloloko lang ako ni Indong Kagit. At ayoko naman sanang paniwalaang kuwentong baliw lang ang kuwento niya. Gusto ko sana siyang paniwalaan kagaya ng batid kong sa lahat ay ako lang siguro ang pinagkakatiwalaa't pinaniniwalaan ni Indong Kagit. Marahil kasi'y ako lang naman ang matapang ang sikmurang lumalapit sa kanya, ang matiyagang nakikinig sa kanya, ang alam niyang naniniwala sa kanya.
"Pinakahihintay ko nga kasi yung mga bagyong darating, eh," pagpapatuloy ni Indong Kagit. "Inaabangan ko sila rito sa tabing-dagat. Gusto ko ngang panoorin yung kanilang poot saka galit, eh. Yung damhin yung kanilang hagupit saka kapangyarihan! Eh, nais kong hamunin sila, eh, kung kaya naman aking inihahain ang aking katawan pero siguro, eh, alam din nung mga lokong bagyo na baliw ako kaya hindi nila ako ginagalaw, eh! Yung hindi nila pinapatulan yung aking kabaliwan! Alam mo, Eman, eh, maraming bagyo na yung sinalubong ko rito!"
"Subalit anong dahilan at hinahamon ninyo ang unos?" tanong ko matapos niyang ikuwento ang pakikipaglaro raw niya sa nagsusumigaw, dumadagundong na hanging sumisiklot sa tubig ng dagat at inihahalibas sa kalupaan; sa kung paano siya nakipaghahabulan sa mga bumabagsak na gabahay, gabundok na tubig at kung paanong subain niya ang daluyong ng agos nitong pabalik sa dagat upang siklotin na naman ng nagngangalit na hangin; sa kung paano niyang iniiwasan ang mga ulos at bigwas ng nag-uumulol na hangin, ang umiigkas at humahampas na mga bato, ang lumilipad, humahagibis na mga sanga ng halama't punongkahoy at yaong nababakbak at humuhulagpos na mga bagay-bagay sa mga gusali't bahay.
Hindi ako sinagot ni Indong Kagit. Sa halip ay sumalampak siya ng upo sa bato't kinuwento na naman niya ang kanyang buhay. Tila isang kumpisal sa isang inaasahan niyang nakauunawa't naniniwala sa kanya. Kung kaya't sumalampak na rin ako ng upo sa tabi niya at siya'y pinakinggan.
Sapul pa raw pagkabata niya'y pangarap na niyang yumaman at maging sikat. Matalino rin daw siya noon. Nakapag-aral din. Dangan nga lamang at hanggang primarya lamang dahil natigil siya nang agawin na nga ng mga asendero ang mga lupain ng kanyang tatay at lolo at ng kanilang mga kanayon. Lumaban daw kasi noon ang kanyang ama. Ayaw daw nitong itatak ang kanyang hinlalaki sa mga kasulatang pinapapirmahan ng mga asendero. Pinamunuhan daw ng kanyang tatay ang kanilang mga kanayon upang ipaglaban ang karapatan nila bilang tao't karapatan sa kanilang mga bukirin. Subalit isang gabi raw, pinasok sila sa bahay ng mga may takip at talukbong ang mga mukhang lalaking may mga karbin at thompson at sapilitang kinuha, kinaladkad ang kanyang tatay sa kabila ng pagtangis-tutol ng kanyang sakiting inay. Ilang araw daw na nawala ang kanyang tatay. Natagpuan na lamang nila ang tadtad sa balang bangkay nito, pagkaraan, sa talahiban sa may ilog, na pinamimistahan na ng mga uod at pinagbabangayan ng mga asong palaboy. Sa nangyari, naglubha raw ang kanyang sakiting ina, naratay ito at yumao rin kalaunan at siya'y inampon na lang ng kanyang lolo. Gusto raw sana niya noon ang maging sundalo o polis balang araw upang hanapi't pagbayarin ang mga pumatay sa tatay niya. Subalit hindi na raw niya itinuloy ang ambisyon niyang iyon nang malaman nilang mga konstable rin pala ang umutas sa kanyang ama. Inupahan daw pala ang mga ito ng mga asenderong kumamkam sa kanilang bukid na galit sa kanyang ama at sa prinsipyo nito. Mula noon, inambisyon na lamang niya ang maging mayaman nang sa gayo'y hindi na sila aapihin. (Wala pa raw kasi siyang alam na mayamang inaapi, bagkus lahat ng mayamang alam niya ay mga mang-aapi. Pero pag siya raw ang mayaman, pinangako niyang maging mabait siya't mapagkawanggawa lalo na sa mahihirap.) Pinangarap daw niya ang maging abogado upang madali siyang maging politiko ang nang sa gayo'y madali rin siyang yumaman. (Wala para raw kasi siyang alam na abogado o politikong nanungkulan sa bayan na hindi yumaman.) Pinangarap daw niya ang makapagpatayo rin sana ng malaki't magarang mansiyon, ng mga bahay-bakasyunan at magkaroon ng marami't magagandang awto (at saka na rin daw, kung kinakailangan, ng ilang kulasising magaganda kasi parte daw yata iyan sa pagiging buhay-mayaman para matawag na namumuhay-mayamang-mayaman talaga). Subalit hanggang sa naging asawa raw niya si Cristina't inianak si Marcial ay nanatiling pangarap lang daw niya ang mga iyon kahit na nagsikap naman siya ng todo-todo at ginawa ang lahat ng makakaya upang maisakatuparan ang mga pangarap niya, kahit na hindi naman gaanong napakayaman daw, maski na sana magaang-gaan lamang na buhay at pamumuhay na sagana at hindi naghihikahos. Kung bakit daw kasi hindi man lamang siya tinulutan ng kapalaran na magtagumpay rin ng kahit na konti. Kung bakit daw kasi at sa halip ay siya'y naging isang sawimpalad, naging kalat lamang na walang silbi sa mundo, naging isang busabos, isang baliw na walang karapata't katuturan sa lipunan.
"Nagagalit nga ako kumbakit nasilang pa ako, Eman, eh, sana hindi na lang ako pinanganak," sabi niya sa matigas na pagkawika. At ngayo'y may luha si Indong Kagit. Subalit ngayo'y tila may munting apoy ang mga mata, parang may naiipon doong pagkainip, pagkabagot, pagkamuhi. "Galit nga ako do'n sa kumbakit pa ako nilalang nung ating Diyos, eh! Sinisisi ko yung Diyos, Eman, marami akong yung reklamo sa kanya!"
Hindi ko alam ang sasabihin. Tumitimo ang pagkaawa ko sa kanya. Ang tila pakikiramay ko sa pagkasawimpalad ni Indong Kagit. Subalit kung bakit tila iyon na lang ang tangi kong magawa: ang mahabag.
"Kaya ko nga hinahamon yung mga bagyong dumadating, eh!" muling wika ni Indong Kagit. Tumayo siya't tumingala sa nangungulimlim pa ring kalangitang kung saan naghahabulan ang mabibilis, makakapal, maiitim pa ring mga ulap. "Poot nung Diyos yung bagyo, poot niya sa akin kaya sinusuba ko ito. Yung naghihimagsik ako doon sa Diyos. Hindi ko katatakutan yung mga bagyo, aking haharapin kasi alam kong yan bale yung kasagutan nung Diyos sa akin. Naniniwala ako, eh, naniniwala akong kilala rin ako nung ating Diyos, yung pinapakinggan ako saka minamasdan ako at siya yung dahilan kumbakit dumarating yung mga bagyong iyon sa akin! Oo, Eman, siguro ay may halaga rin ako saka pinapansin din ako nung ating Diyos kahit na isa lang ako na yagit. Kahit na isa lang ako na kagit, eh. Yung anak din ako nung ating Diyos. Oo naman, alam kong anak din niya ako!" Humalakhak pa si Indong Kagit, dumipa sa kalangitang ngayoy' iniikot-ikotan ng nag-iisang langaylangayan. At sa pagkakaupo kong nakatingala sa kanya na nangakadipa, para siyang isang krusipiho--isang krusipihong ang kristong nakapako roo'y hindi nakatungo kundi humahalakhak.
PARANG LALONG NAPALAPIT ang loob ko kay Indong Kagit. Gusto ko sana siyang arugain sa alam kong kailangan niyang tulong sa napakarami niyang mga hinanakit at reklamo sa buhay, sa lipunan. Subalit hindi ko alam kung paano. Kung kaya't gaya ng dati, nagkasya na lamang akong bigyan siya ng pagkain at kaunting pera at lumang damit. At samantala, ginagamit ko si Indong Kagit na sabjek sa aking mga sinusulat. Marami akong nalikhang tula at kuwento at sanaysay na tungkol sa kanya, sa kanyang buhay, sa kanyang mga kaisipan.
Ngunit kung minsa'y sinusurot ako ng aking budhi. Kasya na nga kayang hagisan ko ng ilang pirasong sensilyo, na binubuntotan ko naman ng nagmamalasakit at nang-uunawang isip, si Indong Kagit upang may lisensiya akong gamitin siya bilang palabigasan ng sulatin?
NAPAKAINIT NG ARAW na iyon. Nagbabaga ang tanghaling tapat. Katatapos ng aking huling klase at pauwi na ako sa bahay upang mananghalian. Nasa sentro ng bayan ang bahay ng tiyuhin ko at walking distance lang ang kolehiyo. Nang madaan ako sa merkado publiko, napansin ko ang pulutong ng tila nagkakagulong mga tao na may pinagkakalumpunan sa may harapan ng multinasyonal na fastfood center. Sumisilaw ang mabilis na pagkikindat-kindat ng pulang ilaw sa bubong ng sasakyan ng polis na nakahimpil sa malapit, na lalong nagpaalinsangan sa nilalagnat na kapaligirang binalot ng lansa't bahong inihihinga ng tila may tipos na hangin mula sa mga tindahan ng karne't isda't daing.
Nakipagsiksikan ako sa pawisan, at ngayo'y amoy-suka't amoy-anghit na mga taong nakapaligid sa kung anong kasiya-siyang tanawin. Nakita ko roon si Indong Kagit na duguan sa pagkabulagta't pagkakatihaya: mahigpit ang pagkulong ng kanyang kaliwang bisig, sa lukong ng kanyang hungkag, mabutong dibdib, sa isang plastik bag na may marka ng pangalan ng multinasyonal na fastfood center. Pigil ng kanan ni Indong Kagit ang isang duguang hamburger na kapagdaka'y kinakagatan niya.
Nakatulala na lamang ang mga tao, nagbubulungang tila hindi malaman ang mainam na gagawin maliban sa mandilat, umismid, manuro kay Indong Kagit na hindi halos makagulapay sa kanyang duguang pagkasadlak sa maduming aspaltadong kalsada. Samantala'y sulat lang nang sulat sa munting kwaderno't tanong lang nang tanong, radyo lang nang radyo, kaway lang nang kaway, utos lang ng utos, ang mga bundat na polis.
Saglit akong natulos sa aking kinatayuan. Hindi ko rin alam ang gagawin. Kawing-kawing, buhol-buhol ang di magkamayaw na ingay ng pagtatanong, kasagutan, mura, sumpa.
Bigla na lang daw pumasok iyang baliw diyan sa fastfood at nang-agaw ng fried chicken at hamburger... Deputang kagit, buti nga sa kanya! Maski ako'y marami nang tindang mansanas at pandisal na inumit ng lintian na `yan!
Kumawala ako sa siksikan at tinakbo kong niluhura't kinandong si Indong Kagit sa batid kong pagkagitla't pagtataka ng mga tao. Kinalong ko ang nanggigitata, duguan niyang ulo. Tiningnan niya ako. Bakit, bakit, gutom na gutom ka na ba, Tata? ang sinasabi-sabi ko. Bakit? Bakit? Bakit?
Hinabol daw siya nung sikyu subalit di raw kasi pinansin niyang baliw, ayaw ibalik yung ninakaw.
Bakit, bakit, Tata? Bakit? ang inuulit-ulit ko. At nginitian ako ni Indong Kagit, duguang ngiti. At sabi niya, sa duguang pagkabigkas: "Gutom na gutom kasi ako, Eman, eh, gutom na gutom... Ayaw kasi akong bigyan ng pagkain, ayaw akong bigyan, eh... Alam naman nilang kahit na yung baliw ako saka yagit ay nagugutom din..."
Putangina, pupukulin na raw kasi niyang lintiang kagit ng napakalaking bato iyong sikyu! Putangina, susugurin na raw kasi niya iyung sikyu! Putangina, may ice pick daw iyang baliw! Putangina, kaya binaril na siya nung sikyu!
"Masarap palang talaga ng ganito, Eman, napakasarap..." Nadarama ko ang panginginig ng butuhang katawan ni Indong Kagit, ang pagsuka't pagbula ng dugo mula sa butas niyang tagiliran na pinandidilatan ng ilang lumabas niyang bituka. Subalit patuloy siya sa pagnguya't pagngalot sa kanyang duguang hamburger-duguang paglinamnam sa sabor ng sikat na produkto ng multinasyonal na fastfood na paboritong-paborito ng sambayanang dila't tiyan.
Putang inang baliw naman, o, ansiba! Tingnan mo't madededbol na nga'ng putang ina'y sige pa ang tsibog!
Bakit, bakit, Tata, gutom ka na ba talaga, gutom ka na ba talaga? Bakit? inuulit-ulit ko pa rin at hinigpitan ko ang kalong sa duguang katawan ni Indong Kagit na umaalingasaw sa lansa't baho.
"Masarap, Eman, eh, napakasarap pala talaga nito... Kahit yung mamatay na ako, kahit mamatay na ako..." aniya't siya'y patuloy na ngumuya, ngumalot, duguang pagnguya, duguang pagngalot, ngunit ngayo'y tig-isa nang pagnguya't pagngalot. "Oo, kahit mamamatay na ako, Eman, eh, kasi natikman ko na rin ang yung pinakamasarap na pagkain sa mundo..."
Buray ni inang baliw iyan, buti nga sa kanya! Siya pang dumi at kalat dito sa Sili!
"M-Masarap, Eman..." tuloy ni Indong Kagit sa pagsubo ng duguang hamburger at ngayon, ng pritong hita ng manok. Subalit hindi na makakagat ni makanguya ni makangalot si Indong Kagit. Lumabas sa duguan niyang bunganga ang duguang subo. "S-Sayang, Eman, hindi ko maubos... Biyaya nung Diyos, ansarap... Luto nung Diyos, ansarap-sarap, pinatikim sa akin.... Mahal talaga ako nung ating Diyos... Anak din ako nung ating Diyos, eh, anak din niya ako..." At minsan pa, tiningnan ako, tinitigan ako ni Indong Kagit, duguang titig, hungkag na tingin.
Binitawan ko si Indong Kagit. Tumayo akong pawisan at duguan. Para akong trangkasuhin. Para akong kukulo sa init ng umaagos sa aking mga mata. Para akong magbaga, magliyab. Tumakbo ako, hinawan, itinulak ang mga nakahara sa aking daraanan. Wala akong tiyak na direksiyon, iniwan ko si Indong Kagit na yakap-yakap pa rin ang naiwang duguang hamburger niya't fried chicken. Iniwan ko ang mga usisero, mga pakialamero ngunit walang pakialam, na maiingay, amoy-suka't amoy-anghit na mga tao. Iniwan ko ang mga bundat na polis na sulat lang nang sulat sa munting kwaderno't radyo lang ng radyo't utos lang ng utos at kaway lang nang kaway. Iniwan ko ang mga ngisi, kunot-noo, simangot, pagtataka, mura, sumpa. Iniwan ko sila. Iniwan ko ang lahat na tinatanong ko pa rin: bakit? bakit? bakit?
Umalis akong nagtatanong pa rin samantalang natagpuan ko na, nakita ko na ang kasagutan sa huling titig, duguang titig sa akin ng hungkag, duguang mga mata ni Indong Kagit.
» Second Place, Short Story, Filipino Division, Don Carlos Palanca Memorial Literary Awards 2001
|
|
|
|
|
|
|
|